Seminary
Mosias 7–8: Ang mga Propeta ng Panginoon bilang mga Tagakita


“Mosiah 7–8: Ang mga Propeta ng Panginoon bilang mga Tagakita,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosiah 7–8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 7–8

Ang mga Propeta ng Panginoon Bilang mga Tagakita

Pangulong Russell M. Nelson

Tulad ng mga titulo ng Tagapagligtas na nagtuturo sa atin tungkol sa Kanya, ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay may mga titulo na tutulong sa atin na maunawaan ang kanilang mga tungkulin sa plano ng Ama sa Langit. Nang humingi ng tulong si Haring Limhi sa isang gawaing hindi niya alam kung paano tatapusin, isang lalaking nagngangalang Ammon ang nagturo sa kanya sa propeta. Ipinaliwanag din ni Ammon sa hari ang mahahalagang katotohanan tungkol sa tungkulin ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng mga propeta bilang mga tagakita rin sa plano ng Ama sa Langit.

Pagpapatotoo tungkol sa mga buhay na propeta. Maghanap ng mga pagkakataong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga salita ng mga buhay na propeta. Itinuro ni Elder Dean M. Davies (1951–2021) ng Pitumpu, “Ang pakikinig at pagsunod sa mga buhay na propeta ay magkakaroon ng malaking epekto, at magpapabago rin ng ating buhay. Tayo ay napalalakas. Tayo ay higit na napapanatag at nagtitiwala sa Panginoon. Naririnig natin ang salita ng Panginoon” (“Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta,” Liahona, Nob. 2018, 36).

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang isasagot nila kapag may nagtanong sa kanila kung bakit sila naniniwala sa mga propeta.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga tanong tungkol sa mga propeta

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isadula ang pagsagot sa unang tatlo sa mga sumusunod na tanong. Maaari din nilang sagutin ang pang-apat kung komportable silang gawin ito.

Isipin kunwari na nalaman ng isang taong kilala mo na naniniwala ka sa mga makabagong propeta. Nilapitan ka niya at itinanong niya sa iyo ang mga sumusunod:

  • Narinig ko na may propeta ang simbahan ninyo. Ano ang ginagawa niya?

  • Bakit natin kailangan ng buhay na propeta ngayon?

  • Nabasa ko online na nagsalin si Joseph Smith ng sinaunang aklat. May iba pa bang sinauna o makabagong propeta na nakagawa niyon?

  • Ano ang pinaniniwalaan mo tungkol sa mga propeta?

Maaaring makatulong na itanong sa mga estudyante kung may tanong pa sila tungkol sa mga propeta. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga tanong.

Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng maraming turo tungkol sa mga propeta, kabilang dito ang paraan ng Ama sa Langit kung paano Niya ginagamit sila upang tulungan tayo. Habang nag-aaral ka, pag-isipan ang mga tanong sa itaas at hangaring palakasin ang iyong patotoo tungkol sa mga propeta. Maghanap din ng mga sagot sa mga karagdagang tanong mo tungkol sa mga propeta.

Tatlong paglalakbay

Maaari mong ipakita ang sumusunod na paglalarawan at ipaliwanag ang sumusunod na impormasyon. (Maaari mong kopyahin ang larawan sa pisara at iwanan ito roon para magamit sa susunod na ilang klase.) O maaari mong ibigay sa mga estudyante ang mga reference sa sumusunod na dalawang talata at sabihin sa kanila na basahin ang mga passage at ibuod ang natutuhan nila.

paglalarawan sa mga paglalakbay ng mga Nephita upang mabawi ang lupain ng Nephi

Noong hari (si Mosias) ang ama ni Haring Benjamin, nilisan ng isang lalaking nagngangalang Zenif ang Zarahemla kasama ang isang pangkat ng mga tao upang mabawi ang lupain ng Nephi (tingnan sa Mosias 9:3–4). Maraming taon nang walang narinig mula sa pangkat ni Zenif, kaya ang sumunod na hari, si Mosias (anak ni Haring Benjamin), ay nagpadala ng isang pangkat na pinamunuan ni Ammon upang hanapin sila (tingnan sa Mosias 7:1–3). Natagpuan nila ang mga tao ni Zenif, na pinamumunuan ng apo ni Zenif na si Haring Limhi. Ang mga tao ni Limhi ay inalipin ng mga Lamanita “dahil sa [kanilang] mga kasamaan” (Mosias 7:20).

Sinabi ni Haring Limhi kay Ammon na nagpadala siya ng isang pangkat na maghahanap sa Zarahemla, ngunit hindi sila nagtagumpay. Sa halip ay nagbalik sila at may dalang mga bagay mula sa lupaing nasa hilaga, kabilang na ang isang talaang nakasulat sa 24 na laminang ginto (tingnan sa Mosias 8:7–9). Umasa si Haring Limhi na maisasalin ni Ammon ang talaan o may kakilala siyang makapagsasalin nito (tingnan sa Mosias 8:6, 11–12).

Basahin ang Mosias 8:13–14, at alamin kung sino ang sinabi ni Ammon na makapagsasalin ng talaan at bakit.

  • Ano ang nalaman mo?

Maaaring makatulong na malaman na kapwa sina Mosias at Joseph Smith ay may mga espesyal na kasangkapan na tinatawag na Urim at Tummim na inihanda ng Diyos upang tulungan silang magsalin ng mga sinaunang talaan. (Tingnan sa Mosias 28:13–14; Joseph Smith—Kasaysayan 1:35. Kung gusto mong malaman ang iba pa, hanapin ang “Urim at Tummim” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

Ang tungkulin ng tagakita

Basahin ang Mosias 8:15–18 upang malaman kung ano ang mga tagakita at kung bakit naglaan ang mapagmahal na Ama sa Langit ng mga tagakita para sa atin.

  • Ano ang nalaman mo?

Maaaring makatulong na sabihin sa mga estudyante na lumapit sa pisara at isulat ang lahat ng katotohanang nalaman nila. Kung magsusulat ang mga estudyante ng isang pahayag na hindi gaanong tama, tulungan silang baguhin ang pahayag upang maging tama ito. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na suriin ang sarili nilang obserbasyon at linawin ang natututuhan nila. Ang isang katotohanan na ipinapakita sa salaysay na ito ay ang Panginoon ay naglalaan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng katotohanang ito o isulat ang katotohanang ito sa tabi ng mga talatang nagtuturo nito.

Ganito ipinaliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang tungkulin ng tagakita:

Isang taong pinahintulutan ng Diyos na makita sa pamamagitan ng mga matang espirituwal ang mga bagay na itinatago ng Diyos sa sanlibutan (Moises 6:35–38). Isa siyang tagapaghayag at isang propeta (Mosias 8:13–16). Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Ammon na ang tagakita lamang ang makagagamit ng di karaniwang pansalin, o ang Urim at Tummim (Mosias 8:13; 28:16). Nalalaman ng isang tagakita ang nakalipas, kasalukuyan, at hinaharap. Noong una[ng panahon], madalas na tawaging tagakita ang isang propeta (1 Sam. 9:9; 2 Sam. 24:11).

Si Joseph Smith ang dakilang tagakita ng mga huling araw (D&T 21:1; 135:3). Bilang karagdagan, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawa ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagakita,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa tungkulin ng propeta bilang tagakita?

  • Sa iyong palagay, bakit ipagkakaloob ng Ama sa Langit ang mga kakayahang ito sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol?

  • Paano naging katibayan ng pagmamahal sa iyo ng Diyos ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

Ang kahalagahan ng mga tagakita sa ating panahon

Anong aktibidad sa pag-aaral ang makatutulong sa iyong mga estudyante para lumalim ang kanilang paniniwala na ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag? Ang mga sumusunod ay ilang ideya. Pumili ng isa o mahigit pa, o mag-isip ng sarili mong mga ideya. Maaaring gumawa ang mga estudyante nang mag-isa o nang may kapartner.

  • Mag-isip ng kahit tatlong sitwasyon kung saan makatutulong sa iyo ang kaalaman na ang mga propeta ng Ama sa Langit ay mga tagakita upang manatili kang tapat sa Panginoon. Isulat ang mga sitwasyong ito.

  • Pag-aralan ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan mula sa isang miyembro ng Unang Panguluhan o ng Korum ng Labindalawang Apostol. Magsulat ng mga halimbawa na naglalarawan na sila ay mga tagakita.

  • Ipabasa sa mga estudyante ang “Mensahe mula sa Unang Panguluhan,” na matatagpuan sa harapan ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan (2022, 2). Isulat kung paano sa palagay mo ipinapakita ng mensaheng ito at ng mga pamantayang kasama sa polyetong ito na ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay mga tagakita.

  • Isulat ang mga kapakinabangang naranasan mo o ng iyong pamilya mula sa pagsunod sa mga tagakita.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang pinag-aralan at inihanda nila.

Maaaring makatulong na malaman na isinalin ni Haring Mosias ang mga talaan (tingnan sa Mosias 28:11–19). Mababasa mo ang isang bahagi ng mga talaang iyon kapag pinag-aralan mo ang aklat ni Eter.

Bago pa man isinalin ang mga talaan, si Haring Limhi ay naantig nang malaman niya na nakakapagsalin si Haring Mosias. Basahin ang Mosias 8:19–20, at alamin kung ano ang naging reaksyon ni Haring Limhi nang malaman niya na ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

  • Paano nakaimpluwensya kay Limhi ang pagtatamo ng kaalamang ito?

Pag-isipan kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagkakaloob ng Ama sa Langit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang gabayan tayo ngayon. Maaari mong isulat ang mga maiisip mo sa iyong study journal.

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng mga propeta at kung paano nila napagpala ang iyong buhay.