Seminary
Alma 34:1–17: Ang Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


“Alma 34:1–17: Ang Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 34:1–17,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 34:1–17

Ang Walang Katapusan at Walang Hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Nananalangin si Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani

Naisip mo na ba kung ano ang magiging buhay mo kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala? Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita na lahat ng tao ay matigas, nahulog, at nangaligaw kung wala ang walang katapusan at walang hanggang sakripisyo ng Anak ng Diyos. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan kung paano ka mapagpapala ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang walang katapusan at walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo.

Magtakda ng matataas na inaasahan. Kapag alam ng mga estudyante na mataas ang inaasahan mo sa kanila bilang mga mag-aaral, karaniwang sisikapin nilang matugunan ang mga inaasahan na iyon. Ang ilang estudyante ay maaaring magambala dahil sa kaibigan o electronic device. Palaging magbigay ng magiliw at mapagmahal na pagwawasto kapag nangyari ang mga ito o ang iba pang nakagagambalang pag-uugali. Ang paggawa nito ay makatutulong sa buong klase na maunawaan ang iyong mga inaasahan at magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga estudyante na magkaroon ng mga makabuluhang karanasan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hanapin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan na tutulong sa kanila na mas maunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan ay maaaring maging kapaki-pakinabang na resource.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paano maiiba ang buhay?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na hindi kumpletong tanong. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala ang ilan sa mga tao o bagay na lubos nilang inaasahan. Upang matulungan ang mga estudyante na mag-isip ng mga halimbawa, magdala ng ilang bagay o larawan ng mga bagay na pinahahalagahan mo.

Paano maiiba ang buhay kung wala ang …?

Mag-isip ng ilang paraan kung paano mo maaaring sagutin ang tanong na ito sa mga tao o bagay na inaasahan mo. Halimbawa, maaari mong isipin kung paano maiiba ang buhay mo kung wala ang isang partikular na tao, ilan sa mga teknolohiya o tool na madalas mong gamitin, o isang aktibidad na nasisiyahan kang gawin.

Pagkatapos ibahagi ng mga estudyante ang ilan sa kanilang mga sagot, maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at baguhin ang naunang pahayag para isaad ang: Paano maiiba ang buhay kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala?

si Cristo na nagdarasal sa Getsemani

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang tanong na ito at ilista sa kanilang study journal ang mga paraan kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Magkakaroon sila ng pagkakataong ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na ito kalaunan sa lesson.

Nagpatotoo si Amulek sa mga Zoramita tungkol kay Jesucristo

Maaalala mo na nangaral sina Alma at Amulek sa mga Zoramita, na naniwala na “hindi magkakaroon ng Cristo” (Alma 31:16). Nang matapos ni Alma ang kanyang mga mensaheng nakatala sa Alma 32–33, ibinahagi ni Amulek ang kanyang sariling patotoo tungkol sa Tagapagligtas.

Basahin ang Alma 34:1–10, at alamin kung ano ang ibinahagi ni Amulek tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang Alma 34:9–10 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magamit ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Aling mga salita o parirala tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang partikular na naging makabuluhan sa inyo? Bakit?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit kailangan natin si Jesucristo para magbayad-sala para sa atin?

  • Paano ninyo ibubuod ang mga turo ni Amulek sa Alma 34:8–10 bilang pahayag ng katotohanan?

Maaaring may natukoy kang katotohanan na katulad ng sumusunod: Kung wala ang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay mangaliligaw magpakailanman.

  • Bakit “hindi makaiiwas na masawi” o mangaliligaw magpakailanman ang lahat ng tao kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga paraan na personal silang mangaliligaw kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Isang paraan para gawin ito ay anyayahan silang pag-aralan ang 2 Nephi 9:6–12, at alamin ang mga turo na naglalarawan kung bakit kailangan natin ng Tagapagligtas.

Walang katapusan at walang hanggan

Maaari mong markahan ang mga salitang “walang katapusan at walang hanggan” sa dulo ng talata 10 at kopyahin ang sumusunod na diagram sa iyong study journal:

Maaari mong iguhit ang diagram na ito sa pisara para makopya ng mga estudyante.

ang mga salitang “ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” sa tabi ng isang arrow na nakaturo sa mga salitang “walang katapusan at walang hanggan”
  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay walang katapusan at walang hanggan?

Ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na kaalaman:

2:3

Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan—walang wakas. Ito ay walang hanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang katapusan dahil sa Kanyang napakatinding pagdurusa. … Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang bilang ng mga mundong Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman. (Russell M. Nelson, “The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 35)

  • Ano ang naituro at naipadama sa iyo ng pahayag na ito tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo?

Paano ito nauugnay sa iyo?

Bilang bahagi ng sumusunod na paliwanag, maaaring makatulong na ibahagi ang pahayag ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu na matatagpuan sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.”

Bagama’t mapagpapala ng Tagapagligtas ang walang hanggang bilang ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari din Niya kayong pagpalain nang personal. Maaari mong i-update ang diagram sa iyong study journal para maging katulad ng sumusunod:

ang mga salitang “ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” sa tabi ng isang arrow na nakaturo sa mga salitang “walang katapusan at walang hanggan” at isang arrow na nakaturo sa salitang “personal”

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano sila personal na mapagpapala ng Tagapagligtas dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ipakita o i-print ang sumusunod na resources at bigyan ng oras ang mga estudyante para mapag-aralan ang mga ito nang mag-isa o nang magkakagrupo. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita o parirala mula sa resources na ito na naglalarawan kung paano sila personal na mapagpapala ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Bukod pa sa mga banal na kasulatan at mga pahayag sa listahan, maaaring makahanap ang mga estudyante ng iba’t ibang banal na kasulatan o iba pang mga pahayag ng mga lider ng Simbahan.

Itinuro ni Pangulong Tad R. Callister, dating Sunday School General President:

2:3

May mga pagkakataon na may nakikilala akong mabubuting Banal na may problema sa pagpapatawad sa kanilang sarili, na sa kawalang-muwang at sa maling paraan ay naglagay ng mga hangganan sa mga nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Hindi nila sinasadyang lagyan ng hangganan ang walang katapusang Pagbabayad-sala [at iniisip] na sa ilang paraan ay nagkukulang para sa kanilang partikular na kasalanan o kahinaan. Ngunit ito ay isang walang hanggang Pagbabayad-sala dahil sinasakop at ibinibilang nito ang bawat kasalanan at kahinaan, gayundin ang bawat pang-aabuso o sakit na idinulot ng iba. (Tad R. Callister, “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 85–86)

Talakayin sa mga estudyante ang natutuhan at nadama nila mula sa kanilang pag-aaral. Anyayahan silang magbahagi ng mga partikular na salita o parirala na nalaman nila na naglalarawan kung paano sila personal na mapagpapala ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Halimbawa, maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga pariralang tulad ng “siya [ay] magdadala ng kaligtasan sa lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan” (Alma 34:15); “[Ang] Diyos [ay] … naghanda ng daan upang tayo ay makawala mula sa … kamatayan at impiyerno” (2 Nephi 9:10); o kaya ay “Ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga [kasalanang pinagsisihan]” (Doktrina at mga Tipan 58:42).

Pagkatapos ng talakayang ito, patingnan sa mga estudyante ang listahang ginawa nila sa kanilang study journal tungkol sa magiging buhay nila kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Maaaring i-update ng mga estudyante ang kanilang listahan batay sa natutuhan nila. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang listahan sa ka-partner o sa buong klase. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang bagay na idinagdag nila sa kanilang listahan dahil sa natutuhan nila ngayon. Maaari din silang magbahagi ng isang bagay na isinama na nila sa kanilang listahan na mas makabuluhan sa kanila dahil sa natutuhan nila, pagkatapos ay ipaliwanag kung bakit.

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na natanggap nila sa oras ng lesson.