Seminary
Doctrinal Mastery: Alma 34:9–10—“Kinakailangan na May Isang Pagbabayad-salang Gawin, … Isang Walang Katapusan at Walang Hanggang Hain.”


“Doctrinal Mastery: Alma 34:9–10—‘Kinakailangan na May Isang Pagbabayad-salang Gawin, … Isang Walang Katapusan at Walang Hanggang Hain,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Doctrinal Mastery: Alma 34:9–10,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Doctrinal Mastery: Alma 34:9–10

“Kinakailangan na May Isang Pagbabayad-salang Gawin, … Isang Walang Katapusan at Walang Hanggang Hain.”

Larawan
si Cristo sa krus

Sa nakaraang lesson, natutuhan mo ang tungkol sa walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 34:9–10, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa mga talatang ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga makatotohanang sitwasyon gamit ang scripture passage na ito.

Tulungan ang mga estudyante na magsanay na gamitin “ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.” Sikaping tukuyin sa pangalan ang mga alituntunin upang madaling matukoy ng mga estudyante kung kailan at paano ginagamit ang mga ito sa mga talakayan sa klase.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin kung paano makatutulong ang mga katotohanang itinuro sa Alma 34:9–10 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang taong nakadarama na hindi sila mapapatawad sa kanilang mga kasalanan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “Alma 34:1–17,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Alma 34:9–10. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Napansin mo na ba na mas madaling maunawaan ang isang bagay sa iyong isipan kaysa ipaliwanag ito gamit ang mga salita? Isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay bigyan ka ng mga pagkakataong ipaliwanag ang doktrina mula sa mga doctrinal mastery passage sa sarili mong mga salita.

Sa pag-aaral mo kamakailan ng Alma 34:9–10, nalaman mo na kung wala ang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay mangaliligaw magpakailanman.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang doktrinang itinuro sa Alma 34:9–10 sa sarili nilang mga salita sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga sumusunod na tagubilin.

Isipin kunwari na nagkaroon ka ng pagkakataong ipaliwanag ang kahulugan ng Alma 34:9–10 sa isang taong kaunti lang ang nalalaman tungkol kay Jesucristo. Pag-aralan sandali ang mga talatang ito at markahan o isulat ang mga salita o parirala na gusto mong maunawaan ng taong ito.

Kapag nagkaroon na ng sapat na oras ang mga estudyante para makapaghanda, maaari mo silang pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo at anyayahan ang bawat estudyante na magsanay na ibahagi ang kanilang paliwanag.

Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 34:9–10 ay: “Kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, … isang walang katapusan at walang hanggang hain.”

Tulungan ang mga estudyante na isaulo ang reperensya at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na ito. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Maaaring ulitin ng isang estudyante ang unang kalahati ng parirala, pagkatapos ay maaaring ulitin ng isa naman sa magka-partner ang natitirang kalahati. Pagkatapos ay maaaring sabay na sabihin ng magkapartner ang scripture reference. Pagkatapos itong gawin nang ilang beses, maaaring magpalitan ang mga estudyante at maaari nilang ulitin ang natitirang kalahati ng parirala.

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Bago ibahagi ang sumusunod na sitwasyon, maaari mong hilingin sa mga estudyante na pangalanan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ayon sa pagkakaalala nila. Isulat sa pisara ang bawat alituntunin habang sinasabi ito ng mga estudyante. Ipaliwanag na magkakaroon sila ng mga pagkakataong marebyu at magamit ang mga alituntuning ito sa lesson na ito.

Pagkatapos ay ipakita ang sitwasyon o bigyan ang mga estudyante ng kopya bilang sanggunian habang ginagawa nila ang aktibidad.

Isipin kunwari na hiniling sa iyong magturo ng isang lesson tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong klase sa Sunday School. Bilang bahagi ng iyong paghahanda, kinausap mo ang isang dalagita sa inyong ward na nagngangalang Olive at hiniling mo sa kanyang ibahagi ang nadarama niya kung paano pinagpala ni Jesucristo ang kanyang buhay dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Nagulat ka sa sagot ni Olive. Sabi niya, “Sa totoo lang, sa palagay ko, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nakabubuti para sa karamihan ng mga tao, ngunit hindi ako sigurado kung gaano ito naaangkop sa akin dahil sa ilan sa mga pagkakamaling nagawa ko at patuloy kong ginagawa. May mga kasalanan ako na hindi ko alam kung makakaya kong madaig.”

Habang patuloy mong inihahanda ang iyong lesson, lagi mong iniisip ang mga sinabi ni Olive at gusto mo siyang tulungan. Isipin kung paano makatutulong sa alalahanin ni Olive ang mga turo sa Alma 34:9–10 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at atasan ang bawat grupo na tumuon sa isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Maaaring gumawa ang mga estudyante ng listahan sa papel o sa pisara ng lahat ng paraan na sa palagay nila ay makatutulong ang alituntuning ito kay Olive sa kanyang sitwasyon. Pagkatapos ay maaaring anyayahan ang mga estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi sa buong klase ang tinalakay nila.

Kung kinakailangan, ang mga sumusunod na tanong ay maaaring ibahagi sa mga grupo para magamit bilang bahagi ng kanilang talakayan.

Kumilos nang may Pananampalataya

  • Anong mga partikular na matwid na gawain ang sa palagay mo ay maaaring gawin ni Olive na makatutulong sa kanya?

  • Ano ang maituturo mo kay Olive tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na maaaring makatulong sa kanya na kumilos nang may pananampalataya? Paano makatutulong ang mga turo sa Alma 34:9–10?

Para sa iba pang mga ideya kung paano maaaring kumilos nang may pananampalataya si Olive, maaari mong basahin ang mga talata 5–7 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

Suriin ang mga konsepto o tanong nang may walang-hanggang pananaw

Ang isang alternatibong paraan ng pagtuturo ng bahaging ito ay anyayahan ang mga estudyante na ilista sa pisara ang ilan sa mga maling palagay na posibleng mayroon si Olive tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa kailangan niyang gawin para matanggap ang awa ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na tulungan si Olive na ibahin ang pananaw niya sa kanyang alalahanin (o tingnan ito sa ibang paraan) sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga katotohanang nauunawaan nila tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa kailangang nating gawin para matanggap ang awa ng Tagapagligtas.

  • Sa iyong palagay, ano ang magiging pananaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa alalahanin na katulad ng kay Olive?

  • Bakit mahalagang alalahanin ni Olive na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay “walang katapusan at walang hanggan” (Alma 34:10)?

  • Paano makatutulong sa kanya ang pag-alaala na lahat ay nahulog at nangaligaw kung wala ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para makita niya ang kanyang alalahanin sa ibang paraan?

Para sa iba pang mga ideya kung paano masusuri ni Olive ang mga konsepto o tanong nang may walang-hanggang pananaw, maaari mong basahin ang talata 8 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Anong mga uri ng sources na itinalaga ng Diyos ang irerekomenda mo kay Olive para matulungan siyang makatanggap ng payo at patnubay? Bakit?

  • Dagdag pa sa Alma 34:9–10, ano ang isang banal na kasulatan o pahayag mula sa isang lider ng Simbahan na maibabahagi mo kay Olive? Paano ito maaaring makatulong sa kanya?

Para sa iba pang mga ideya kung paano makahahanap ng karagdagang pag-unawa si Olive sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos, maaari mong basahin ang mga talata 11–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang natutuhan o nadama nila ngayon na magpapala sa kanilang buhay o sa buhay ng mga taong kilala nila. Hikayatin silang maghanap ng mga pagkakataon na maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa mga banal na kasulatan sa mga sitwasyong kinakaharap nila.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa isang lesson sa hinaharap, tulungan ang mga estudyante na marebyu ang scripture reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 34:9–10: “Kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, … isang walang katapusan at walang hanggang hain.”

Ang isang paraan upang magawa ito ay isulat sa pisara ang mga unang letra ng reperensya at mahalagang parirala at sabihin sa mga estudyante na subukang tandaan ang mga salitang nauugnay sa bawat letra. Gawin ito nang ilang beses hanggang sa maulit ng mga estudyante ang scripture reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na naisaulo.

Print