Seminary
Alma 34:17–41: Ang Buhay na Ito ang Panahon na Maghanda sa Pagharap sa Diyos


“Alma 34:17–41: Ang Buhay na Ito ang Panahon na Maghanda sa Pagharap sa Diyos,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 34:17–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 34:17–41

Ang Buhay na Ito ang Panahon na Maghanda sa Pagharap sa Diyos

isang hourglass

Naisip mo na ba kung ano kaya ang pakiramdam ng makaharap ang Ama sa Langit pagkatapos ng buhay na ito? Ipinaalala ni Amulek sa mga Zoramita na “ang buhay na ito ang panahon … na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32) at nakiusap siya sa kanila na huwag ipagpaliban ang araw ng kanilang pagsisisi. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka sa iyong mga pagsisikap na maghanda sa pagharap sa Diyos.

Tulungan ang mga estudyante na makita kung paano sila itinuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo kay Jesucristo. Kapag nagtuturo ng doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo, iugnay ang mga katotohanang ito sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magbigay ng mga halimbawa kung paano makatutulong sa mga estudyante ang pagpapamuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo upang matanggap nila ang lakas, awa, at biyaya ng Tagapagligtas. Hikayatin silang kumilos nang may pananampalataya at piliing ipamuhay ang mga katotohanang ito.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Alma 34:32 at mag-isip ng mga paraan na masusunod nila ang payo sa talata. Maaari nilang isulat ang ilan sa mga paraan kung paano sila naghahandang bumalik sa kinaroroonan ng Diyos at ang mga pagbabagong magagawa nila na makatutulong sa kanila na maging mas handa.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kahalagahan ng paghahanda

Isipin ang isang bagay na kailangan mong paghandaan sa iyong buhay, tulad ng pagsusulit, recital, o athletic event.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong kasama ng ka-partner o sa maliit na grupo.

  • Ano ang ilang istratehiyang ginamit mo para makatulong sa iyo na maging handa?

  • Ano ang ilang bagay na nagpahirap o maaaring magpahirap sa paghahanda?

Alalahanin na nangaral sina Alma at Amulek sa isang grupo ng mga Zoramita na itinaboy palabas ng kanilang mga sinagoga dahil sa kanilang kahirapan. Ang mga Zoramitang ito ay hindi naniwala noon kay Jesucristo (tingnan sa Alma 31:16), kaya pinayuhan sila nina Alma at Amulek na magbigay-puwang sa kanilang mga puso para lumaki ang patotoo tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Alma 32:27–28; 34:4–6). Habang nagtuturo sa mga taong ito, nagbahagi si Amulek ng isang bagay na dapat nating paghandaan.

Basahin ang Alma 34:32, at alamin ang itinuro ni Amulek.

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag na nakasulat sa bold letter. Hikayatin ang mga estudyante na markahan ang mga salita ng katotohanang ito sa talata 32.

Mula sa mga turo ni Amulek, nalaman natin na ang buhay na ito ang panahon para maghanda tayo sa pagharap sa Diyos.

  • Ano ang ilang pag-uugali at gawa ang inaasahan ninyo sa isang taong naghahanda sa pagharap sa Diyos?

Bigyan ng oras ang mga estudyante na suriin ang sarili sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga sumusunod na ideya. Hindi layunin nito na ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip.

Pag-isipan sandali ang nadarama mo tungkol sa pagbalik sa piling ng Diyos. Isipin kung nagsisikap kang makabalik nang karapat-dapat sa Kanyang piling at kung ano ang makahahadlang sa iyo sa mithiing iyon. Habang patuloy kang nag-aaral, mag-isip ng mga paraan na maipamumuhay mo ang mga turo sa Alma 34 para matulungan kang maging mas handa sa pagharap sa Diyos.

Mga paraan na makapaghahanda tayo sa pagharap sa Diyos

Marami sa mga turo ni Amulek sa Alma 34 ang tumutulong sa atin na maunawaan kung paano tayo makapaghahanda ngayon sa pagharap sa Diyos.

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang mga sumusunod na talata, at alamin ang mga turo na makatutulong sa atin na maghanda sa pagharap sa Diyos. Hatiin ang klase sa maliliit na grupo at magtalaga sa bawat grupo ng mga partikular na talata na sama-samang pag-aaralan. Halimbawa, maaaring pag-aralan ng isang grupo ang mga talata 17–27, maaaring pag-aralan ng isa pa ang 28–34, at maaaring pag-aralan ng isa pa ang 37–41.

Talakayin sa mga estudyante ang natutuhan nila nang pag-aralan nila ang mga talatang ito. Magagamit ang mga sumusunod na tanong bilang bahagi ng talakayang ito.

  • Ano ang itinuro ni Amulek sa mga talatang ito na makatutulong sa iyo na maghanda sa pagharap sa Diyos?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa mga turong ito na maging mas handang makabalik nang karapat-dapat sa piling ng Diyos?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa katangian at mga hangarin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo mula sa mga talatang pinag-aralan mo?

Kasama sa mga halimbawa ng mga sagot na maaaring ibigay ng mga estudyante sa nakaraang tanong ay nalalapitan ang Diyos, saanman tayo naroon o ano man ang gusto nating hilingin (tingnan sa mga talata 17–27). Maaari din nilang ipaliwanag kung gaano tayo pinagpapala agad ng Tagapagligtas kapag nagsisi tayo (tingnan sa talata 31).

Huwag ipagpaliban ang inyong pagsisisi

Tingnan ang pahayag ni Amulek sa talata 33: “Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi hanggang sa wakas.” Maaari mong markahan ang pariralang ito sa iyong mga banal na kasulatan.

  • Bakit maaaring matukso ang ilang tao na ipagpaliban ang pagsisisi?

Basahin ang Alma 34:33–35, at alamin ang mga dahilan kung bakit nanghikayat si Amulek na huwag nating ipagpaliban ang ating pagsisisi.

Maaaring makatulong na anyayahan ang mga estudyante na tumukoy ng mga tanong o alalahanin na posibleng magkaroon ang isang tao pagkatapos basahin ang mga talatang ito. Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga sumusunod na resources, maaari silang tumukoy ng mga turong makatutulong na lutasin ang mga tanong o alalahaning iyon.

Itinuturo sa atin na ang pagsisisi ay maaaring magawa sa mundo ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:31, 33, 58). Ngunit binigyang-diin ng mga propeta sa mga banal na kasulatan at sa mga huling araw kung gaano kahalaga na magsisi tayo sa mortalidad. Ibinigay ni Elder Melvin J. Ballard [1873–1939] ng Korum ng Labindalawang Apostol ang payo na ito:

Higit na mas madali na magtagumpay at paglingkuran ang Panginoon kapag magkasama ang laman at ang espiritu. Ito ang panahon kung kailan ang mga tao ay mas naiimpluwensiyahan at nakakatugon. … Ang buhay na ito ang panahon upang magsisi. (Melvin J. Ballard: Crusader for Righteousness (1966), 212–13; binanggit sa Dallin H. Oaks, “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 94)

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talata 33–35 at ng pahayag na ito kung bakit hindi natin dapat ipagpaliban ang ating pagsisisi?

Ang pagsisisi ay mahalagang bahagi ng paghahandang bumalik sa piling ng Diyos. Alalahanin na mapagmahal na ipinagkakaloob ng Panginoon ang awa sa mga nagsisikap na magsisi, kahit na nahihirapan silang daigin ang ilang kasalanan.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Kung minsan sa ating pagsisisi, sa araw-araw nating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo, paulit-ulit tayong [nahihirapan sa iyon at iyon ding kasalanan]. …. Huwag panghinaan ng loob. Kung kayo ay nagpupursigi at nagsisikap na magsisi, nasa proseso kayo ng pagsisisi. (Neil L. Andersen, “Magsisi …. Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 41)

Bago itanong ang mga sumusunod, sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na may kaibigan sila na umiiwas na magsisi sa iba’t ibang dahilan, tulad ng kahihiyan o kawalan ng hangaring magbago.

Maaaring makatulong sa mga estudyante na buuin ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong sa kanilang study journal bago talakayin ang mga tanong na ito ng buong klase.

  • Ano ang maibabahagi mo mula sa mga turo ni Amulek sa Alma 34:30–38 na makatutulong sa isang taong natutuksong maghintay hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay bago magsisi at magbago?

  • Sa iyong palagay, bakit makabuluhan ang pagsisisi, sa kabila ng mga dahilan kung bakit hindi ito gagawin ng taong ito?

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na maaaring makahikayat sa taong ito na magsisi nang agaran at madalas?

Patotohanan ang mga katotohanang tinalakay ninyo ngayon at ang tulong na maibibigay ng Tagapagligtas sa mga estudyante kapag nagsikap sila na maging mas handa sa pagharap sa Diyos.

Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo ngayon tungkol sa paghahanda sa pagharap sa Diyos at hindi pagpapaliban ng pagsisisi. Isipin ang mga nais mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon. Isulat ang mga naisip at impresyon mo sa iyong study journal.