Seminary
Alma 36–38: Buod


“Alma 36–38: Buod,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 36–38,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 36–38

Buod

Sa Alma 36–39, pinayuhan ni Alma ang kanyang mga anak na sina Helaman, Siblon, at Corianton. Isinalaysay niya ang kanyang karanasan na nakakita siya ng isang anghel, ang pagdurusang naramdaman niya dahil sa kanyang mga kasalanan, at nakahanap ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Itinuro niya na kadalasang gumagamit ang Panginoon ng maliliit at mga karaniwang bagay upang maisakatuparan ang mga dakilang bagay, tulad ng mga banal na kasulatan na itinuturo “ang daan na nararapat [nating] patunguhan” sa ating buhay (Alma 37:40). Pinayuhan niya ang kanyang mga anak na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Mapagmahal niyang pinayuhan ang kanyang anak na si Corianton na talikuran at pagsisihan ang kanyang mga kasalanan, kasama na ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri.

Maghandang Magturo

Ang sumusunod na impormasyon ay nagbibigay sa mga titser ng mga ideya tungkol sa kung ano ang maaaring kailangang ihanda nang maaga para sa bawat lesson.

Alma 36

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na bumaling kay Jesucristo nang may pananampalataya at madama ang kagalakan ng Kanyang pagliligtas.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na dumating na handang magbahagi ng halimbawa ng isang taong nakatagpo ng kapayapaan kay Cristo pagkatapos magdusa nang ilang panahon. Ano ang nakatulong sa taong ito na makatagpo ng kapayapaan?

  • Larawang ipapakita: Isang larawan ng Nakababatang Alma at ng anghel

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Habang nagmamarka ang mga estudyante ng mga salita at parirala sa iba’t ibang paraan, maaari mong anyayahan ang mga gumagamit ng digital scriptures na i-share ang kanilang screen upang ipakita ang mga epektibong paraan na nahanap nila para markahan ang kanilang mga banal na kasulatan.

Alma 37

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na manampalataya kay Jesucristo habang pinag-aaralan nila ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan.

  • Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante sa araw-araw na pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan na pagnilayan ang mga pagpapalang dulot nito sa kanilang buhay, lalo na kung paano ito nakatutulong sa kanila na lumapit kay Cristo.

  • Mga larawang ipapakita: Mga larawan ng maliliit at mga karaniwang bagay, tulad ng toothbrush, text message, ehersisyo, o simpleng paglilingkod; larawan ni Lehi at ng Liahona

  • Mga Video:Pinayuhan ni Alma ang Kanyang mga Anak” (17:05; manood mula sa time code na 3:15 hanggang 5:05); “Pagmumuni-muni Tungkol sa Pagmamahal ng Diyos—Bakit Mahalaga sa Akin ang mga Banal na Kasulatan” (3:27; manood mula sa time code na 2:36 hanggang 3:27); “Patuloy na Pagbabalik-loob—Bakit Mahalaga sa Akin ang mga Banal na Kasulatan” (2:42)

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Para simulan ang lesson, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang isa o dalawang halimbawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na gumagawa ng malaking kaibhan sa ating buhay. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng 30 segundo para maghanap ng isa pang halimbawa sa kanilang tahanan at dalhin ito para ipakita sa klase.

Alma 37–38

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matutuhan na ang pagsunod sa mga kautusan ngayon ay magpapala sa kanila habambuhay.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin o isaulo ang Alma 37:35 at dumating sa klase na handang magbahagi kung bakit sa palagay nila ay mahalagang “matuto sa [kanilang] kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.”

  • Larawang ipapakita: Isang larawan ng isang batang puno

  • Video:Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan” (14:39; manood mula sa time code na 7:29 hanggang 8:35)

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Kapag sumagot ang mga estudyante sa tanong tungkol sa pinakamagandang payo na natanggap nila mula sa isang magulang o lider ng Simbahan, maaari mo silang anyayahang i-post ang payo sa chat. Sa paggawa nito, marerebyu nila ang mga komento ng isa’t isa. Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang ibahagi kung sino ang nagpayo sa kanila at kung paano sila napagpala nito.

Alma 39

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang bigat ng kasalanang seksuwal at kung paano labanan ang tuksong labagin ang batas ng kalinisang-puri.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang nalalaman nila tungkol sa batas ng kalinisang-puri, kung ano ang nadarama nila tungkol dito, at ang anumang tanong na maaaring mayroon sila.

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang chat feature para magtalakayan ng mga paraan at magpalitan ng mga ideya kung paano makokontrol ngayon ng mga kabataan ang kanilang sarili at mapaglalabanan ang tukso. Maaari ka ring gumamit ng mobile app na magagamit ng mga estudyante para ibahagi ang kanilang mga iniisip nang hindi sila nakikilala.

Doctrinal Mastery: Alma 39:9

Layunin ng lesson: Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ang doctrinal mastery passage at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 39:9, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.

  • Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na simulang isaulo ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 39:9. Maaari mo rin silang hikayatin na subukang isaulo ang buong talata.

  • Mungkahi sa pagtuturo sa videoconference: Para sa aktibidad sa pagsasanay para sa pagsasabuhay, maaari mong ipagpangkat-pangkatin ang mga estudyante sa mga breakout room para matalakay nila kung paano tutulungan si Ivan. I-post ang mga sumusunod na tanong sa chat: “Ano kaya ang mangyayari kung susuriin ni Ivan ang kanyang sitwasyon nang may walang-hanggang pananaw? Ano ang ilang halimbawa ng sources na itinalaga ng Diyos na makatutulong kay Ivan? Ano ang magagawa ni Ivan para kumilos nang may pananampalataya at ‘huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng [kanyang] mga mata’ (Alma 39:9)?” Pag-isipang bisitahin ang bawat breakout room kung maaari. Kung kinakailangan, maaari mong i-post sa chat ang anumang karagdagang tanong na nakalista sa lesson na maaaring makatulong sa mga estudyante.