Seminary
Alma 37–38: “Matuto sa Iyong Kabataan”


“Alma 37–38: ‘Matuto sa Iyong Kabataan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 37–38,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 37–38

“Matuto sa Iyong Kabataan”

mag-amang nagbabasa

Ano ang ilang aral na natutuhan mo sa iyong mga magulang o mga lider ng Simbahan? Ano ang ilang bagay na inaasam mong maituro sa iyong mga anak balang araw? Naunawaan ni Alma na ang mga magulang ay may sagradong responsibilidad na turuan ang kanilang mga anak. Pagkatapos ng kanyang misyon sa mga Zoramita, tinipon ni Alma ang kanyang mga anak upang turuan at hikayatin sila. Pinayuhan niya sila na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matutuhan na ang pagsunod sa mga kautusan ngayon ay magpapala sa iyo habambuhay.

Gabayan ang mga mag-aaral na kumilos ayon sa personal na paghahayag. Sa halip na sabihin sa mga estudyante kung ano ang dapat nilang gawin, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang maaari kong ipagawa sa mga estudyante na maghihikayat sa kanila na hingin ang tulong ng Espiritu Santo habang natututo sila para sa kanilang sarili?” o “Ano ang maaari kong ipagawa sa mga estudyante para gawin nila ang mga pahiwatig na natatanggap nila?”

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin o isaulo ang Alma 37:35 at dumating sa klase na handang magbahagi kung bakit sa palagay nila ay mahalagang “matuto sa [kanilang] kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Payo mula sa isang magulang

Ibahagi ang sumusunod na kuwento, o magbahagi ng isang halimbawa na mas nauugnay sa iyong mga estudyante tungkol sa payong natanggap ng isang kabataan mula sa isang magulang o lider ng Simbahan.

Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang sumusunod na kuwento:

Sa isang panayam na nalathala sa isang magasin, ang kilalang Amerikanong manlalaro ng basketbol sa NCAA na si Jabari Parker, na miyembro ng Simbahan, ay nahilingang ibahagi ang pinakamagandang payong natanggap niya sa kanyang ama. Sagot ni Jabari, “Sabi [ni itay], kung ano ang pagkatao mo kapag walang nakakakita, dapat ganoon ka pa rin kapag may nakatingin.” Mahalagang payo … para sa ating lahat. (Thomas S. Monson, “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2014, 68)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. Pagkatapos ng sapat na oras, pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga tanong.

Kunwari ay iniinterbyu ka at itinatanong sa iyo ng nag-iinterbyu ang mga sumusunod:

  • Ano ang pinakamagandang payo na natanggap mo mula sa isang magulang o lider ng Simbahan?

  • Paano ka pinagpala ng payo na ito?

Nakatala sa Alma 36–42 ang mga payo ni Alma sa kanyang mga anak pagkatapos magmisyon sa mga Zoramita. Napag-aralan mo na ang marami sa itinuro niya sa kanyang anak na si Helaman (Alma 36–37). Sa lesson na ito, pag-aaralan mo ang natitirang bahagi ng kanyang payo kay Helaman, at ang mga alituntuning itinuro niya sa kanyang anak na si Siblon (Alma 38). Habang pinag-aaralan mo ang Alma 37–38, maghanap ng payo mula kay Alma na magagamit mo sa iyong buhay o maibabahagi mo sa iba pang mga kabataan.

“Matuto ng karunungan sa iyong kabataan”

Basahin ang Alma 37:35, at hanapin ang nais ni Alma na matutuhan ni Helaman bilang kabataan. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.

  • Ano ang nais ni Alma na malaman at gawin ni Helaman?

    Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mo itong isulat sa pisara: Dapat nating matutuhan sa ating kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos.

  • Sa inyong palagay, bakit mas makabubuting “matuto sa [inyong] kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” sa halip na maghintay hanggang sa tumanda kayo?

batang puno na nakaangkla sa mga tukod

Ibinahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang sumusunod na karanasan tungkol sa pagtatanim ng puno:

2:3

Inilagay ko [ang puno] sa isang bahagi kung saan pinakamalakas ang ihip ng hangin mula sa silangan. Humukay ako, ibinaon ko ang ugat, nilagyan ko ng lupa ang paligid nito, diniligan ito ng tubig, at halos nalimutan ko na ito. Maliit na puno lang naman ito, na siguro’y tatlong-kapat ng isang pulgada [2 sentimetro] ang lapad. Napakalambot nito kaya madali itong baluktutin sa anumang direksyon. Halos hindi ko na ito napagtuunan ng pansin sa pagdaan ng mga taon.

Pagkatapos isang araw ng taglamig … napansin ko na pahilig ito sa kanluran, hindi maayos ang paglaki at hindi balanse. … Lumabas ako at sumandig dito na para bang sinusuhayan ito para tumuwid. Pero ang katawan nito ay halos isang talampakan na ang lapad. Walang nagawa ang lakas ko dito. Kinuha ko sa mga kagamitan ko ang isang block and tackle. Ikinabit ko ang isang dulo ng lubid sa puno at ang isa pa sa isang matibay na poste. Hinila ko ang lubid. Gumalaw nang kaunti ang mga pulley, at medyo nayanig ang katawan ng puno. Pero iyon lang ang nangyari. …

Sa huli desperadong kinuha ko ang aking lagare at pinutol ko ang malaking sanga sa bandang kanluran. [Ang lagare ay] nag-iwan ng malaking pilat na mga walong pulgada [20 sentimetro] pahalang. Umatras ako at tiningnan ko ang aking nagawa. Naputol ko ang malaking bahagi ng puno, na nag-iwan lamang ng isang sanga [na] lumalaki paitaas. …

Nang una kong itanim ang puno, napatatag sana ito ng isang tali laban sa malalakas na pag-ihip ng hangin. Dapat sana ay tinalian ko ito at nagawa sana ito nang halos walang hirap. Pero hindi ko ito ginawa, at bumaluktot at sumunod ito sa malalakas na pag-ihip dito ng hangin. (Gordon B. Hinckley, “Bring Up a Child in the Way He Should Go,” Ensign, Nob. 1993, 59)

  • Paano maitutulad ang pagsunod sa mga kautusan sa pagsuporta sa isang batang puno para lumaki ito nang tuwid at malakas kahit malakas ang hangin?

  • Paano makakaapekto sa atin ang pagbalewala sa mga kautusan hanggang sa huling bahagi ng ating buhay?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang itinuro sa Alma 37:35, maaari mo silang hatiin sa maliliit na grupo at anyayahang gumawa ng dalawang makatotohanang sitwasyon: ang isang sitwasyon ay tungkol sa isang tao na nagsisikap na sumunod sa mga kautusan ng Diyos sa kanilang kabataan at ang isang sitwasyon ay tungkol sa isang tao na hindi sumusunod. Maaaring isama ng mga estudyante ang pagsisikap ng mga tao na ipamuhay o hindi ipamuhay ang ilang kautusan tulad ng pagmamahal sa Diyos, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o pagsunod sa Word of Wisdom. Sabihin sa kanila na isama kung paano maaaring magkaiba ang dalawang taong ito pagkaraan ng lima hanggang 10 taon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sitwasyon at ang natutuhan nila.

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga karanasan ni Alma noong binatilyo pa siya. Itanong, “Sa inyong palagay, bakit ibinigay ni Alma ang payo na ito sa kanyang anak?”

Maaari mong panoorin ang video na “Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan,” mula sa time code na 7:29 hanggang 8:35, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano siya nagpasiyang sundin ang mga kautusan ng Diyos noong kabataan niya.

2:3

Maglaan ng ilang minuto na isulat sa iyong journal ang natututuhan mo tungkol sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Mapanalanging hangaring malaman kung paano ka pinagpala sa mga paraan ng pagsunod mo sa mga kautusan.

Itanong kung may mga estudyanteng gustong magboluntaryo na ibahagi ang kanilang mga iniisip at nadarama. Maaari mo ring ibahagi ang mga iniisip at nadarama mo.

Isiping magtakda ng isang mithiin tungkol sa isang paraan na gusto mong pagbutihin pa ang iyong pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon ngayon habang bata ka pa. Hingin ang patnubay ng Espiritu Santo sa paggawa mo ng mithiing ito.

Payo sa kabataan

Nagbigay si Alma ng karagdagang payo sa kanyang mga anak na maaaring makatulong sa atin.

Pag-aralan ang mga sumusunod na scripture passage. Maaari mong markahan ang payo na sa palagay mo ay makatutulong sa mga kabataan ngayon, pati na sa iyong sarili. Ihanda ang iyong mga sagot sa mga tanong sa ibaba.

  1. Alma 37:33–37 (“maamo at mapagpakumbaba” = mapagpakumbaba, madaling turuan, matwid)

  2. Alma 38:1–5 (“itatakwil mula sa kanyang harapan” = pisikal o espirituwal na mawawalay sa Diyos)

  3. Alma 38:6–9 (“isinilang sa Diyos”= ang Espiritu ng Panginoon ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa puso ng isang tao)

  4. Alma 38:10–15 (“mahinahon” = nagpapakita ng pagtitimpi o pagpipigil sa sarili; “mapanupil” = dominanteng pag-uugali; “pigilin” = kontrolin)

  • Ano ang isang bagay na nais ni Alma na gawin o malaman ng kanyang mga anak? Saang talata mo ito nakita?

  • Paano makatutulong sa isang kabataan ang pag-alam o pagsunod sa alituntuning ito para mas masunod niya si Jesucristo?

  • Paano maiaangkop ang turong ito sa buhay ng isang kabataan? May naiisip ka bang anumang halimbawa na nakita mong angkop sa iyong buhay? (Huwag magbahagi ng anumang bagay na napakapersonal.)

Pagkatapos sagutin ng mga estudyante ang mga tanong, maaari mong sabihin sa kanila na umupo nang pabilog upang makita nila ang isa’t isa habang tinatalakay nila sa klase ang payo ni Alma. Mag-aanyaya ng maraming estudyante hangga’t maaari na magbahagi ng nakita nila. Hikayatin ang lahat ng estudyante na makinig nang mabuti at matuto mula sa isa’t isa. Maaari kang huminto paminsan-minsan para itanong sa mga estudyante kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang mga kaklase.

Maglaan ng sandali para mag-isip, at isulat ang anumang ideya o impresyon tungkol sa mga karagdagang paraan na maipamumuhay mo ang payo na natutuhan mo ngayon. Halimbawa, maaari kang mag-isip ng isang bagay na kamakailan lang ay sinabi sa iyo ng isang magulang o lider ng Simbahan na simulan mong gawin o itigil mo. O maaari kang sumangguni sa Panginoon at hingin ang Kanyang patnubay.