“Alma 36: ‘Hindi Ko na Naalaala pa ang Aking mga Pasakit,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 36,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 36
“Hindi Ko na Naalaala pa ang Aking mga Pasakit”
Ang pagbabahagi ng mga espesyal na espirituwal na karanasan sa mga mahal natin sa buhay ay maaaring pagmulan ng lakas para sa kanila at sa atin. Sa pakikipag-usap sa kanyang anak na si Helaman, isinalaysay ni Alma ang kanyang karanasan na nakakita siya ng isang anghel, ang pagdurusang naramdaman niya dahil sa kanyang mga kasalanan, at nakahanap ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang bumaling kay Jesucristo nang may pananampalataya at madama ang kagalakan ng Kanyang pagliligtas.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga Kabaligtaran
Kopyahin ang sumusunod sa iyong study journal. Pagkatapos ng arrow, isulat kung ano sa palagay mo ang kabaligtaran ng bawat isa.
-
Pasakit →
-
Pighati →
-
Kalungkutan →
Isipin kung kailan ka nagkasala at naramdaman ang nasa kaliwa. Ang damdamin bang iyon ay humantong sa inilista mo sa kanan? Ano ang nangyari para maging posible iyon?
Kapag ang mga negatibong damdamin ay sanhi ng kasalanan, tanging ang Panginoon lang ang makatutulong sa atin na mabago ang mga damdaming iyon para maging mga positibong kabaligtaran ng mga iyon.
Pag-isipan kung gaano katotoo para sa iyo ang mga sumusunod na pahayag:
-
Kapag nagkasala ako, alam ko kung paano bumaling sa Panginoon upang makatanggap ng kapatawaran, kapayapaan, at pag-asa.
-
Tiwala ako na sa tulong ng Panginoon ay magagawa kong magbago.
-
Regular akong bumabaling sa Panginoon para sa tulong na ito.
Pag-aaralan mo ngayon kung paano nabago ang matinding pagdurusa ng Nakababatang Alma sa kanyang mga kasalanan at naging kagalakan at kapayapaan nang magsumamo siya sa Tagapagligtas. Sa iyong pag-aaral, alamin kung paano ka hihingi ng tulong sa Panginoon na madaig ang kasalanan at ang mga epekto nito at makaranas ng kagalakan sa pamamagitan ni Jesucristo.
Ang malaking pagbabago ni Alma
Pagkatapos tanggihan ang ebanghelyo na itinuro sa kanila, sumama ang mga Zoramita sa mga Lamanita upang pukawin sila sa galit laban sa mga Nephita. Pagkatapos ay sinalakay ng mga Zoramita at Lamanita ang mga Nephita, na humantong sa malaking digmaan. Marami rin sa mga puso ng mga Nephita ang “nagsimulang maging matigas” laban sa salita ng Diyos (Alma 35:15). Bilang tugon sa espirituwal na paghina ng mga Nephita, sama-samang tinipon ni Alma ang kanyang mga anak upang “maibigay niya sa bawat isa sa kanila ang kani-kanyang tungkulin, nang magkakahiwalay, hinggil sa mga bagay na nauukol sa kabutihan” (Alma 35:16). Una niyang kinausap ang kanyang anak na si Helaman at ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa pagbabalik-loob.
-
Ano ang naaalala mo tungkol sa Nakababatang Alma at ano ang ipinapakita sa larawang ito?
Basahin ang Alma 36:6–11 at maghanap ng mga detalye na maaaring hindi mo nakita.
-
Sa iyong palagay, bakit napakalakas ng epekto ng mga salita ng anghel kay Alma?
-
Bukod sa pagkakita sa isang anghel, ano ang maaaring magpaunawa sa isang tao na kailangan niyang magbago?
Ang pagmamarka ng mga scripture passage ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan at matandaan kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan. Matutulungan ka nitong ilarawan sa isipan ang mga pattern o paghahambing sa mga banal na kasulatan nang mas madali. Makatutulong din ito para mas madaling mahanap ang mahahalagang passage sa ibang pagkakataon. Maaaring kasama sa pagmamarka ang pagsalungguhit, pagbibilog, at pag-highlight ng mga salita at parirala.
Basahin ang paglalarawan ni Alma sa naranasan at nadama niya sa loob ng tatlong araw na hindi siya makagalaw sa mga sumusunod na set ng mga talata. Maaari mong markahan ang iminumungkahi.
Alma 36:12–16: mga salita o parirala na naglalarawan ng nadama ni Alma tungkol sa kanyang mga kasalanan
Alma 36:17–18: mga salita o parirala na nagsasaad ng naalala at ginawa ni Alma na humantong sa kanyang pagbabago
Alma 36:19–21: mga salita o parirala na naglalarawan sa nadarama ni Alma na kabaligtaran o salungat sa naranasan niya noong una
-
Ano ang tumimo sa iyo sa kung ano ang naging dahilan ng pagbabago ni Alma?
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa kanyang karanasan?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay may kapangyarihan si Jesucristo na iligtas tayo mula sa pasakit ng ating mga kasalanan at puspusin tayo ng kagalakan.
-
Paano inanyayahan ni Alma ang kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas?
Basahin ang mga sumusunod na pahayag, at pag-isipan kung paano ka matutulungan ng mga ito na mas maunawaan ang mga katotohanang natutuhan natin mula sa karanasan ni Alma. Maaari mong kopyahin ang isang parirala na gusto mong matandaan sa mga tala o margin ng iyong mga banal na kasulatan.
Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi ninyo kailangang malaman ang lahat bago magkaroon ng epekto sa inyo ang Pagbabayad-sala. Manampalataya kay Cristo; magkakaroon ito ng epekto sa araw na humiling kayo! (Boyd K. Packer, “Washed Clean,” Ensign, Mayo 1997, 10)
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kapag taos[-puso] nating ipinagtapat ang ating mga kasalanan, ibinalik ang kaya nating ibalik sa taong nasaktan, at tinalikuran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, nasa proseso tayo ng pagtanggap ng kapatawaran. Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, napapawi “ang pagkakasala sa ating mga puso” at nagkakaroon tayo ng “katahimikan ng budhi.” (Neil L. Andersen, “Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 42)
-
Anong mga karagdagang kaalaman ang natamo mo mula sa mga pahayag?
Ano ang sasabihin mo sa isang tinedyer na:
-
Nakadarama ng matinding pighati at pasakit dahil sa kanyang mga kasalanan.
-
Nakadarama na hindi matindi ang kanyang mga kasalanan at malulutas ang mga ito nang mag-isa sa paglipas ng panahon nang walang pagsisisi.
Pag-isipan sandali ang iyong sariling sitwasyon at kung paano maiaangkop ang lesson ngayon sa iyong buhay. Isipin ang isang bagay na maaari mong gawin ngayon para bumaling sa Tagapagligtas at anyayahan ang Kanyang kapangyarihang magligtas sa iyong buhay.