Seminary
Alma 37: “Sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Bagay”


“Alma 37: ‘Sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Bagay,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 37,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 37

“Sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Bagay”

binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Kung minsan, ang ating mga problema ay tila napakalaki at kumplikado kaya kailangan ding maging malaki at kumplikado ang mga solusyon. Gayunpaman, itinuro ni Alma sa kanyang anak na si Helaman na kadalasang gumagamit ang Panginoon ng maliliit at mga karaniwang bagay upang maisakatuparan ang mga dakilang bagay, tulad ng mga banal na kasulatan na itinuturo “ang daan na nararapat [nating] patunguhan” sa ating buhay (Alma 37:40). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang manampalataya kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan.

Hikayatin ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan. Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagbibigay ng regular na pagkakataon sa mga estudyante na matutuhan ang ebanghelyo, magkaroon ng patotoo, at marinig ang tinig ng Panginoon. Kung minsan, maaaring panghinaan ng loob ang mga estudyante o kailangan nilang maganyak na mag-aral nang mas regular. Maghanap ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol sa mga salita ng Panginoon at hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.

Paghahanda ng estudyante: Hikayatin ang mga estudyante sa araw-araw na pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan na pagnilayan ang mga pagpapalang dulot nito sa kanilang buhay, lalo na kung paano ito nakatutulong sa kanila na lumapit kay Cristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kadakilaan ng maliliit at mga karaniwang bagay

Isulat ang mga salitang maliit at karaniwan sa pisara.

  • Ano ang ilang maliit at karaniwang bagay na gumagawa ng malaking kaibhan sa iyong buhay?

dalagitang nag-eehersisyo
smartphone
sipilyo
mga kabataang naglilinis ng labas ng gusali

Maaari kang magpakita ng mga larawan ng halimbawa o talakayin ang mga halimbawa, gaya ng sipilyo, text message, ehersisyo, o simpleng paglilingkod.

Bilang alternatibo, maaari mong itanong sa mga estudyante kung mayroon silang dalang anumang maliit na bagay na may malaking epekto sa kanilang buhay, tulad ng litrato ng pamilya, telepono, o pitaka. Anyayahan silang ipakita kung ano ito at ibahagi ang malaking epekto nito.

Tulad ng nakatala sa Alma 37, ipinagkatiwala ni Alma kay Helaman ang isang mahalagang responsibilidad na ginamit ng Panginoon upang magkaroon ng malaking epekto sa mga anak ng Diyos. Basahin ang Alma 37:1–2, 5–7 para malaman kung ano ito at bakit napakahalaga nito.

Kung gusto mong makita ang isang video na nagpapakita ng mga talatang ito, panoorin ang “Pinayuhan ni Alma ang Kanyang mga Anak” mula sa time code na 3:15 hanggang 5:05, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sumubaybay sa salaysay sa iyong mga banal na kasulatan.

17:5

Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa Alma 37 ay ginagamit ng Panginoon ang mga banal na kasulatan para maghatid ng kaligtasan sa maraming tao.

  • Sa inyong palagay, bakit ginagamit ng Panginoon ang mga banal na kasulatan para tulungan ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at lumapit sa Kanya para sa kaligtasan?

Sa iyong patuloy na pag-aaral, pag-isipan ang mga tanong na ito: Paano nakatutulong ang mga banal na kasulatan na madala ang mga tao kay Jesucristo at sa Kanyang kaligtasan? Paano ako dapat mag-aral upang matanggap ko ang malalaking pagpapalang ito?

Kung hindi mo nadarama na nakatatanggap ka ng malalaking pagpapala sa pamamagitan ng pag-aaral ng banal na kasulatan, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman kung ano ang maaaring kailangan mong malaman o baguhin.

Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo o pagpartner-partnerin sila at italaga sa kanila ang isa sa mga sumusunod na aktibidad. Kapag natapos na sila, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. Depende sa oras at mga pangangailangan ng klase, pag-isipang gawin ang dalawang aktibidad bilang klase.

Aktibidad A: Ang matinding kapangyarihan ng mga banal na kasulatan

Tinuturuan ni Alma ang kanyang anak

Ipinaalala ni Alma kay Helaman ang mga paraan kung paano nagkaroon ng malaking epekto ang mga banal na kasulatan sa mga Nephita at mga Lamanita. Basahin ang Alma 37:8–10, 14, at maghanap ng mga mahimalang pagpapala na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Maaari mong markahan ang mga pagpapalang ito o ilista ang mga ito sa iyong study journal.

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang pinakanapansin mo? Bakit?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga pagpapalang babanggitin ng mga estudyante.

Itinuro ni Alma na ang mga banal na kasulatan ay “[nagpa]lawak [ng] kaalaman ng mga taong ito” (Alma 37:8). Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagpapalang ito:

Pinalalawak ng mga banal na kasulatan ang ating kaalaman sa pagtulong sa atin tuwina na alalahanin ang Panginoon at ang ating kaugnayan sa Kanya at sa Ama. Ipinaaalala nito sa atin ang alam natin noon sa ating buhay bago ang buhay rito sa lupa. At pinalalawak niyan ang ating kaalaman sa iba pang bagay sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin tungkol sa mga panahon, mga tao, at pangyayari na hindi natin personal na naranasan. (D. Todd Christofferson, “Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 33)

  • Kailan ka nakaranas o kailan nakaranas ang iba pang kilala mo ng isa sa mga pagpapalang ito ng pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Sa iyong palagay, paano tayo dinadala ng mga banal na kasulatan “sa kaalaman ng Panginoon … at upang magsaya kay Jesucristo”? (Alma 37:9)

Maaari kang magbahagi ng personal na karanasan o video ng isang tao na naglalarawan nito. Kasama sa mga halimbawa ang “Pagmumuni-muni Tungkol sa Pagmamahal ng Diyos—Bakit Mahalaga sa Akin ang mga Banal na Kasulatan” mula sa time code na 2:36–3:27 o ang “Patuloy na Pagbabalik-loob—Bakit Mahalaga sa Akin ang mga Banal na Kasulatan.” Ang mga video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Aktibidad B: Ang Liahona at ang mga salita ni Cristo

Pagkatapos bigyan ng karagdagang payo si Helaman, inihalintulad ni Alma ang mga salita ni Cristo sa isang partikular na maliit at karaniwang bagay na ginamit ni Lehi at ng kanyang pamilya: ang Liahona. Isipin ang nalalaman mo tungkol sa Liahona.

Magpakita ng larawan ng Liahona, tulad ng sumusunod na larawan. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa Liahona.

Si Lehi at ang kanyang pamilya habang nakatingin sa Liahona

Basahin ang Alma 37:38–46 at alamin ang maliliit at mga karaniwang bagay na kinailangang gawin ng pamilya ni Lehi para magabayan sila ng Liahona.

Para matulungan kang pag-isipan kung paano naaangkop ang mga turo ni Alma tungkol sa Liahona sa pag-aaral ng banal na kasulatan, ilarawan sandali ang sumusunod:

  1. Pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang may pananampalataya sa Diyos (tingnan sa Alma 37:40). Bakit ito naiiba sa iba pang uri ng pag-aaral?

  2. Naging “tamad” at kinalimutang “pairalin ang … pananampalataya at pagiging masigasig” sa pag-aaral ng banal na kasulatan (Alma 37:41).

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasang nakatulong sa kanila na makita kung paano magagamit ng Panginoon ang mga banal na kasulatan bilang “tagagabay” upang “ipaturo … ang daan na nararapat [nating] patunguhan,” sa ating buhay (Alma 37:38, 40).

Personal na pag-aaral ng banal na kasulatan

Pag-isipan ang iyong mga kasalukuyang personal na mithiin, gawi, at karanasan sa pag-aaral ng banal na kasulatan. Isulat sa iyong journal kung anong maliliit na pagbabago ang maaari mong gawin upang mapagpala ka ng Panginoon sa dakilang mga paraan. Ang sumusunod ay ilang mungkahi:

Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at maghanap ng karagdagang “kaalaman ng Panginoon” o para “magsaya kay Jesucristo” (Alma 37:9).

  • Maaaring kasama rito ang paghahanap ng mga reperensya tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang mga tungkulin, at Kanyang misyon. Kapag natukoy mo ang mga reperensyang ito, maaari mong isipin kung paano isinasagawa ni Jesucristo ang mga katulad na tungkulin sa iyong buhay. Maaari kang magsulat ng pasasalamat sa journal o sa Gospel Library app kapag nahanap mo ang mga ito.

Magpakita ng pananampalataya sa Diyos habang nag-aaral ka (tingnan sa Alma 37:40).

  • Maaaring kasama rito ang paghahanap ng mga paraan para maisagawa ang natutuhan mo at lumapit kay Cristo. Maaari mong regular na hangaring sagutin ang tanong na “Paano ako matutulungan ng natututuhan ko na lumapit kay Cristo upang matanggap ang Kanyang mga pagpapala at matularan ang Kanyang halimbawa?” Maaari mong isulat sa journal ang iyong mga sagot.

Alamin kung paano mo maiiwasang maging “tamad” at makalimot na “pairalin ang [iyong] pananampalataya at pagiging masigasig” sa iyong pag-aaral (Alma 37:41).

  • Maaaring kasama rito ang pagpili ng regular na oras bawat araw para pag-aralan ang iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring anyayahan ang isang kapamilya o kaibigan na mag-follow up sa iyo nang regular tungkol sa iyong pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung mayroon, maaari kang magtakda ng calendar reminder sa phone o sa iba pang digital device bawat araw.

Tapusin ang klase sa pagbabahagi ng mga paraan na naisakatuparan ng Panginoon ang mga dakilang bagay sa iyong buhay sa pamamagitan ng pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan.