Seminary
Alma 53: Pagtupad sa Ating mga Tipan


“Alma 53: Pagtupad sa Ating mga Tipan,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 53,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 53

Pagtupad sa Ating mga Tipan

mga tao ni Ammon na nagbabaon ng kanilang mga sandata

Lahat tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok sa buhay na ito na maaaring tumukso sa atin na labagin ang ating mga tipan sa Diyos. Binigyan tayo ng mga tao ni Ammon ng matinding halimbawa ng pagtupad sa mga tipan kahit nahaharap tayo sa mahihirap na sitwasyon. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan kang mapatibay ang iyong determinasyong tuparin ang iyong mga tipan sa Diyos.

Turuan ang mga estudyante na maging mga tagatupad ng mga tipan. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay isang paraan na maipapakita natin ang ating pangako na maging katulad ni Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na makita ang banal na kapangyarihan, awa, at impluwensiya na matatanggap nila sa pamamagitan ng matapat na paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Ama sa Langit.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang salitang tipan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at maghandang ibahagi kung bakit mahalagang tuparin ang ating mga tipan sa Diyos.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang landas ng tipan

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan o magdrowing ng katulad nito sa pisara. Maaari mong piliing bigyan ang mga estudyante ng mga kopya ng larawan sa halip na anyayahan silang idrowing ang landas sa kanilang study journal.

Sa iyong study journal, magdrowing ng landas na katulad ng nasa sumusunod na larawan upang maging simbolo ng ating buhay at ng mahahalagang tipan na kailangan nating gawin upang makabalik sa Ama sa Langit. Sa halip na idrowing ang mga larawan sa bilog, maaari mong isulat ang mga tipan na sinasagisag ng bawat larawan. Halimbawa, sa halip na idrowing ang ikaapat na larawan (pagbilang mula sa ibaba), maaari mong isulat ang “endowment sa templo” sa landas.

landas ng tipan

Markahan (o magdrowing ng isang larawan na kumakatawan sa iyong sarili) na nagsasaad kung nasaan ka sa kasalukuyan sa iyong personal na landas ng tipan.

Mahal ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at tutulungan ka Nila sa iyong mga pagsisikap na manatili sa landas ng tipan, na pabalik sa Kanila. Alalahanin sandali ang mga tipang ginawa mo na sa Kanila at ang mga paraan na nagsisikap kang tuparin ang mga tipang iyon. (Kung makatutulong na rebyuhin ang mga tipang ginawa natin sa binyag at pinaninibago natin sa pamamagitan ng sakramento, basahin ang Mosias 18:8–10 at Moroni 4:3.)

Bilang bahagi ng unang press conference ni Pangulong Russell M. Nelson bilang bagong tawag na propeta, itinuro niya:

Ngayon, sa bawat miyembro ng Simbahan sinasabi ko, manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman. (Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7)

  • Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “manatili sa landas ng tipan”?

  • Anong mga pagpapala ang ibibigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga nananatili sa landas ng tipan?

Maaari mong isulat ang mga bagay na tulad ng “buhay na walang hanggan,” “pagiging katulad ng Diyos,” “walang hanggang pamilya,” at iba pa sa dulo ng landas na iyong idinrowing.

Mula sa scale na 1 hanggang 5 (na ang 1 ay walang determinasyon o paninindigan at 5 ay matibay ang determinasyon o paninindigan), isipin ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:

  • Gaano ka kadeterminadong tuparin ang mga tipang ginawa mo sa Diyos? Bakit?

  • Gaano ka determinadong gawin ang mga tipan na gagawin mo pa sa Kanya? Bakit?

Sa iyong pag-aaral ngayon, humingi ng tulong sa Ama sa Langit na mas maunawaan at hangaring gumawa at tumupad ng mga tipan sa Kanya.

Ang mga tao ni Ammon

mga tao ni Ammon na nagbabaon ng kanilang mga sandata

Magpakita ng larawan ng mga tao ni Ammon na nagbabaon ng kanilang mga sandata.

Sa Alma 24, isang grupo ng mga nagsisising Lamanita na kilala bilang mga tao ni Ammon ang gumawa ng natatanging tipan sa Diyos upang protektahan sila mula sa pagbalik sa kanilang mga dating kasalanan matapos malinis ng Tagapagligtas.

Basahin ang Alma 53:10–12 para mabalikan ang kanilang tipan (o sumpa).

  • Ayon sa talata 11, ano ang handa nilang gawin para matupad ang kanilang tipan?

Kalaunan, nang salakayin ng isang malakas na hukbo ng mga Lamanita ang mga Nephita, si Kapitan Moroni at ang kanyang mga hukbo ay napilitang lumaban sa isang kahindik-hindik na digmaan. Basahin ang Alma 53:13 at ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at alamin ang mahirap na desisyon na kinaharap ng mga tao ni Ammon.

Ang mga tao ni Ammon ay nasa kritikal na sandali ng kanilang esprituwalidad. Naging tapat sila sa kanilang tipan na hindi na muling makikidigma. Ngunit batid nila na responsibilidad ng mga ama na protektahan ang kanilang mga pamilya. Ang pangangailangang iyan ay tila sapat na dahilan para sirain nila ang kanilang tipan. (Richard G. Scott, “Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2013, 82)

Tingnan ang landas ng tipan na idinrowing mo. Sa pagitan ng kasalukuyan mong kinaroroonan sa landas at ng mga tipan na inaanyayahan ka ng Tagapagligtas na gawin sa hinaharap, maglista ng mga sitwasyon na maaaring tumukso sa mga teenager na labagin ang mga tipang ginawa nila at ilihis sila sa paggawa ng mga tipan sa hinaharap, kabilang na ang mga tipan sa templo.

Anyayahan ang mga boluntaryo na maglista ng mga sitwasyon o magdrowing ng mga balakid na naisip nila sa landas sa pisara.

Sa iyong patuloy na pag-aaral, pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na sumulong nasaan ka man at anuman ang mga hamong kinakaharap mo sa kasalukuyan.

Ang payo ng propetang si Helaman

Basahin ang Alma 53:14–15; 56:7–8, at alamin ang ipinayo ng propetang si Helaman sa mga tao ni Ammon. (Ang Alma 56 ay isang liham na isinulat ni Helaman kay Kapitan Moroni na nagpapaliwanag ng sitwasyon.)

  • Paano mo ibubuod ang natutuhan mo tungkol sa mga tipan sa Diyos?

Maaaring natutuhan mo ang mga katotohanang tulad ng kapag pinili nating tuparin ang ating mga tipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tutulungan at palalakasin Nila tayo at kung pipiliin nating labagin ang ating mga tipan sa Kanila, mawawala sa atin ang mga nakalaang pagpapala.

Ipinaliwanag ni Elder Scott kung paano pinagpala ng Diyos ang mga tao ni Ammon dahil sa pagtupad sa kanilang mga tipan.

Ang kanilang mapagpakumbaba at habambuhay na pangakong talikuran ang kanilang mga kasalanan ay mas malaki ang nagawa para protektahan ang kanilang mga pamilya kaysa anumang magagawa nila sa digmaan. Sa pagpapailalim nila ay hindi sila pinagkaitan ng mga pagpapala. Pinalakas at pinagpala sila nito at pinagpala nito ang sumunod na mga henerasyon. (Richard G. Scott, “Sariling Lakas sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2013, 83)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga sagot sa mga sumusunod na tanong nang magkaka-partner o sa maliliit na grupo. Pagkatapos ay sabihin sa bawat grupo na isulat sa pisara ang sagot sa tabi ng landas ng tipan.

  • Ano ang ilang paraan na mapapalakas at mapagpapala ka ng Panginoon habang nagsisikap kang gumawa at tumupad ng iyong mga tipan?

  • Paano mapapalakas ng pagtupad sa iyong mga tipan ang kaugnayan mo sa Panginoon?

Dalawang libong kabataang lalaki ang nakipagtipan

Ang mga tao ni Ammon na nakipagtipan ay sumunod sa payo ni Helaman na huwag humawak ng mga sandata. Ang isang paraan na pinagpala sila ng Panginoon ay sa pamamagitan ng pagpili ng kanilang mga anak na gumawa at tumupad ng sarili nilang tipan. Sa mga susunod na kabanata, malalaman natin na ginamit ng Diyos ang mga kabataang lalaking ito na tumutupad ng tipan sa mga mahimalang paraan upang ipagtanggol ang kanilang pamilya at ang mga Nephita.

Basahin ang Alma 53:16–22. Markahan ang mga katangian at deskripsyon ng mga kabataang lalaking ito na tutulong sa kanila na tuparin ang mga tipan. (Maaaring makatulong na malaman na ang salitang maunawain ay tumutukoy sa pagiging mahinahon, tapat, o maalalahanin.)

  • Anong mga katangian ang napansin mo sa mga kabataang lalaking ito na tutulong sa mga kabataan ngayon na tuparin ang kanilang mga tipan?

  • Sa iyong palagay, paano nakaimpluwensya sa mga kabataang lalaking ito ang katatagan ng kanilang mga magulang sa pagtupad ng mga tipan?

  • Sino ang kilala mo na magandang halimbawa sa iyo ng pagtupad ng mga tipan?

Ang iyong landas ng tipan

Isulat sa iyong study journal ang natutuhan o nadama mo ngayon na makapagpapatibay ng iyong determinasyon na manatili sa landas pabalik sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari mong isama ang anumang tukso o hadlang na nararanasan mo sa iyong landas ng tipan at kung paano makatutulong sa iyo ang iyong determinasyon at tiwala sa Panginoon na madaig ang mga ito.

Pag-isipang magpatotoo kung paano ka pinagpala ng Diyos sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Kanya.