“Alma 56: 2,000 Kabataang Mandirigma,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Alma 56,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Alma 56
2,000 Kabataang Mandirigma
Maaari tayong matuto ng magagandang aral mula sa tapat na halimbawa ng mga kabataan sa Simbahan ng Panginoon. Noong panahon ng matinding digmaan, pinamunuan ni Helaman ang 2,000 magigiting na kabataang lalaki sa pagtatagumpay na nagligtas ng maraming buhay. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang maunawaan na kapag buong tapang kang nanampalataya kay Jesucristo, pagpapalain ka ng Panginoon ng Kanyang kapangyarihan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkakaroon ng tapang
Isipin kung ano ang madarama mo, at kung bakit, kung ipapagawa sa iyo ang mga sumusunod:
-
Magmisyon nang full-time
-
Sundin ang mga kautusan kahit hindi popular ang mga ito
-
Magsalita sa simbahan o magturo ng isang lesson
-
Anong mga pag-aalinlangan ang maaaring matukso kang madama sa mga sitwasyong ito?
Sa iyong study journal, sumulat ng isang bagay na maaaring nais ng Panginoon na gawin mo ngayon o sa lalong madaling panahon na maaaring nakakatakot o mahirap para sa iyo. Maaari mo ring isulat ang anumang pagdududa o alalahanin mo. (Babalikan mo ang entry na ito sa huling bahagi ng lesson.)
Pag-isipang mabuti kung ano ang kailangan mong malaman o maunawaan para harapin ang gawaing ito nang may kumpiyansa. Sa iyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Panginoon para matulungan kang mahanap at maunawaan ang mga katotohanan na tutulong sa iyo.
Ang sulat ni Helaman kay Moroni
Ang Alma 56–58 ay isang liham na isinulat ni Helaman kay Kapitan Moroni sa panahon ng digmaan. Sumulat si Helaman tungkol sa isang grupo ng mga kabataang lalaki mula sa mga Anti-Nephi-Lehi na kilala bilang 2,000 kabataang mandirigma. Ang mga kabataang lalaking ito na pinamunuan ni Helaman ay sumama sa isang hukbong pinamumunuan ni Antipus at naghandang ipagtanggol ang kanilang lupain at mga pamilya laban sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 56:9–12).
Ang Sitwasyong Naranasan ng 2,000 Kabataang Mandirigma
Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Seminary Teacher (2024)—“Alma 56: 2,000 Kabataang Mandirigma”
Upang malaman ang tungkol sa nakakatakot at mahirap na sitwasyon na naranasan ng mga anak ni Helaman, basahin ang mga sumusunod na talata at itugma ang mga ito sa mga tamang buod na pahayag.
1.___Alma 56:30–33 |
a. Iniutos ni Antipus kay Helaman at sa kanyang 2,000 mandirigma na dumaan sa Antipara para mapalabas ng lunsod ang mga Lamanita. |
2.___Alma 56:34–38 |
b. Pagkaraan ng tatlong araw, hindi na makita ng 2,000 mandirigma ang mga Lamanita na tumutugis sa kanila. Hindi nila alam kung naabutan ng hukbo ni Antipus ang mga Lamanita o kung sinusubukan ng mga Lamanita na mahuli sila sa bitag. Tinanong ni Helaman ang kanyang mga batang kawal kung handa silang makidigma. |
3.___Alma 56:39–42 |
c. Nang nilisan ng mga Lamanita ang lunsod upang salakayin ang 2,000 mandirigma, sinundan ng hukbo ni Antipus ang mga Lamanita. |
4.___Alma 56:43–44 |
d. Sa halip na lumaban kay Antipus, binilisan ng mga Lamanita ang pagtugis, at umasa silang mapapatay nila ang hukbo ni Helaman bago pa makasalakay si Antipus mula sa likod. |
© 2023 by Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved.
Pagpapasiya kung lalaban
Kunwari ay kasama ka ng mga kabataang mandirigma at tinanong ka kung handa kang makidigma. Paano ka tutugon? Ano ang makakaimpluwensya sa desisyon mo?
Basahin ang Alma 56:45–48, at alamin ang ipinasiyang gawin ng mga kabataang lalaking ito at kung bakit.
-
Ayon sa talata 46, ano ang alam ng mga kabataang lalaking ito?
-
Sino ang nagturo sa kanila ng katotohanang ito? (Tingnan sa Alma 56:47–48.)
-
Paano maaaring nagbigay sa kanila ang katotohanang ito ng tapang na makidigma?
Isipin kung ano kaya ang maaaring nadama ng Diyos nang lubos na nagtiwala sa Kanya ang mga kabataang lalaking ito habang nasa isang nakatatakot at mahirap na sitwasyon.
Pinrotektahan sa digmaan
Basahin ang Alma 56:49–56, at alamin ang nangyari nang buong tapang na “hindi [nag-alinlangan]” ang mga kabataang mandirigma (Alma 56:47), o sa madaling salita, nanampalataya sila sa Diyos.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito?
Isa sa mga alituntuning matututuhan natin mula sa mga kabataang mandirigma ay kapag buong tapang tayong kumilos nang may pananampalataya, tatanggap tayo ng lakas mula sa Diyos.
Mahalagang malaman na bagama’t pinangalagaan ng Diyos ang buong hukbo ni Helaman, maaaring hindi Niya laging mapangangalagaan sa pisikal ang matatapat. Ngunit lagi Niya silang pagpapalain sa mga paraang alam Niya na makikinabang ang kanilang mga kaluluwa (tingnan sa Alma 60:12–13).
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa Diyos at sa Kanyang lakas?
Opsiyon A. Mga sitwasyon sa tunay na buhay
Tumukoy ng isang sitwasyon kung saan maaaring kailanganin ng mga kabataan ngayon na piliing buong tapang na kumilos nang may pananampalataya na katulad ng ginawa ng matatapat na batang kawal ni Helaman. Maglista ng ilang pag-aalinlangan na maaaring mayroon ang mga kabataan sa sitwasyong iyon. Pagkatapos ay maglista ng isa o dalawang paraan na maipapakita ng mga kabataan ang pananampalataya sa Diyos sa kabila ng pagkakaroon ng pag-aalinlangan. Magbahagi ng mga paraan na mapagpapala sila ng Ama sa Langit ng lakas kapag kumilos sila nang may pananampalataya.
Opsiyon B. Tinuruan sila ng kanilang mga ina
Magsulat ng tungkol sa iyong ina o isa pang babae sa iyong buhay na, tulad ng mga ina ng mga kabataang mandirigma, ay nagturo sa iyo na manampalataya sa Diyos at kay Jesucristo. Maglaan ng ilang sandali na isulat ang itinuro niya sa iyo kapwa sa salita at sa pamamagitan ng halimbawa at kung paano ka niya naimpluwensyahan. Maaari mong isama ang mga paraan na natularan mo ang kanyang halimbawa na manampalataya sa Panginoon at madama ang Kanyang lakas.
Mag-isip ng isang bagay na maaaring nais ng Panginoon na gawin mo ngayon o sa lalong madaling panahon na maaaring nakakatakot o mahirap para sa iyo. Maaari mo ring alalahanin ang anumang pag-aalinlangan o alalahanin mo. Sa iyong study journal, isulat ang nalalaman mo tungkol sa Diyos at ang natutuhan mo tungkol sa Kanya mula sa salaysay tungkol sa mga kabataang mandirigma na maaaring makatulong sa iyo sa sitwasyong ito. Maaari mong isama ang mga paraan na nahihikayat kang magpakita ng pananampalataya sa Kanya at kung paano Ka Niya mapapalakas.