Seminary
Mormon 1–2: Ang Propetang si Mormon


“Mormon 1–2: Ang Propetang si Mormon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mormon 1–2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mormon 1–2

Ang Propetang si Mormon

si Mormon noong bata pa

Habang sinisikap mong sundin si Cristo, kung minsan ay maaari mong mapansin na iba ang pag-uugali mo kaysa sa mga tao sa paligid mo. Siguro ay naisip mo, “Paano magiging sapat ang lakas ko para sundin si Cristo kapag tila hindi sumusunod sa Kanya ang iba?” Nakaranas ang propetang si Mormon ng mga katulad na sitwasyon noong bata pa siya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan mula sa halimbawa ni Mormon kung paano sundin si Cristo anuman ang piliing gawin ng iba.

Ituro sa mga estudyante na maghanap ng mga katangian ng Tagapagligtas sa buhay ng iba. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming salaysay tungkol sa matatapat na kalalakihan at kababaihan na nagpakita ng mga katangian ni Jesucristo. Tulungan ang mga estudyante na malaman ang tungkol sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsusuri sa buhay ng mga taong nagsisikap na tularan Siya.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang magbahagi ng mga karanasan kung kailan pinili nilang maging iba upang masunod si Jesucristo at kung bakit sulit ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagiging natatangi bilang disipulo ni Jesucristo

isang lila na rubber duck sa isang grupo ng mga dilaw na rubber duck

Maaari kang mag-display ng isang larawan na katulad nito na nagpapakita ng isang bagay na malinaw na naiiba sa mga bagay sa paligid nito. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga paghahambing ang magagawa mo sa larawang ito at sa isang taong nagsisikap na sundin si Cristo sa mundo ngayon?

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan kailangang pumili ang mga kabataan sa pagitan ng paggawa ng tama at pagsunod sa ginagawa ng iba sa paligid nila?

Sa pagsisimula mo ng iyong pag-aaral ng tungkol sa buhay at mga turo ng propetang si Mormon, maghanap ng mga kaalaman na makatutulong sa iyo na sundin ang Tagapagligtas kapag maaaring iba ang pinipili ng ibang tao sa paligid mo.

Ang propetang si Mormon

Maaari mong i-display ang sumusunod na larawan ni Mormon. Sabihin sa isang boluntaryo na ipaliwanag kung ano ang mga laminang metal na sinusulatan niya. Kung kinakailangan, ibahagi ang impormasyon mula sa sumusunod na talata.

Si Mormon na may mga laminang ginto

Si Mormon ay pinili ng Diyos upang ingatan at protektahan ang mga banal na talaan ng kanyang mga tao at idagdag ang kanyang sariling kasaysayan at mga karanasan sa mga ito. Ang ilan sa mga talaang isinulat, pinaikli, at iningatan niya ay isasalin kalaunan ni Propetang Joseph Smith bilang Aklat ni Mormon.

Para sa mas epektibong karanasan, maaari mong gawin ang sumusunod: Sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na gumagawa sila ng social media profile para kay Mormon o naghahanda silang ipakilala siya sa isang grupo ng mga tao. Huminto pagkatapos ng bawat set ng mga talata at sabihin sa mga estudyante na magdagdag ng isang bagay na natutuhan nila sa profile o pagpapakilala.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage para malaman ang ilang bagay tungkol kay Mormon:

  • Ano ang tila makabuluhan sa iyo sa mga paglalarawan kay Mormon?

Kahit noong binatilyo pa siya, kinailangang magpasiya ni Mormon kung susundin niya ang ginagawa ng marami sa kanyang paligid o kung handa siyang mamukod-tanggi bilang disipulo ni Jesucristo.

Maaaring naaalala mo ang nalaman mo tungkol sa mabuting sibilisasyon na itinatag matapos ang pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika. Nakalulungkot na matapos ang halos 200 taon ng matwid na pamumuhay, nagsimulang maging palalo ang mga Nephita at Lamanita. Sa huli, naging napakasama at palaaway nila (tingnan sa 4 Nephi 1:24–49).

Basahin ang Mormon 1:13–14, 16; 2:18–19, at alamin ang paglalarawan ni Mormon sa lipunan kung saan siya lumaki.

  • Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Mormon?

Ang isang katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante ay mapipili nating sundin ang Tagapagligtas, kahit hindi ito ginagawa ng iba sa paligid natin. Maaari mong isulat sa pisara ang katotohanang ito.

Dahil sa kabutihan ni Mormon, tumanggap siya ng kamangha-manghang mga pagpapala mula sa Diyos, maging noong tinedyer pa siya. Basahin ang Mormon 1:15, at alamin ang isa sa mga pagpapalang ito.

  • Ano ang mga paraan na mapagpapala ang isang tinedyer ngayon na “[matikman] at [malaman ang] kabutihan ni Jesus”?

    Kabilang sa mga posibleng sagot sa tanong na ito ang kapatawaran para sa mga kasalanan o pagkakaroon ng kapayapaan sa panahon ng kaguluhan. Maaari ding banggitin ng mga estudyante ang mga pagkakataon na nadama nila na nakatulong sa kanila ang lakas ni Jesus na gawin ang isang bagay na inakala nilang hindi sila karapat-dapat o hindi nila makakaya.

  • Paano ka napagpala ng Ama sa Langit dahil tinularan mo ang halimbawa ni Jesucristo kahit hindi Siya tinutularan ng iba?

Kung naghanda ang mga estudyante na ipakilala si Mormon o naghanda sila ng social media profile para sa kanya, sabihin sa kanila na ibahagi ang inihanda nila sa isang maliit na grupo.

Halimbawa ni Mormon

Ang halimbawa ni Mormon ay makatutulong sa iyo na matukoy ang ilang partikular na paraan na matutularan mo si Cristo kahit hindi ito ginagawa ng mga tao sa paligid mo. Ang sumusunod na mga aktibidad ay makatutulong sa iyo na mapalalim ang iyong pag-unawa sa mga katangian ni Mormon at matukoy ang mga paraan para maipamuhay ang mga ito sa pagsunod kay Cristo.

icon ng handout Maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Italaga sa bawat grupo ang isa sa mga sumusunod na katangian na pag-aaralan, at ibigay sa kanila ang mga katugmang handout. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa isang grupo na nag-aral ng iba pang katangian.

Aktibidad 1

Pagiging mahinahon

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“Mormon 1–2: Ang Propetang si Mormon”

Basahin ang Mormon 1:2, 15, at isiping markahan ang salitang “mahinahon.” (Maaari mong isulat sa iyong mga banal na kasulatan na ang maaaring ibig sabihin ng mahinahon ay mapitagan, seryoso, at maalalahanin.)

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Sa nakaraang ilang taon nakita namin ang pagiging mapitagan at pagiging hindi mapitagan sa Simbahan. Bagama’t marami ang dapat purihin, tayo ay nagiging hindi mapitagan. May dahilan tayo para lubos na mag-alala. …

Ang kawalan ng pagpipitagan ay nakatutulong sa mga layunin ng kaaway na mahadlangan ang paghahayag na darating sa isipan at espiritu. (Boyd K. Packer, “Reverence Invites Revelation,” Ensign, Nob. 1991, 22)

  • Ano ang ilang bagay na dapat itrato nang may pagpipitagan at pagiging seryoso na tinatrato nang hindi mapitagan ng ilang tao?

  • Ano ang ilang paraan na ipinapakita ng Tagapagligtas ang pagiging mahinahon (mapitagan, seryoso, at maalalahanin)?

Aktibidad 2

Pagiging mabilis magmasid

Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)—“Mormon 1–2: Ang Propetang si Mormon”

Basahin ang Mormon 1:2 at maaari mong markahan ang pariralang “mabilis magmasid.”

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Kapag mabilis tayong magmasid, agad tayong tumitingin o nakakapansin at sumusunod. Ang dalawang pangunahing bagay na ito—pagtingin at pagsunod—ay mahalaga sa pagiging mabilis magmasid. At kahanga-hangang halimbawa ng paggamit ng kaloob na ito ang propetang si Mormon. (David A. Bednar, “Quick to Observe,” Ensign, Dis. 2006, 32)

  • Anong mga turo ang nahanap mo na makatutulong para maging mabilis na magmasid at sumunod? Bakit?

  • Anong payo ang ibibigay mo sa isang kaibigan na nadarama na ang pagsunod sa Panginoon ay makapaghihintay hanggang sa kalaunan sa buhay?

  • Sa anong mga paraan naipakita ni Jesucristo ang pagiging mabilis magmasid?

Tulong at lakas para manatiling tapat

Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang gawin ang sumusunod na aktibidad. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

Para matulungan kang matukoy ang mga paraan para maipamuhay ang mga katangiang tulad ng kay Cristo, maglista ng kahit dalawang hamon na kinakaharap ng mga kabataan na nabubuhay sa mundo ngayon. Pagkatapos ay isulat kung paano makatutulong ang isa o dalawang katangiang pinag-aralan mo para makatanggap ang mga kabataan ng tulong at lakas mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Maaari kang magbahagi ng mga pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng pagsunod kay Cristo. Pagkatapos ay hikayatin ang mga estudyante na gumawa ng plano na kumilos ayon sa natutuhan at nadama nila ngayon.