“I-assess ang Iyong Pagkatuto 8: 3 Nephi 8–Mormon 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“I-assess ang Iyong Pagkatuto 8,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
I-assess ang Iyong Pagkatuto 8
Ang pagninilay at pagsusuri ng iyong espirituwal na pag-aaral ay makatutulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral kamakailan ng 3 Nephi 8 hanggang Mormon 6.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga pagsusuri bago ang paglipad
Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, ay nagbahagi ng isang mahalagang aral na natutuhan niya mula noong siya ay isang piloto:
Sa pagpapalipad ng eroplano, mabilis mong matututuhan na ang iyong paglipad ay lubos na nakabatay sa kung paano mo haharapin ang mahihirap na impluwensya sa labas tulad ng hangin at lagay ng panahon. Gayunman, ang mas mahalaga ay ang mga desisyong ginagawa mo bilang tugon sa mga impluwensyang iyon sa labas. … Para magawa nang tama ang mga desisyong iyon, makatutulong na malaman kung ano ang aktuwal na posisyon mo. (Dieter F. Uchtdorf, “As You Embark upon This New Era,” BYU Speeches, Abr. 23, 2009, 4)
-
Bakit mahalagang malaman ng isang piloto ang kanyang aktuwal na posisyon bago gumawa ng anumang desisyon?
-
Paano nauugnay ang halimbawa ng pagtukoy ng piloto sa kanyang aktuwal na posisyon sa espirituwal na pagpapabuti ng iyong sarili?
Bago rebyuhin ang mga partikular na paksa na natutuhan mo sa seminary, isipin kung ano ang mas namukod-tangi sa iyo. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong. Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga sagot mo.
-
Ano ang natutuhan mo mula sa iyong mga pag-aaral kamakailan na lubos na nakaimpluwensya sa iyo?
-
Anong mga pagbabago ang napansin mo sa iyong damdamin at pag-uugali nitong mga nakaraang araw?
-
Ano ang ilang paraan na nagamit mo ang natututuhan mo?
Pagpapaliwanag ng doktrina ni Cristo
Maaaring naaalala mo na matapos unang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, nagbahagi Siya ng mahahalagang katotohanan tungkol sa dapat nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 3 Nephi 11:31–39 at 3 Nephi 27:13–22). Madalas nating tawagin ang mga turong ito bilang “ang doktrina ni Cristo” (2 Nephi 31:21). Magkakaroon ka ng pagkakataong ipaliwanag ang mga turo ng Tagapagligtas sa sarili mong mga salita gamit ang sumusunod na sitwasyon:
Ipagpalagay na may kaibigan ka, si Josh, na naging interesado sa Simbahan. Bagama’t maganda ang pakiramdam niya sa natututuhan niya, hindi niya nakikita ang pangangailangan na mabinyagan.
-
Aling mga talata mula sa Aklat ni Mormon ang magagamit mo para matulungan si Josh na maunawaan ang doktrina ni Jesucristo? (Kung hindi ka sigurado kung saan magsisimula, maaari mong tingnan ang 3 Nephi 11:31–39 o 3 Nephi 27:13–22.)
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong ang mga turo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito para masagot ang alalahanin ni Josh?
Pagnilayan ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo
Ang mga banal na kasulatan ay mahalagang resource para malaman pa natin ang tungkol sa pagkatao ni Jesucristo. Sa ilang lesson, simula sa 3 Nephi 8–10, inanyayahan kang gumawa ng listahan ng mga bagay na natutuhan mo tungkol kay Jesucristo nang magministeryo Siya sa mga Nephita pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Maaaring nagkaroon ka rin ng ilang karanasan kung saan ipinagpalagay mong naroon ka habang nagmiministeryo ang Tagapagligtas sa mga Nephita. Ang pagninilay sa iyong mga isinulat o sa ilan sa mga sandaling inilarawan mo sa isipan mo, ay makatutulong sa iyo na makadama ng pagmamahal para sa Tagapagligtas at mula sa Tagapagligtas.
Maglaan ng ilang minuto na rebyuhin ang iyong listahan sa iyong study journal, at hanapin ang natutuhan mo tungkol kay Cristo na maaaring makaapekto sa nadarama mo tungkol sa Kanya. Bilang alternatibo, maaari mong rebyuhin ang mga heading ng kabanata o ang mga banal na kasulatan na minarkahan mo sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi nang ito rin ang iniisip.
-
Ano ang ilan sa pinakamahahalagang bagay na natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo nang pag-aralan mo ang Kanyang ministeryo sa mga Nephita? Bakit?
Pakikibahagi sa pagtitipon ng Israel
Habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 15–16; 20–22; at 25, nalaman mo ang tungkol sa hangarin ng Panginoon na tipunin ang Israel. Maaaring gumawa ka ng mga plano para tulungan ang isang tao na mas mapalapit kay Jesucristo at makibahagi sa gawain sa templo o family history.
Maglaan ng ilang minuto para rebyuhin ang mga planong ginawa mo kamakailan para makatulong sa pakikibahagi sa pagtitipon ng Israel.
Gamitin ang ilan o ang lahat ng sumusunod na tanong para makatulong sa pag-assess ng iyong pag-unlad sa iyong mga plano:
-
Ano ang ginawa mo para magawa ang mga plano mo?
-
Ano ang natutuhan mo nang gawin mo ang mga plano mo? Paano ka umunlad?
-
Ano ang gusto mo pa ring gawin para makibahagi sa pagtitipon ng Israel?