Seminary
Eter 12:23–27: “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila”


“Eter 12:23–27: ‘Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 12:23–27,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 12:23–27

“Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas sa Kanila”

si Moroni na nagsusulat sa mga lamina

Habang patuloy na pinaiikli ni Moroni ang aklat ni Eter, nangamba siya na kukutyain ng mga Gentil ang kanyang gawa dahil sa kanyang kahinaan sa pagsusulat. Sumagot ang Panginoon na kapag lumapit tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at pananampalataya, magagawa Niyang kalakasan ang ating mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27). Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang lumapit kay Jesucristo upang madaig ang mga kahinaan sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

Magplano ng mga aktibidad sa pag-aaral na nag-aanyaya ng pagsusuri sa sarili. Ang pagpapamuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nangangailangan ng patuloy na pag-aaral at determinasyong kumilos nang may pananampalataya. Magplano ng mga aktibidad sa pag-aaral na nagtutulot sa mga estudyante na suriin ang kanilang sarili at makita kung paano mapagpapala ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ang kanilang buhay. Hikayatin ang mga estudyante na sikaping sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu habang sila ay nag-aaral.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Eter 12:27 at isipin ang isang kahinaan sa kanilang buhay na gusto nilang madaig sa tulong ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kahinaan at kalakasan

Papuntahin ang isang estudyante sa harapan ng silid at magpagawa sa kanya ng isang gawain na mangangailangan ng pisikal na lakas na higit kaysa sa lakas na taglay niya sa kasalukuyan. Talakayin kung paano magkakaroon ng lakas na kailangan para magtagumpay sa gawaing ito.

Sa buhay na ito, lahat tayo ay nahaharap sa mga kahinaan. Kung minsa’y nakapanghihina ito ng loob. Sa lesson na ito, malalaman mo ang tungkol sa huwarang itinuro ng Panginoon kay Moroni kung saan maaaring maging mga kalakasan ang mga kahinaan.

Mga alalahanin ni Moroni

Si Moroni ay binigyan ng gawaing paikliin ang salaysay ng mga Jaredita, at alam niya na ang salaysay na ito ay babasahin ng maraming tao sa hinaharap. Nang matapos niya ang kanyang pinaikling salaysay, isinulat niya ang ilan sa kanyang huling saloobin at isinama niya ang kanyang mga personal na alalahanin at pangamba tungkol sa ipinagagawa sa kanya.

Basahin ang Eter 12:23–25, at alamin ang mga alalahanin ni Moroni.

  • Ano ang partikular na inaalala ni Moroni?

Maaari mong talakayin at ilista kasama ng buong klase ang ilang karaniwang kahinaan ng mga kabataan. Maaaring tahimik na pag-isipan ng mga estudyante at isulat nila sa kanilang study journal ang ilan sa sarili nilang mga kahinaan na gusto nilang madaig. Ipaliwanag na hindi ibabahagi ng mga estudyante ang mga personal na saloobing ito sa klase.

Ang tugon ng Panginoon kay Moroni

Basahin ang Eter 12:26–27, at alamin kung paano tumugon ang Panginoon sa mga alalahanin ni Moroni.

Ang Eter 12:27 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuro sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

Tulungan ang mga estudyante na suriin ang mga pahayag sa talata 27 na nakalista sa ibaba. Maaari mong sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang bawat isa sa mga parirala sa magkakaibang quadrant. Maaari mong patnubayan ang isang talakayan ng klase gamit ang nilalaman sa ibaba.

Bilang alternatibo, maaari mong hatiin ang klase sa maliliit na grupo at bigyan ang bawat grupo ng isang papel. Sabihin sa mga grupo na hatiin ang kanilang papel sa apat na parisukat. Sa bawat parisukat, maaaring isulat ng mga estudyante ang isa sa mga parirala mula sa talata 27. Pagkatapos bilang grupo, maaaring mag-isip ang mga estudyante ng mga tanong na makatutulong sa kanila na maunawaan ang bawat parirala. Matapos isulat ang kanilang mga tanong, maaari nilang hatiin ang mga parirala at bawat isa sa kanila ay maghahanap ng mga sagot sa mga tanong na isinulat nila.

“Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan”

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo?

Ang ilang sagot na posibleng ibigay ng mga estudyante ay ang paggawa at pagtupad ng mga tipan kay Cristo at pagpiling sundin ang Kanyang mga turo at halimbawa. Para sa karagdagang tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mong ituro sa mga estudyante ang artikulong “How to Come unto Christ” ni Elder Jeffrey R. Holland, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

Pansinin na sinabi ng Panginoon na ipapakita Niya sa atin ang ating mga kahinaan kung lalapit tayo sa Kanya.

  • Bakit ito isang pagpapala sa atin?

Ang salitang kahinaan sa pariralang ito ay tumutukoy sa ating nahulog na kalagayan, na kinapapalooban ng “mahihinang bagay” ng bawat indibiduwal at ng ating kawalan ng kakayahang maging ganap.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa Eter 12:27 tungkol sa dahilan kung bakit nais ng Tagapagligtas na malaman mo ang iyong mga kahinaan?

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mapagpakumbabang pagkilala sa ating mga limitasyon at kakulangan ay makahihikayat sa atin na humingi ng tulong sa ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya ay magagawang kalakasan ng Panginoon ang kahinaan. (Tingnan sa 2 Corinto 12:6–10; Eter 12:37.)

Maaari mo ring ibahagi ang pahayag ni Brother Douglas D. Holmes sa bahaging “Komentaryo at Impormasyon ng Konteksto.”

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ipinakita sa kanila ng Diyos kamakailan ang kanilang kahinaan. Ipaliwanag sa kanila na ito ay isang mabuting palatandaan na sila ay lumalapit sa Kanya.

“Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba”

Basahin ang ilang halimbawa ng mga indibiduwal sa mga banal na kasulatan na napagtanto ang kanilang kahinaan:

  • Paano nakatulong sa mga tao sa mga salaysay na ito ang pagkilala sa kanilang mga kahinaan upang maging mapagpakumbaba sila?

  • Sa palagay mo, bakit nais ng Panginoon na maging mapagpakumbaba tayo?

“Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan”

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng sapat ang biyaya ng Tagapagligtas para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa Kanyang harapan?

Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ang naunang tanong, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Kevin S. Hamilton.

Ipinaliwanag ni Elder Kevin S. Hamilton ng Pitumpu:

Ang nakapagpapalakas at nagbibigay-kakayahang biyaya ni [Jesucristo] ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang malampasan ang lahat ng balakid, lahat ng hamon, at lahat ng mga kahinaan sa hangarin nating magbago.

Isinagawa ng Tagapagligtas ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang Pagbabayad-sala upang tayo ay talagang magbago, magsisi, at maging mas mabuti. Tayo ay talagang maaaring isilang na muli. Madaraig natin ang mga nakagawian, adiksyon, at maging ang “hangarin pang gumawa ng masama” [Mosias 5:2]. (Kevin S. Hamilton, “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 51–52)

Pansinin kung paano naranasan ng mga tao ni Haring Benjamin ang biyaya ng Panginoon sa Mosias 4:3.

  • Sino pa sa mga banal na kasulatan ang nagpakita na sapat ang biyaya ng Tagapagligtas para tulungan tayong madaig ang ating mga kahinaan?

Ang ilang halimbawa na maaaring ibahagi ng mga estudyante ay si Alma (tingnan sa Mosias 27:24–29) at ang mga anak ni Mosias (tingnan sa Mosias 28:4).

“Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila”

Ipinaliwanag ni Elder Hamilton na ang “mahihinang bagay” sa talatang ito ay maaaring tumutukoy sa ating mga pag-uugali na mga kahinaan.

Kapag binabago muna natin ang pagiging makamundo natin, ang ating kahinaan, magagawa nating baguhin ang ating mga pag-uugali, ang ating mga kahinaan. (Kevin S. Hamilton, “Sa Gayon ay Gagawin Ko ang Mahihinang Bagay na Maging Malalakas,” Liahona, Mayo 2022, 51)

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang natutuhan nila ngayon, sabihin sa kanila na gawin ang isa o lahat ng sumusunod na aktibidad sa kanilang study journal.

  1. Isulat sa isang talata na may tatlo o mahigit pang pangungusap ang natutuhan mo at nais mong maalala mula sa lesson na ito.

  2. Ilarawan sa isang talata na may tatlo o mahigit pang pangungusap kung paano mo ipamumuhay ang natutuhan mo ngayong araw.