Seminary
Eter 13–15: Pagdaig sa Galit


“Eter 13–15: Pagdaig sa Galit,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 13–15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 13–15

Pagdaig sa Galit

galit na binatilyo na nasa background ang ama

Sa Kanyang dakilang pagmamahal, tinutulutan tayo ng Ama sa Langit na makaranas ng maraming iba’t ibang damdamin sa mortalidad, tulad ng pagmamahal, kapayapaan, kalungkutan, at kabiguan. Ang pagdanas ng mga emosyong ito ay nagbibigay-daan sa atin na matuto. Habang patuloy na naghihimagsik ang mga Jaredita laban sa Panginoon, hinayaan nila ang kanilang damdamin na humantong sa mga desisyon na naging sanhi ng pagkalipol ng kanilang sibilisasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang tuksong kumilos nang may galit sa buong buhay mo.

Hikayatin ang mga estudyante na gawin ang natutuhan nila. Bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong gumawa ng plano na kumilos ayon sa natutuhan nila. Hikayatin silang ipagpatuloy ito. Tulungan silang makita ang mga pagpapala ng pagkilos nang naaayon sa mga pamamaraan ni Cristo.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang ibig sabihin ng si Jesucristo ang “Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6) at kung ano ang ibig sabihin sa atin ng pagiging mga tagasunod Niya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang mga bunga ng galit

Basahin o panoorin ang sumusunod na salaysay, na ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), tungkol sa dalawang magkapatid na magkasama sa buong buhay nila.

2:3

Maraming taon na ang nakararaan nabasa ko ang sumusunod na [artikulo] ng Associated Press na lumabas sa pahayagan: Ikinuwento ng isang matandang lalaki sa burol ng kanyang kapatid na lalaki, na kasa-kasama niya, mula pa sa pagbibinata nila, sa isang maliit na silid malapit sa Canisteo, New York, na nang mag-away sila, ginuhitan nila ng tisa ang gitna ng silid at walang lumampas sa linyang iyon o hindi na sila nag-usap mula noon—62 taon na ang nakaraan. Isipin na lang ninyo ang kinahinatnan ng galit na iyon. (Thomas S. Monson, “Kapatid, Damdamin ay Turuan,” Liahona, Nob. 2009, 68–69)

  • Ano ang natutuhan mo sa kuwento ni Pangulong Monson tungkol sa dalawang magkapatid? Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang mensaheng ito sa mundo ngayon?

Isipin ang sarili mong mga damdamin at kung gaano ka kadalas magalit. Pag-isipan kung sa anong mga sitwasyon ka posibleng magalit at kung paano maiimpluwensyahan ng galit na iyon ang iyong pag-iisip, mga kilos, at mga pakikipag-ugnayan.

Isang napakahirap na sitwasyon na lalo pang lumala dahil sa galit

Noong panahon ng propetang si Eter, napakasama ng mga tao. Kinailangang manirahan ni Eter sa isang kuweba upang magtago mula sa mga taong naghahangad na patayin siya. Walang tigil ang digmaan ng mga magkakalabang hukbo. Isang hukbo ang pinamunuan ng isang hari na nagngangalang Coriantumer, at ang isa pa ay pinamunuan sa iba’t ibang pagkakataon ng iba’t ibang tumiwalag, kabilang na ang isang lalaking nagngangalang Sared. Binalaan ni Eter si Coriantumer na magsisi o kung hindi ay malilipol ang mga tao.

Basahin ang Eter 13:22–31, at alamin kung paano naiimpluwensyahan ng galit ang kilos ng mga tao.

  • Ano ang nalaman mo?

Inilalarawan ng pagkawasak ng mga Jaredita ang mga panganib ng pagpiling patuloy na magalit. Kalaunan ay nagtagumpay si Coriantumer at ang kanyang mga hukbo sa pagtalo kay Sared. Ngunit tumayo ang iba pa upang pamunuan ang mga tumiwalag, kabilang na si Shiz. Nang milyun-milyon na sa kanyang mga tao ang napatay, sinubukan ni Coriantumer na pigilan ang pagdanak ng dugo sa pamamagitan ng pagsulat ng maraming liham kay Shiz upang maghangad ng kapayapaan.

Basahin ang Eter 15:5–6, 15–30, at alamin ang epekto ng galit ng mga Jaredita sa mga indibiduwal at mga grupo ng mga tao.

  • Sa paanong paraan naapektuhan ng galit ang mga taong tulad nina Coriantumer, Shiz, at iba pa? Paano nakaapekto ang kanilang galit sa mga tao sa paligid nila?

Ang isang katotohanan na itinuturo ng salaysay na ito ay ang galit ay maaaring humantong sa paggawa natin ng mga desisyong nakasasakit sa ating sarili at sa iba.

Dahil sensitibo ang sumusunod na tanong, mas makabubuting pag-isipan ito nang tahimik ng mga estudyante at isulat nila ang kanilang mga sagot sa kanilang journal.

  • Paano mo nakita na nakakaapekto ang galit sa mga ugnayan ng magkakaibigan, magka-team, mga miyembro ng ward, o magkakapamilya?

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit dapat nating sikaping madaig ang nadaramang galit at alitan:

2:3

Hiniling ni Jesus na tayo ay “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 42:45] nang “[walang] pagtatalu-talo sa inyo” [3 Nephi 11:22]. “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin,” babala Niya sa mga Nephita [3 Nephi 11:29]. Ang totoo, ang ugnayan natin kay Cristo ay matutukoy—o kahit paano ay maaapektuhan—ng ugnayan natin sa isa’t isa. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 78)

Tulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nakaiimpluwensya ang galit sa kanilang buhay at kung ano ang magagawa nila para madaig ito. Maaaring makatulong ang ilan sa mga sumusunod na tanong.

  • Sa iyong palagay, bakit naaapektuhan ng ugnayan natin sa iba ang ating ugnayan kay Jesucristo?

  • Bakit mahirap iwasang kumilos nang may galit?

  • Paano makatutulong si Jesucristo na madaig natin ang galit?

Upang matulungan ang mga estudyante na makaisip ng mga paraan na makahihingi sila ng tulong sa Panginoon para madaig ang galit, maaari mong ipagawa sa kanila ang isa o lahat ng sumusunod na aktibidad. Maaari nilang gawin ang isang opsiyon bilang isang klase at ang isa pang opsiyon nang mag-isa. Ipakita ang mga tagubilin na susundin ng mga estudyante.

Opsiyon A. Ang halimbawa ng kabaitan ng Tagapagligtas

Pag-aralan ang kahit isang halimbawa sa buhay ng Tagapagligtas kung saan maaari sana Siyang tumugon nang may galit ngunit pinili Niyang tumugon nang may pagmamahal at kabaitan. Maaari mong pag-aralan ang Pagpapako sa Kanya sa Krus (tingnan sa Lucas 23:33–43) o noong dinala sa Kanya ang isang babaeng nagkasala ng pangangalunya (tingnan sa Juan 8:1–11).

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Maaari nilang isipin ang karanasan nila noon kung saan kumilos sila nang may galit at isulat sa kanilang study journal kung paano kaya maiiba ang kinahinatnan nito kung kumilos sila nang higit na katulad ng Tagapagligtas.

Opsiyon B. Pagtulad sa halimbawa ng kabaitan ng Tagapagligtas

Para sa sumusunod na aktibidad, paalalahanan ang mga estudyante na panatilihing naaangkop ang mga sitwasyon.

Gumawa ng isang kathang-isip na sitwasyon ngunit makatotohanan kung saan galit ang isang tao sa ibang tao. Magdagdag ng ilang detalye, gaya ng mga pangalan ng tao at dahilan ng galit.

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sitwasyon sa isang papel at ipasa ang mga ito. Maaari mong mabilisang rebyuhin ang mga ito at pagkatapos ay basahin ang ilan sa mga sitwasyon, at anyayahan ang mga estudyante na magmungkahi ng mga paraan ng pagtugon na tulad ng kay Cristo.

Bilang alternatibo, maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kaklase at isadula nila ang pagtugon sa kanilang mga sitwasyon.

Paanyayang iwasan ang galit

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang sinuman sa atin ang kayang kontrolin ang mga bansa o ang kilos ng iba o kahit pa ang sarili nating kapamilya. Pero makokontrol natin ang ating sarili” (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 97).

Gumawa ng plano ng gagawin mo para makontrol ang iyong sarili at madaig ang galit. Ang iyong plano ay maaaring nauugnay sa paraan ng pakikitungo o pagtugon mo sa partikular na mga tao. Maaaring kabilang dito ang mga paraan na matutularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas. Tiyaking isama ang mga paraan na makahihingi ka ng tulong sa Ama sa Langit bago o sa oras ng mahihirap na sitwasyon.

Ibahagi ang iyong patotoo na tutulungan ng Tagapagligtas ang mga estudyante kapag humingi sila ng tulong sa Kanya sa pag-iwas at pagdaig sa galit.