Seminary
Eter 12:28–41: Si Jesucristo: “Ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan”


“Eter 12:28–41: Si Jesucristo: ‘Ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Eter 12:28–41,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Eter 12:28–41

Si Jesucristo: “Ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan”

ipinintang larawan ni Cristo

Depende sa hinahanap natin, makahahanap tayo ng maraming kabutihan o kasamaan sa mundo. Matapos malaman ang pagkalipol ng mga Jaredita at masaksihan ang pagkalipol ng mga Nephita, nagsumamo si Moroni sa lahat ng kanyang mambabasa na hanapin si Jesucristo at ang mga pagpapalang ibibigay Niya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na madama ang mas matinding hangarin na hanapin si Jesucristo sa sarili mong buhay.

Tulungan ang mga estudyante na makilala ang mga pagpapala ng Panginoon sa kanilang buhay. Bukod sa pagtuturo ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataong pagnilayan ang Kanyang pagmamahal, kapangyarihan, at awa. Hikayatin sila na alalahanin ang mga karanasan kung saan nadama nila na ipinagkaloob sa kanila o sa mga mahal nila sa buhay ang kapangyarihan at awa ng Tagapagligtas. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga mag-aaral na lumapit kay Jesucristo nang mas lubusan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng karanasan ni Elder Melvin J. Ballard na kasama sa lesson na ito. Anyayahan silang pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan at nadama nila tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabasa ng karanasan ni Elder Ballard.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga bukal

Maaari mong ipakita ang sumusunod na kahulugan at larawan.

Ang bukal ay tinutukoy bilang “ang pinagmumulan ng isang bagay na dumadaloy o lumalabas”—halimbawa, “isang bukal ng tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa” (Merriam-Webster.com Dictionary, “fountain”).

Isang bukal ng tubig
  • Kung mayroon kang mapaghimalang bukal na nagbibigay ng tuluy-tuloy na daloy ng anumang bagay na pipiliin mo, ano ang gusto mong dumaloy mula rito?

Idrowing nang mabilis ang larawan ng isang bukal na naglalabas ng pinili mo, at maikling ipaliwanag kung bakit iyon ang gusto mo.

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sandali ang tungkol sa kanilang mga drowing.

Basahin ang Eter 12:28, at alamin ang bukal na tinukoy ng Panginoon matapos ituro kay Moroni ang Kanyang kakayahan na gawing kalakasan ang ating mga kahinaan.

  • Ano ang bukal na tinukoy ng Panginoon?

  • Ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa paraan ng paglapit natin kay Cristo?

Ang isang katotohanang itinuturo ng talatang ito ay ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ang nagdadala sa atin kay Jesucristo, ang Bukal ng Lahat ng Kabutihan.

  • Bakit naaangkop na titulo kay Jesucristo ang “Bukal ng Lahat ng Kabutihan”?

  • Ano sa palagay o pakiramdam mo ang palaging nagmumula sa Kanya?

  • Sa iyong palagay, paano tayo inilalapit kay Jesus ng pagkakaroon ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa?

Para sa sumusunod na iminumungkahing aktibidad, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro. Anyayahan ang bawat miyembro na mag-isip at magbahagi ng isang halimbawa sa kanilang grupo.

Maglista ng ilang halimbawa na naglalarawan kung paano naging Bukal ng Lahat ng Kabutihan ang Tagapagligtas. Maaaring kunin ang mga halimbawang ito mula sa mga banal na kasulatan, sa iyong buhay, o sa buhay ng mga taong kilala mo. Kung kailangan mo ng tulong sa pag-iisip ng isang halimbawa, maaari mong basahin ang salaysay tungkol sa Tagapagligtas sa Marcos 2:1–12 o panoorin ang “Jesus Forgives Sins and Heals a Man Stricken with Palsy” (2:57).

2:57

Pagnilayan kung paano naiimpluwensyahan ng mga halimbawang ito ang nadarama mo kay Jesucristo. Isipin ang iyong kasalukuyang hangaring lumapit kay Jesucristo at makibahagi sa kabutihan na nagmumula sa Kanya. Sinlakas ba ng pagnanais mo ang iyong hangarin? Bakit oo o bakit hindi?

Sa iyong patuloy na pag-aaral, maghanap ng mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na makapagdudulot ng positibong impluwensya sa iyong hangarin at kakayahang lumapit sa Kanya at makibahagi sa kabutihang iniaalok Niya.

Mga kaloob na dumadaloy mula kay Cristo

Basahin ang Eter 12:29–37, at alamin ang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo sa mga lumalapit sa Kanya nang may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa.

  • Anong mga pagpapala ang sinabi ni Moroni na nagmumula sa paghahanap kay Jesus?

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang naranasan mo o ng iba nang hanapin mo ang Tagapagligtas?

  • Alin sa mga pagpapalang ito ang pinakainaasam mong matanggap sa hinaharap? Bakit?

Hanapin si Jesus

Sa pagtatapos ng Eter 12, ibinahagi ni Moroni ang isang sagradong karanasan niya. Basahin ang talata 39, at isipin kung ano kaya ang naramdaman ni Moroni sa karanasang iyon.

Basahin at markahan ang paanyaya ni Moroni sa talata 41.

  • Matapos maranasan ang karanasang inilarawan niya sa talata 39, sa iyong palagay, bakit ibibigay sa atin ni Moroni ang paanyayang ito?

Tulad ni Moroni, si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkaroon ng sagradong karanasan sa Tagapagligtas. Basahin ang kanyang paglalarawan sa karanasang ito, at muling subukang isipin kung ano kaya ang naging pakiramdam niya rito.

Elder Melvin J. Ballard

Isang gabi, habang nananaginip ako ay natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng sagradong gusaling iyon, ang templo. Pagkatapos ng sandali ng pananalangin at pagsasaya, sinabihan ako na magkakaroon ako ng pribilehiyong pumasok sa isa sa mga silid upang makadaupang palad ang isang maluwalhating nilalang, at, habang pumapasok ako sa pintuan, nakita ko, na nakaupo sa isang mataas na plataporma, ang pinakamaluwalhating Nilalang na noon ko lamang nakita o noon ko lamang naisip na nabuhay sa mga daigdig na walang hanggan.

Sa paglapit ko upang maipakilala, tumayo Siya at lumapit sa akin na nakaunat ang mga kamay, at ngumiti nang sambitin Niya nang mahina ang aking pangalan. Kung mabubuhay ako nang isang milyong taon, hinding-hindi ko malilimutan ang ngiting iyon. Niyakap Niya ako at hinagkan, kinabig ako sa Kanyang dibdib, at ako ay binasbasan, hanggang sa tila matunaw ang utak ng aking mga buto! Nang matapos na Siya, lumuhod ako sa paanan Niya, at, habang pinaliliguan ang mga iyon ng aking mga luha at halik, nakita ko ang bakas ng mga pako sa paa ng Manunubos ng daigdig. Ang nadama ko sa harapan Niya na namamahala sa lahat ng bagay, na mapasaakin ang pagmamahal Niya, pag-aaruga Niya, at basbas Niya ay napakatindi kung kaya’t kung matatanggap ko ang bagay na iyon na natikman ko ay ibibigay ko ang buo kong pagkatao, ang lahat ng inaasam kong maging, upang madama ang nadama ko noon!

… Hindi ko nakikita si Jesus ngayon na nakapako sa krus. Hindi ko nakikita ang Kanyang noo na natutusukan ng mga tinik ni ang Kanyang mga kamay na nakapako, kundi nakikita ko Siyang nakangiti, nakaunat ang mga bisig, sinasabi sa ating lahat: “Magsilapit kayo sa akin!” (Melvin J. Ballard, “Alam Kong Siya ay Buhay,” Liahona, Dis. 2014, 80)

  • Ano ang pinakatumimo sa iyo sa karanasan ni Elder Ballard? Bakit?

  • Ano ang naipapaisip o naipadarama sa iyo ng mga karanasan nina Elder Ballard at Moroni tungkol sa Tagapagligtas?

Para tapusin ang lesson na ito, maaari mong ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na paanyaya. Maaaring makatulong ang pagbabahagi ng sarili mong mga hangarin na hanapin si Jesucristo at ang mga pagpapalang dumating nang mahanap mo Siya.

Pagnilayan ang natutuhan at nadama mo sa araw na ito. Ano ang pinakanakaimpluwensya sa hangarin mong hanapin si Jesus sa iyong buhay? Mangakong kumilos ayon sa anumang pahiwatig o impresyong natanggap mo.