“Eter 13–15: Pagdaig sa Galit,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Eter 13–15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Eter 13–15
Pagdaig sa Galit
Sa Kanyang dakilang pagmamahal, tinutulutan tayo ng Ama sa Langit na makaranas ng maraming iba’t ibang damdamin sa mortalidad, tulad ng pagmamahal, kapayapaan, kalungkutan, at kabiguan. Ang pagdanas ng mga emosyong ito ay nagbibigay-daan sa atin na matuto. Habang patuloy na naghihimagsik ang mga Jaredita laban sa Panginoon, hinayaan nila ang kanilang damdamin na humantong sa mga desisyon na naging sanhi ng pagkalipol ng kanilang sibilisasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapaglabanan ang tuksong kumilos nang may galit sa buong buhay mo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang mga bunga ng galit
Basahin o panoorin ang sumusunod na salaysay, na ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), tungkol sa dalawang magkapatid na magkasama sa buong buhay nila.
Maraming taon na ang nakararaan nabasa ko ang sumusunod na [artikulo] ng Associated Press na lumabas sa pahayagan: Ikinuwento ng isang matandang lalaki sa burol ng kanyang kapatid na lalaki, na kasa-kasama niya, mula pa sa pagbibinata nila, sa isang maliit na silid malapit sa Canisteo, New York, na nang mag-away sila, ginuhitan nila ng tisa ang gitna ng silid at walang lumampas sa linyang iyon o hindi na sila nag-usap mula noon—62 taon na ang nakaraan. Isipin na lang ninyo ang kinahinatnan ng galit na iyon. (Thomas S. Monson, “Kapatid, Damdamin ay Turuan,” Liahona, Nob. 2009, 68–69)
-
Ano ang natutuhan mo sa kuwento ni Pangulong Monson tungkol sa dalawang magkapatid? Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang mensaheng ito sa mundo ngayon?
Isipin ang sarili mong mga damdamin at kung gaano ka kadalas magalit. Pag-isipan kung sa anong mga sitwasyon ka posibleng magalit at kung paano maiimpluwensyahan ng galit na iyon ang iyong pag-iisip, mga kilos, at mga pakikipag-ugnayan.
Isang napakahirap na sitwasyon na lalo pang lumala dahil sa galit
Noong panahon ng propetang si Eter, napakasama ng mga tao. Kinailangang manirahan ni Eter sa isang kuweba upang magtago mula sa mga taong naghahangad na patayin siya. Walang tigil ang digmaan ng mga magkakalabang hukbo. Isang hukbo ang pinamunuan ng isang hari na nagngangalang Coriantumer, at ang isa pa ay pinamunuan sa iba’t ibang pagkakataon ng iba’t ibang tumiwalag, kabilang na ang isang lalaking nagngangalang Sared. Binalaan ni Eter si Coriantumer na magsisi o kung hindi ay malilipol ang mga tao.
Basahin ang Eter 13:22–31, at alamin kung paano naiimpluwensyahan ng galit ang kilos ng mga tao.
-
Ano ang nalaman mo?
Inilalarawan ng pagkawasak ng mga Jaredita ang mga panganib ng pagpiling patuloy na magalit. Kalaunan ay nagtagumpay si Coriantumer at ang kanyang mga hukbo sa pagtalo kay Sared. Ngunit tumayo ang iba pa upang pamunuan ang mga tumiwalag, kabilang na si Shiz. Nang milyun-milyon na sa kanyang mga tao ang napatay, sinubukan ni Coriantumer na pigilan ang pagdanak ng dugo sa pamamagitan ng pagsulat ng maraming liham kay Shiz upang maghangad ng kapayapaan.
Basahin ang Eter 15:5–6, 15–30, at alamin ang epekto ng galit ng mga Jaredita sa mga indibiduwal at mga grupo ng mga tao.
-
Sa paanong paraan naapektuhan ng galit ang mga taong tulad nina Coriantumer, Shiz, at iba pa? Paano nakaapekto ang kanilang galit sa mga tao sa paligid nila?
Ang isang katotohanan na itinuturo ng salaysay na ito ay ang galit ay maaaring humantong sa paggawa natin ng mga desisyong nakasasakit sa ating sarili at sa iba.
-
Paano mo nakita na nakakaapekto ang galit sa mga ugnayan ng magkakaibigan, magka-team, mga miyembro ng ward, o magkakapamilya?
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit dapat nating sikaping madaig ang nadaramang galit at alitan:
Hiniling ni Jesus na tayo ay “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 42:45] nang “[walang] pagtatalu-talo sa inyo” [3 Nephi 11:22]. “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin,” babala Niya sa mga Nephita [3 Nephi 11:29]. Ang totoo, ang ugnayan natin kay Cristo ay matutukoy—o kahit paano ay maaapektuhan—ng ugnayan natin sa isa’t isa. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Liahona, Nob. 2018, 78)
-
Sa iyong palagay, bakit naaapektuhan ng ugnayan natin sa iba ang ating ugnayan kay Jesucristo?
-
Bakit mahirap iwasang kumilos nang may galit?
-
Paano makatutulong si Jesucristo na madaig natin ang galit?
Opsiyon A. Ang halimbawa ng kabaitan ng Tagapagligtas
Pag-aralan ang kahit isang halimbawa sa buhay ng Tagapagligtas kung saan maaari sana Siyang tumugon nang may galit ngunit pinili Niyang tumugon nang may pagmamahal at kabaitan. Maaari mong pag-aralan ang Pagpapako sa Kanya sa Krus (tingnan sa Lucas 23:33–43) o noong dinala sa Kanya ang isang babaeng nagkasala ng pangangalunya (tingnan sa Juan 8:1–11).
Opsiyon B. Pagtulad sa halimbawa ng kabaitan ng Tagapagligtas
Gumawa ng isang kathang-isip na sitwasyon ngunit makatotohanan kung saan galit ang isang tao sa ibang tao. Magdagdag ng ilang detalye, gaya ng mga pangalan ng tao at dahilan ng galit.
Paanyayang iwasan ang galit
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang sinuman sa atin ang kayang kontrolin ang mga bansa o ang kilos ng iba o kahit pa ang sarili nating kapamilya. Pero makokontrol natin ang ating sarili” (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 97).
Gumawa ng plano ng gagawin mo para makontrol ang iyong sarili at madaig ang galit. Ang iyong plano ay maaaring nauugnay sa paraan ng pakikitungo o pagtugon mo sa partikular na mga tao. Maaaring kabilang dito ang mga paraan na matutularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas. Tiyaking isama ang mga paraan na makahihingi ka ng tulong sa Ama sa Langit bago o sa oras ng mahihirap na sitwasyon.