Seminary
Moroni 6: Pakikibahagi at Paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon


“Moroni 6: Pakikibahagi at Paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 6,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 6

Pakikibahagi at Paglilingkod sa Simbahan ng Panginoon

dalagitang nagsasalita sa sacrament meeting

Bilang mga nabinyagang miyembro ng Simbahan ni Cristo, may mga pagkakataon tayong makibahagi at maglingkod sa iba’t ibang paraan. Sa Moroni 6, ipinagpatuloy ni Moroni ang kanyang mga tagubilin upang tumulong sa pagpapalakas at pagpapatatag ng Simbahan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magsikap na paglingkuran ang iba at sundin ang Tagapagligtas bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sikaping maging halimbawa ng pagmamahal sa iba. Palagiang ipinapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang taos-pusong pagmamalasakit sa bawat tao. Habang pinaiigting mo ang pagmamahal at paggalang sa iyong mga estudyante, ang iyong halimbawa na tulad ng kay Cristo ay makahihikayat sa kanila na pahalagahan ang isa’t isa. Hikayatin ang mga estudyante na patatagin ang isa’t isa at hanapin ang kabutihan sa lahat.

Paghahanda ng estudyante: Maaaring pumasok sa klase ang mga estudyante na handang magbahagi ng mga paraan na mapapalakas ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang isa’t isa, kahit walang pormal na katungkulan sa ward o branch.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga Miyembro ng Simbahan ni Cristo

kongregasyon ng ward na kumakanta sa sacrament meeting

Maaari mong ipakita ang larawan ng isang kongregasyon ng Simbahan at talakayin ang iba’t ibang dahilan kung bakit pinipili ng mga tao na maging miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas.

Para sa sumusunod na aktibidad, maaari kang magdrowing ng pigura ng isang tao sa pisara para makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad sa klase.

Sa iyong study journal o sa hiwalay na papel, gumuhit ng isang linya para hatiin ang pahina sa kalahati. Sa isang kalahati, magdrowing ng pigura ng isang tao, na kumakatawan sa isang miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas. Lakihan ang pigura para makapagsulat ka sa loob nito. Sa loob ng larawan na idinrowing mo, sumulat ng dalawa o tatlong bagay na ginawa mo o inaasahan mong gagawin mo upang makapaghanda para sa binyag sa Simbahan. Maaari mong patuloy na dagdagan ang listahan sa iyong drowing sa buong lesson.

Sa Moroni 6, ipinagpatuloy ni Moroni ang kanyang mga turo tungkol sa pagpapatatag ng Simbahan at pagpapalakas sa mga miyembro nito. Sa kabanatang ito, nalaman natin ang ilan sa ating mga tungkulin at oportunidad sa pagtupad sa gawain ng Panginoon sa Kanyang Simbahan.

Basahin ang Moroni 6:1–3, at alamin ang itinuro ni Moroni kung paano maipapakita ng isang tao na handa siyang mabinyagan sa Simbahan ni Cristo. Idagdag sa listahan sa loob ng iyong larawan ang nalaman mo.

  • Sa iyong palagay, paano inihahanda ng mga kilos at pag-uugaling ito ang isang tao para sa binyag?

Itinuro ni Moroni na kapag nabinyagan tayo, tayo ay “na[pa]pabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo” (Moroni 6:4). Tayo ay nagiging kabilang sa isang organisasyon ng simbahan na nilayong palakasin at patatagin tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo. Habang patuloy mong pinag-aaralan ang Moroni 6, isipin kung paano mo mapaglilingkuran at mapapalakas ang iba bilang isang nabinyagang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mga oportunidad at responsibilidad

Sa paligid ng larawan na idinrowing mo kanina, isulat ang ilan sa mga pangangailangan, inaasam, o ninanais ng mga miyembro ng Simbahan.

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pagtukoy sa mga pangangailangang ito sa kanilang sarili at sa iba ay makatutulong sa kanila na matuto mula sa mga susunod na turo ni Moroni. Maging sensitibo at bigyang-katiyakan ang mga estudyante na hindi nila kailangang ibahagi ang isinulat nila. Bigyan sila ng sapat na oras na makapagsulat ng maraming ideya sa kanilang idinrowing.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan, at mag-iwan ng puwang para kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag sa ilang paraan.

Sa kabilang kalahati ng iyong papel o journal page, isulat ang sumusunod na hindi kumpletong katotohanan: Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas, matutulungan at mapapalakas natin ang isa’t isa kapag …

Pag-aralan ang Moroni 6:4–9, at alamin ang maraming paraan na maaari mong kumpletuhin ang pahayag. Isulat ang iyong listahan ng iba’t ibang pahayag sa iyong papel. Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng pangalagaan ay suportahan o hikayatin ang pag-unlad.

Maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang pahayag sa ilang paraan, kabilang ang mga sumusunod:

  • inalala natin ang iba pang miyembro ng Simbahan (talata 4).

  • espirituwal na pinangalagaan natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mabuting salita ng Diyos (talata 4).

  • pinangalagaan at ipinagdasal natin ang isa’t isa (talata 4).

  • tinulungan natin ang isa’t isa na umasa sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala (talata 4).

  • nagtipun-tipon tayo nang madalas upang mag-ayuno at sama-samang manalangin (talata 5).

  • espirituwal na pinalakas natin ang isa’t isa (talata 5).

  • tumanggap tayo ng sakramento bilang pag-alaala kay Jesucristo (talata 6).

  • pinatawad natin ang iba kapag sila ay nagsisi (talata 7–8).

  • nagturo at nanalangin tayo alinsunod sa kapangyarihan ng Espiritu Santo (talata 9).

Maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang bawat responsibilidad at pag-isipan kung paano gawin ang mga ito. Maaaring magandang pagkakataon din ito upang anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karagdagang ideya mula sa kanilang paghahanda ng estudyante.

  • Alin kaya sa mga gawaing ito ang mas madali para sa iyo? Alin kaya ang mahirap? Bakit?

  • Paano kaya maaaring isagawa ang mga gawaing ito sa iyong klase o korum?

  • Paano makatutulong sa iyong mga pangangailangan ang pagkilos ayon sa mga katotohanang ito?

Pagbibigay at pagtanggap

Maaaring makatulong na ipakita ang sumusunod na pahayag para mabasa nang malakas ng isang estudyante.

Ipinahayag ni Pangulong Bonnie L. Oscarson, dating Young Women General President:

12:6

Hindi lang tayo basta tumatanggap at kumukuha sa ibinibigay ng simbahan; kailangan tayong magbigay at tumulong. Mga kabataang lalaki at babae, sa susunod na nasa [aktibidad ng mga kabataan] kayo, sa halip na kunin ang inyong phone at tingnan ang ginagawa ng inyong mga kaibigan, tumigil kayo at tumingin sa inyong paligid at tanungin ang inyong sarili, “Sino ang nangangailangan sa akin ngayon?” Maaaring maging susi kayo sa pagtulong at pag-impluwensya sa buhay ng isang kabataan o sa pagpapalakas ng loob ng isang kaibigan na tahimik na nagdurusa.

Hilingin sa inyong Ama sa Langit na ipakita sa inyo ang mga nangangailangan ng tulong ninyo at ipabatid sa inyo kung paano ninyo sila pinakamainam na mapaglilingkuran. Alalahanin na madalas ay isa-isang pinaglilingkuran ng Tagapagligtas ang mga tao. (Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan,” Liahona, Nob. 2017, 26)

  • Ano sa palagay mo ang mahalagang matandaan mula sa payo ni Sister Oscarson, at bakit?

  • Kailan mo nakitang isinagawa ang mga katotohanang itinuro ni Moroni? Anong kaibhan ang nagawa ng pagsasagawa ng mga katotohanang ito sa buhay ng iba?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa payo ni Moroni na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?

Para sa halimbawa ng isang dalagita na sinunod ang payo ni Moroni, panoorin ang “Mga Matang Makakakita” mula sa time code na 4:55 hanggang 6:55 sa ChurchofJesusChrist.org.

Kung ipapanood mo ang video, maaari mong talakayin kung paano sinunod ng dalagita ang payo ni Moroni at tinularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.

9:44

Ang mga susunod kong hakbang

Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para pagnilayan at isulat sa kanilang study journal ang mga impresyon nila. Kung may oras pa, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga ideya.

Maglaan ng ilang sandali na pag-isipan ang tungkol sa natutuhan at nadama mo ngayon. Pagkatapos ay isipin ang pagpasok mo sa susunod ninyong miting o aktibidad sa Simbahan. Ano sa palagay mo ang ipagagawa sa iyo ng Tagapagligtas? Maaari kang magsulat sa iyong study journal para matulungan kang maalala ang patnubay na natanggap mo.

Maaari ka ring manalangin at humingi ng tulong sa Ama sa Langit para malaman kung sino ang nangangailangan ng iyong pansin at tulong. Anyayahan Siya na tulungan kang malaman kung ano ang magagawa mo para mapangalagaan ang iba pang miyembro ng Simbahan tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.