Seminary
Moroni 2–3: Awtoridad ng Priesthood


“Moroni 2–3: Awtoridad ng Priesthood,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 2–3,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 2–3

Awtoridad ng Priesthood

isang batang babaeng kinukumpirma

Ang tunay na awtoridad ng priesthood mula sa Diyos ay mahalaga sa Simbahan ng Tagapagligtas. Sa ilan sa mga huling salita ni Moroni sa mga darating na henerasyon, nagturo siya tungkol sa awtoridad sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng priesthood. Sa paggawa nito iningatan niya ang mahahalagang katotohanan kung paano ginagamit ang priesthood. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang awtoridad ng priesthood sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Tulungan ang mga estudyante na magtuon kay Jesucristo. Pagnilayan kung paano itinuturo ng mga banal na kasulatan ang mga alituntunin na tutulong sa atin na mas makilala at maunawaan ang Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung ano ang matututuhan nila tungkol sa kapangyarihan, awa, at impluwensya ni Jesucristo mula sa mga alituntunin ng ebanghelyo na natutuklasan nila sa mga banal na kasulatan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kausapin ang isang maytaglay ng priesthood o isang taong naglilingkod sa isang katungkulan sa Simbahan. Maaaring itanong ng mga estudyante sa taong iyon kung ano ang nadarama niya tungkol sa pagtanggap ng awtoridad ng Tagapagligtas sa paggawa ng kanyang mga responsibilidad.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bago magklase, magtago ng isang bagay na kakailanganin mo sa lesson, tulad ng chalk, marker, o mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang bagay na ito, at itanong kung bakit kailangan ito para sa lesson.

Ipaalala sa mga estudyante na maraming malinaw at mahahalagang katotohanan ang nawala sa panahon ng Malawakang Apostasiya (tingnan sa 1 Nephi 13:26–27, 32). Ang mga isinulat ni Moroni ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa pagtatatag ng Simbahan ng Tagapagligtas na nawala noong panahon ng Apostasiya.

“Mahalaga”

Si Moroni ay isa sa mga huling maytaglay ng priesthood ng kanyang dispensasyon sa kontinente ng Amerika. Alam niya na kapag siya ay namatay, ang mahalagang kaalaman tungkol sa Simbahan ng Tagapagligtas at sa Kanyang awtoridad ng priesthood ay mawawala. Sa ilan sa kanyang huling salita, isinulat ni Moroni ang sa palagay niya ay “magiging mahalaga“ sa mga darating na salinlahi (Moroni 1:4). Sumulat siya tungkol sa awtoridad at mga ordenansa ng priesthood na makukuha lamang sa Simbahan ng Tagapagligtas.

Noong dalawin ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang mga Nephita, “hinawakan niya ng kanyang kamay ang mga disipulo na kanyang pinili” at “ibinigay sa kanila ang kapangyarihan na magkaloob ng Espiritu Santo” (3 Nephi 18:36–37). Isinama ni Moroni sa kanyang talaan ang ilan sa mga tagubilin ng Tagapagligtas sa labindalawang Nephitang disipulo hinggil sa pagbibigay ng kaloob na Espiritu Santo.

Upang mapalahok pa ang mga estudyante, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kaklase o sa maliliit na grupo para sa sumusunod na aktibidad. Maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang Moroni 23 at pagkatapos ay ibahagi ang natutuhan nila sa isang taong nag-aral ng ibang kabanata. Maaaring ibigay ang sumusunod na impormasyon upang magabayan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Awtoridad na ipagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo

Basahin ang Moroni 2:1–3, at alamin ang itinuro ni Moroni na mahalaga.

  • Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na sa palagay mo ay mahalaga?

  • Mula sa nalalaman mo na, anong awtoridad ng priesthood ang kailangan para maipagkaloob ang kaloob na Espiritu Santo?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa Moroni 2?

Ang isang katotohanan ay ipinagkakaloob ng mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kaloob na Espiritu Santo sa mga nabinyagang miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.

  • Sa iyong palagay, bakit napakahalaga ng pagkakaloob ng Espiritu Santo? (Para sa salaysay na nagpapakita nito, maaari mong basahin ang Mga Gawa 8:14–24.)

  • Paano nakakaimpluwensya sa nadarama mo tungkol sa kaloob na Espiritu Santo ang kaalaman na ang awtoridad sa pagkakaloob nito ay nagmumula sa Tagapagligtas?

  • Paano napagpala ng kaloob na Espiritu Santo ang buhay mo?

Pag-oorden sa iba sa mga katungkulan sa priesthood

Ang kasunod na ipinaliwanag ni Moroni ay kung paano mag-orden ng mga priest at teacher.

Basahin ang Moroni 3:1–4, at alamin kung paano inoorden ang mga indibiduwal sa mga katungkulan sa priesthood.

  • Ano ang napansin mo sa kung paano inoorden ang mga indibiduwal sa mga katungkulan sa priesthood?

Maaaring basahin at iugnay ng mga estudyante ang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5 sa Moroni 3.

Bagama’t partikular na binanggit sa Moroni 3 ang ordenasyon sa mga katungkulan sa priesthood ng mga saserdote at guro [priest at teacher], ang awtoridad ay para din sa lahat ng may tungkulin sa Simbahan ng Tagapagligtas.

  • Bakit mahalaga para sa mga taong naglilingkod sa Simbahan ng Tagapagligtas na magkaroon ng Kanyang awtoridad?

Kung maaari, magdala ng linya ng awtoridad ng priesthood [priesthood line of authority] sa klase.

Ang awtoridad ng priesthood ay nagmumula kay Jesucristo. Bagama’t lahat ng may tungkulin sa Simbahan ay may awtoridad ng priesthood, ang mga inordenan sa mga katungkulan sa Aaronic o Melchizedek Priesthood ay may priesthood line of authority. Tinutunton sa line of authority na ito ang awtoridad ng isang maytaglay ng priesthood pabalik kay Jesucristo. Ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring humiling ng rekord ng kanilang line of authority sa ChurchofJesusChrist.org. Hindi nagbibigay ang Simbahan ng rekord ng line of authority para sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood. Gayunman, kung ang isang maytaglay ng Aaronic Priesthood ay inorden ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood, maaaring malaman niya ang line of authority ng taong nag-orden sa kanya.

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Ang paggawa nang may banal na awtoridad ay nangangailangan ng higit pa sa simpleng kasunduan ng kalalakihan. Hindi ito malilikha ng pagsasanay na panrelihiyon o pagbibigay-karapatan ng kongregasyon. Hindi, sa awtorisadong gawain ng Diyos dapat mayroong kapangyarihan na mas mataas kaysa sa taglay na ng mga tao sa mga kongregasyon o sa kalye o sa seminaryo—isang katotohanan na alam na at hayagang inamin ng maraming matatapat na nagsaliksik sa relihiyon sa loob ng maraming henerasyon na nagbigay-daan sa Pagpapanumbalik. …

… [Ang linya ng awtoridad ng priesthood ng bawat maytaglay ng priesthood sa Simbahan] ay matutunton pabalik sa tuloy-tuloy na kawing sa mga nagministeryong anghel na galing sa Anak ng Diyos mismo, dala ang di-matatawarang kaloob na ito mula sa langit. (Jeffrey R. Holland, “Ang Ating Natatanging Katangian,” Liahona, Mayo 2005, 44)

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang isang kadena. Ipaliwanag na ang unang kawing ng kadena ay kumakatawan kay Jesucristo at ang pangalawang kawing, sa mga inorden Niya sa priesthood. Ang pangatlong kawing ay kumakatawan sa mga inorden ng mga ito at iba pa, hanggang sa mga henerasyon sa mga maytaglay ng priesthood ngayon, na kinakatawan ng huling kawing ng kadena.

  • Bakit mahalaga na matunton ang awtoridad ng priesthood pabalik kay Jesucristo?

  • Paano nakakaimpluwensya ang kaalamang nakakonekta ito kay Jesucristo sa nadarama mo tungkol sa mga ordenansa, katungkulan, o pagpapalang natatanggap mo sa pamamagitan ng priesthood?

Maaaring magbahagi ang mga estudyante tungkol sa aktibidad sa paghahanda para sa klase.

Maaari ding rebyuhin ng mga estudyante ang Moroni 2 at 3, at alamin ang mga pagkakatulad ng mga kabanata, at ibahagi ang nalaman nila.

Ibahagi ang natutuhan mo

Kung makatutulong sa mga estudyante na ipakita ang pagkaunawa nila sa napag-aralan nila sa Moroni 2–3, maaari mong talakayin ang sumusunod na sitwasyon.

Kunwari ay may kapamilya ka na bibinyagan at ikukumpirma, ioorden sa priesthood, o itatalaga para sa isang katungkulan. Ano ang maibabahagi mo sa kanya mula sa Moroni 23 para matulungan siyang maunawaan ang kahalagahan ng kaganapang ito?