“Abril 11. Paano Ko Maaanyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo? Doktrina at mga Tipan 30–36,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Abril 11. Paano Ko Maaanyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Abril 11
Paano Ko Maaanyayahan ang Lahat na Lumapit kay Cristo?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos, bilang karagdagan sa pagpapayuhan tungkol sa mga bagay na partikular na may kinalaman sa korum o klase, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.
-
Anong mga tema o mensahe ang nakaagaw ng ating pansin?
-
Ano ang nahikayat tayong gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?
-
Ano ang kailangan nating gawin bilang isang korum o klase upang kumilos ayon sa payong narinig natin sa pangkalahatang kumperensya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Ilang buwan lang matapos maorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan noong Abril 6, 1830, sa Fayette, New York, nagsimulang tumawag ng mga missionary ang Panginoon upang tipunin ang “hinirang mula sa apat na sulok ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 33:6). Ang nagsimula bilang mga pagsisikap ng iilang bagong binyag sa isang limitadong lugar ay naging isang hukbo ng mga missionary na nagpapahayag ng ebanghelyo sa buong mundo. Ngunit ang gawaing misyonero ay hindi limitado sa mga naglilingkod sa mga full-time mission. Nais ng Panginoon na anyayahan ng bawat isa sa atin ang mga nasa paligid natin na lumapit sa Kanya.
Ano ang mga naranasan mo sa pag-anyaya sa iba na matuto tungkol sa ebanghelyo ng Tagapagligtas? Ano ang magagawa mo upang mahikayat ang mga miyembro ng korum o klase na gampanan ang kanilang tungkulin na magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo? Habang naghahanda kang magturo, isiping rebyuhin ang “Ano ang Layunin Ko Bilang Misyonero?” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ([2019] 1–18) at ang mensahe ni Elder Dieter F. Uchtdorf na “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 15–18).
Magkakasamang Matuto
Binabanggit sa Doktrina at mga Tipan 30–36 ang mga pangalan ng ilang tao na tinawag sa misyon noong mga unang araw ng Simbahan. Ilang araw bago ang inyong miting, maaari mong bigyan ang bawat miyembro ng korum o klase ng isa sa mga pangalang ito (tingnan sa mga heading ng mga bahagi 30–36) at anyayahan siyang alamin kung anong payo ang ibinigay ng Panginoon upang matulungan ang taong iyon na ibahagi ang ebanghelyo. Paano natin maiaangkop ang payong iyon sa ating sarili? Ang mga ideya sa ibaba ay mas magbibigay-inspirasyon sa iyong mga tinuturuan na anyayahan ang mga nasa paligid nila na lumapit kay Cristo.
-
Nauunawaan ba ng mga tinuturuan mo ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo? Maaari mong hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang iniisip. Kung makatutulong, maaari mong ibahagi ang paliwanag na ito: “Para makalapit sa Tagapagligtas kailangan silang magkaroon ng pananampalataya sa Kanya tungo sa pagsisisi—na ginagawa ang mga pagbabagong kailangan para maiayon ang kanilang buhay sa Kanyang mga aral” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 2). Maaari ding basahin ng mga miyembro ng korum o klase ang mga talata sa banal na kasulatan na may mga pariralang tulad ng “magsiparito sa akin” o “lumapit kay Cristo” upang makatulong sa pagsagot sa tanong na ito—halimbawa, Mateo 11:28–30; Omni 1:26; Moroni 10:32; Doktrina at mga Tipan 20:59. Bakit gusto nating lumapit ang mga tao kay Cristo? Ano ang ilang simpleng bagay na magagawa natin upang matulungan sila? Maaaring magplano ang mga miyembro ng korum o klase na anyayahan ang isang taong kilala nila na higit na lumapit kay Cristo.
-
Ang pag-alam kung paano naibahagi ng iba ang ebanghelyo ay isang magandang paraan para bigyang-inspirasyon ang mga tinuturuan mo. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na basahin ang payo at mga halimbawang matatagpuan sa mensahe ni Sister Cristina B. Franco na “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo” (Liahona, Nob. 2019, 83–86). Ano ang matututuhan natin mula sa mga halimbawang ito? Sama-samang talakayin kung ano ang magagawa ng iyong korum o klase para anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo.
-
Pagdating sa pagbabahagi ng ebanghelyo, sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf na ang ilan sa atin ay maaaring “hindi … tiyak kung paano gawin ito. O baka nahihiya tayong gawin ang isang bagay na asiwa para sa atin” (“Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 16). Kung ganito ang pakiramdam ng mga miyembro ng korum o klase, maaaring makatulong sa kanila ang limang simpleng mungkahing ibinigay ni Elder Uchtdorf sa kanyang mensahe. Maaari mong anyayahan ang bawat miyembro ng klase na basahin ang isa sa kanyang mga mungkahi at ibahagi ang natutuhan nila.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
I Kay Timoteo 4:12 (Maging halimbawa ng mga mananampalataya)
-
Alma 17:2–4 (Inihanda ng mga anak ni Mosias ang kanilang sarili na ibahagi ang ebanghelyo)
-
Doktrina at mga Tipan 42:6–7 (Ipangaral ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu)
-
Russell M. Nelson at Wendy Nelson, “Pag-asa ng Israel,” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), suplemento sa New Era at Ensign, HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org