“Abril 25. Paano Ako Magiging Higit na Katulad ni Cristo sa Aking Paglilingkod sa Iba? Doktrina at mga Tipan 41–44,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Abril 25. Paano Ako Magiging Higit na Katulad ni Cristo sa Aking Paglilingkod sa Iba?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Abril 25
Paano Ako Magiging Higit na Katulad ni Cristo sa Aking Paglilingkod sa Iba?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang bago sa ating ward, at paano natin maipadarama sa kanila na sila ay tanggap? Ano ang ginagawa natin para maging makabuluhan ang ating oras sa mga miting ng korum o klase?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Ano ang ilan sa ating mga tungkulin at responsibilidad bilang mga kabataang lalaki at kabataang babae? Paano natin magagampanan nang mas mahusay ang mga ito?
-
Ang ating buhay. Ano ang ginagawa natin para maging higit na katulad ni Jesucristo at matanggap ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay? Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit sa Kanya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Nang utusan ng Panginoon ang mga Banal na magtipon sa Kirtland, Ohio, maraming tao ang matapat na nilisan ang kanilang tahanan at naglakbay patungo roon. Ngunit ang hakbang na ito ay hindi lamang tungkol sa pamumuhay sa isang bagong lugar—tungkol din iyon sa pamumuhay sa isang bagong paraan. Maaaring napag-aralan na ng mga miyembro ng korum o klase ang Doktrina at mga Tipan 41–44 sa linggong ito at nalaman ang paglipat ng mga Banal sa Kirtland at ang batas na inihayag ng Panginoon sa kanila roon. Bukod pa sa ibang mga bagay, inasahan ng Panginoon na magkakaisa ang mga Banal kapag sila ay nagmahalan at naglingkod sa isa’t isa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:30–31, 38–39, 45; 44:6). Anong mga karanasan ang maaari mong ibahagi na magpapadama sa iyong korum o klase ng kahalagahan ng paglilingkod na katulad ni Cristo?
Para matulungan kang maghandang magturo tungkol sa paglilingkod na katulad ni Cristo, maaari mong rebyuhin ang “Paglilingkod” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ([2011], 32–33) at ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Ikalawang Dakilang Utos” (Liahona, Nob 2019, 96–100).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa paglilingkod na katulad ni Cristo, maaari mong isulat sa pisara ang “Mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig” (Doktrina at mga Tipan 42:45). Anyayahan ang iyong korum o klase na basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:30–31, 38–39, 45; 44:6 at ilista ang mga paraan na nais ng Panginoon na paglingkuran ng mga Banal ang isa’t isa. Ano ang mga pagkakataon natin, kapwa sa loob at labas ng ating tahanan, na paglingkuran ang mga taong may pisikal, emosyonal, o espirituwal na pangangailangan? Pumili mula sa mga ideya sa ibaba para mahikayat ang iyong korum o klase na maglingkod sa iba na katulad ni Cristo.
-
Para matulungan ang mga miyembro ng korum o klase na matuto mula sa halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas, maaari mong atasan ang bawat tao na magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan tungkol sa paglilingkod ng Tagapagligtas sa isang tao (tingnan sa “Suportang Resources”). Bawat tao ay maaaring ibuod ang talata sa banal na kasulatan at ipaliwanag kung ano ang ginawa ng Tagapagligtas para paglingkuran ang iba. Ano ang itinuturo ng mga halimbawang ito tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng maglingkod na katulad ng ginawa ng Tagapagligtas? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paglilingkod sa paraan ng Tagapagligtas at ng iba pang mga paraan ng paglilingkod? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng korum at klase ng mga karanasan kung kailan nagsikap silang maglingkod na katulad ng ginawa ng Tagapagligtas o napaglingkuran sila ng ibang tao sa ganito ring paraan.
-
Maaaring makatulong sa iyong korum o klase na rebyuhin ang naituro ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta tungkol sa paglilingkod. Narito ang ilang talata na maaari nilang basahin nang sabay-sabay: Mateo 25:31–46; Lucas 10:25–37; Juan 13:34–35; Santiago 1:27; Mosias 2:17; 18:8–10. Hikayatin silang isulat ang natututuhan nila tungkol sa paglilingkod sa iba at ibahagi ang mga ideya at karanasang nauugnay sa natutuhan nila. Pagkatapos ay maaari silang magplano ng mga paraan upang makapaglingkod na katulad ni Cristo. (Maaari silang makakuha ng mga ideya mula sa panonood ng isa o higit pang video sa “Suportang Resources” o sa pagbisita sa JustServe.org.)
-
Para matulungan ang mga miyembro ng korum o klase sa kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa iba, isiping sama-samang rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Bonnie H. Cordon na “Pagiging Isang Pastol” (Liahona, Nob. 2018, 74–76). Maaari kang magsimula sa pagpapakita ng ilang larawan ng Tagapagligtas na naglilingkod (nagpakita ng ilan si Pangulong Cordon nang ibigay niya ang kanyang mensahe). Ano ang itinuturo ng mga larawang ito kung paano tayo makapaglilingkod sa mga paraang katulad ni Cristo? Pagkatapos ay isiping anyayahan ang mga miyembro ng korum o klase na basahin nang magkakapares ang isa sa mga bahagi ng mensahe at ibahagi ang natutuhan nila kung paano maglingkod na katulad ng Tagapagligtas. Maaari din nilang ibahagi ang kanilang natututuhan tungkol sa paglilingkod na katulad ni Cristo kapag naglilingkod sila sa iba.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Mateo 14:13–21; Juan 9:1–11; 13:4–5, 12–17; 1 Nephi 11:31; 3 Nephi 17:5–10 (Mga halimbawa ng paglilingkod ni Jesucristo sa iba)
-
Joy D. Jones, “Para sa Kanya,” Liahona, Nob. 2018, 50–52
-
“If We Forget Ourselves,” “Teachings of Thomas S. Monson: Rescuing Those in Need,” “Youth in Action,” “Opportunities to Do Good” (mga video), ChurchofJesusChrist.org