“Mayo 9. Paano Ako Mapagpapala ng Espiritu Santo sa Bawat Araw? Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021 (2020)
“Mayo 9. Paano Ako Mapagpapala ng Espiritu Santo sa Bawat Araw?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2021
Mayo 9
Paano Ako Mapagpapala ng Espiritu Santo sa Bawat Araw?
Sama-samang Magpayuhan
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood o ang Tema ng Young Women. Pagkatapos ay mamuno sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na tulad ng mga sumusunod, at magplano ng mga paraan upang kumilos ayon sa tinatalakay ninyo (maaari kayong magpasiya sa isang presidency meeting kung aling mga bagay ang tatalakayin):
-
Ang ating korum o klase. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga panalangin? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? Sino ang dapat nating anyayahan sa isang paparating na aktibidad?
-
Ang ating mga tungkulin o responsibilidad. Anong mga tungkulin na ang nagampanan natin? Anong mga tungkulin ang kailangan nating gawin? Paano natin naanyayahan ang iba na lumapit kay Cristo, at paano natin maaanyayahan ang iba ngayon?
-
Ang ating buhay. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo? Ano ang nangyayari sa ating buhay, at paano natin masusuportahan ang isa’t isa?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Paalalahanan ang mga miyembro ng korum o klase tungkol sa mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Maraming naunang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ang nakabasa tungkol sa mga espirituwal na paghahayag ng Espiritu Santo sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mga Gawa 2:1–4; 13:52; I Mga Taga Corinto 12:4–11; 3 Nephi 19). Dahil pinag-aralan ng mga miyembro ng korum o klase ang Doktrina at mga Tipan 46–48 sa linggong ito, maaaring nalaman na nila na ang Panginoon ay nasabik na turuan ang mga Banal na ito tungkol sa mga pagpapalang maaaring ihatid ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo kung paano ka pinagpapala ng Espiritu Santo? Paano matutulungan ng Espiritu Santo ang mga tinuturuan mo sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay?
Para matulungan kang maghandang hikayatin ang iyong korum o klase na hangarin ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaari mong rebyuhin ang “Mga Tungkulin ng Espiritu Santo” sa Tapat sa Pananampalataya ([2004], 26–27) at ang mensahe ni Elder Gary E. Stevenson na “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?” (Liahona, Mayo 2017, 117–20).
Magkakasamang Matuto
Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng maraming halimbawa ng mga espirituwal na kaloob. Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng iyong korum o klase na magkaroon ng pananampalataya na makikita ang mga kaloob na ito sa ating buhay ngayon? Maaari kang magsimula sa pag-anyaya sa kanila na isulat sa pisara ang isang espirituwal na kaloob na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 46:7–33 at talakayin kung paano nila ito nakita sa kanilang buhay o sa buhay ng isang kakilala nila.
Bukod pa sa mga kaloob ng Espiritu, pinagpapala tayo ng Espiritu Santo sa iba pang mga paraan. Maaari mong gamitin ang isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa ibaba upang mas maipaunawa ito sa mga miyembro ng korum o klase.
-
Kung minsan iniisip natin na kailangan natin ang Espiritu Santo para lamang sa mahahalagang desisyon o pangyayari sa ating buhay. Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na mapansin kung ano pa ang magagawa ng Espiritu Santo para sa kanila? Maaari mong hatiin ang korum o klase sa maliliit na grupo at hilingin sa bawat grupo na basahin ang isa o mahigit pa sa mga talata sa banal na kasulatan mula sa “Suportang Resources.” Maaaring ibahagi ng isang tao mula sa bawat grupo ang natutuhan nila. Pagkatapos ay anyayahan ang bawat miyembro ng korum o klase na gumawa ng listahan ng mga paraan na mapagpapala ng Espiritu Santo ang kanilang pang-araw-araw na buhay. Habang ibinabahagi nila ang kanilang listahan, maaari nilang pag-usapan kung ano ang magagawa nila para mapasakanila ang Espiritu Santo sa bawat araw.
-
Ang isa pang paraan upang maipaunawa sa iyong mga tinuturuan kung paano sila matutulungan ng Espiritu Santo ay sa pagsulat ng sumusunod na mga tanong sa pisara: Ano ang alam natin tungkol sa Espiritu Santo? Paano tayo matutulungan ng Espiritu Santo? Pagkatapos ay maaaring hanapin ng mga miyembro ng korum o klase ang mga sagot sa mensahe ni Elder Gary E. Stevenson “Paano Kayo Tinutulungan ng Espiritu Santo?” (Liahona, Nob. 2017, 117–20). Maaari din nilang mahanap ang mga sagot sa pagrebyu sa “Mga Tungkulin ng Espiritu Santo” sa Tapat sa Pananampalataya (mga pahina 26–27). Kung angkop, magbahagi ng naging mga karanasan mo sa Espiritu Santo, at anyayahan ang mga kabataan na magbahagi ng naging mga karanasan nila.
-
Maaaring basahin ng mga miyembro ng korum o klase ang “Personal na Paghahayag” o “Matutuhang Makilala ang mga Panghihikayat ng Espiritu” sa kabanata 4 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo ([2019], 90–100, 107–8). Pagkatapos ay maaari silang magkunwaring mga missionary na nagtuturo sa isang tao na hindi pa nakarinig kung paano mapagpapala ng Espiritu Santo ang ating buhay. Ano ang sasabihin nila sa kanila?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng korum o klase na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Paano nauugnay ang lesson ngayon sa mga personal na mithiing kanilang nagawa? Kung gusto nila, maaaring ibahagi ng mga miyembro ng korum o klase ang kanilang mga ideya.
Suportang Resources
-
Juan 14:16–27 (Ang Mang-aaliw ay maaari tayong turuan at ipaalala sa atin ang lahat ng bagay)
-
Juan 15:26; Doktrina at mga Tipan 42:17; Moises 1:24 (Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa Anak)
-
Mga Taga Roma 8:16 (Ang Espiritu ay nagpapatotoo na tayo ay mga anak ng Diyos)
-
2 Nephi 32:5; Doktrina at mga Tipan 18:18 (Ipakikita sa atin ng Espiritu Santo kung ano ang dapat nating gawin)
-
3 Nephi 27:20 (Pinababanal tayo ng Espiritu Santo)
-
Moroni 8:26 (Pinupuspos tayo ng Espiritu Santo ng pag-asa at pagmamahal)
-
Moroni 10:5 (Itinuturo sa atin ng Espiritu Santo ang katotohanan)