Lumang Tipan 2022
Enero 23. Paano Ako Matutulungan ng Panginoon na Maglingkod nang Mas Tapat? Genesis 5; Moises 6


“Enero 23. Paano Ako Matutulungan ng Panginoon na Maglingkod nang Mas Tapat? Genesis 5; Moises 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Enero 23. Paano Ako Matutulungan ng Panginoon na Maglingkod nang Mas Tapat?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
si Jesucristo at ang mga taong naglalakad

Enero 23

Paano Ako Matutulungan ng Panginoon na Maglingkod nang Mas Tapat?

Genesis 5; Moises 6

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang nakapagpalakas sa ating patotoo?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga dalangin? Ano ang naiisip nating gawin para tulungan sila?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano tayo maging isang liwanag sa mga kapamilya o kaibigan na ang mga pinaniniwalaan ay hindi kapareho ng sa atin?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Paano tayo maaaring magpakita ng higit na pagmamahal at suporta para sa ating pamilya at gumawa ng magandang kaibhan sa ating mga tahanan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang mga sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Nang matanggap ni Enoc ang kanyang tawag na maglingkod sa Panginoon, nakadama siya ng lubos na kakulangan (tingnan sa Moises 6:31). Ngunit hindi lamang isinugo ng Panginoon si Enoc para gawin ang Kanyang gawain; nangako Siya kay Enoc na poprotektahan at tutulungan Niya siya (tingnan sa Moises 6:32–34).

Marahil ay makakaugnay ka sa damdamin ng kakulangan ni Enoc sa sarili mong mga pagsisikap na maglingkod. Ang ilan sa ating paglilingkod ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga calling sa Simbahan. Sa ibang mga pagkakataon, nakikita lang natin ang isang pangangailangan at hinihikayat tayo ng Espiritu na ipakita ang ating pagmamahal at suporta. Paano man dumarating ang oportunidad, maaari tayong maging matapang, tulad ni Enoc, batid na tutulungan tayo ng Panginoon kapag tinanggap natin ang Kanyang paanyaya na “lumakad na kasama ko” (Moises 6:34).

Habang naghahanda kang magturo tungkol sa tulong na matatanggap natin mula sa Panginoon habang naglilingkod tayo sa iba, rebyuhin ang Moises 6 at isipin ang mga karanasan mo sa paglilingkod sa iba. Paano ka tinulungan ng Panginoon sa iyong mga pagsisikap? Ano ang inaasahan mong matututuhan ng mga miyembro ng inyong klase o korum mula sa mga halimbawa ni Enoc at ng iba? Maaari mo ring basahin ang isa sa mga mensaheng ito ni Pangulong Henry B. Eyring: “Lumakad na Kasama Ko” (Liahona, Mayo 2017, 82–85) o “Pakikipagtipan sa Kababaihan sa Pakikipagtulungan sa Diyos” (Liahona, Nob. 2019, 70–73).

Larawan
mag-ina sa kusina

Masusundan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas kapag naglilingkod tayo bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.

Magkakasamang Matuto

Ang paglilingkod sa iba ay nagbibigay ng pagkakataon sa atin na “lumakad na kasama [ng Diyos],” at tatanggap tayo ng Kanyang tulong habang naglilingkod tayo (Moises 6:34). Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na simulang talakayin ito, maaari mong hilingin sa kanila na saliksikin ang Moises 6:32–39 para sa mga paraan na nakasama ni Enoc ang Panginoon sa kanyang paglilingkod. Paano tayo tinutulungan ng Panginoon kapag naglilingkod tayo sa Kanya? Matutulungan ka ng sumusunod na mga ideya na pamunuan ang isang talakayan tungkol sa banal na tulong na matatanggap natin habang naglilingkod tayo sa iba.

  • Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga turo tungkol sa paglilingkod (tingnan, halimbawa, sa Mateo 25:31–40; Lucas 10:25–37; Mosias 2:17). Isiping anyayahan ang mga tinuturuan mo na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na naghihikayat sa kanila na maglingkod sa iba. Maaari mong hilingin nang maaga sa kanila na dumating na handang magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa paglilingkod o mga halimbawa ng paglilingkod. Kung kailangan nila ng tulong, hikayatin silang tumingin sa ilalim ng “Paglilingkod” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang nahihikayat tayong gawin dahil sa nababasa natin?

  • Pinaglingkuran ng Tagapagligtas ang iba sa Kanyang buong ministeryo. Ano ang natututuhan natin mula sa Kanyang halimbawa na makatutulong sa atin habang naglilingkod tayo? Para masagot ang tanong na ito, maaaring basahin ng bawat miyembro ng klase o korum ang isa sa sumusunod na mga talata, na naghahanap ng isang bagay na nagtuturo tungkol sa halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas: Mateo 14:13–21; Juan 9:1–11, 35–38; 13:4–5, 12–17; 3 Nephi 17:5–9. Anyayahan ang lahat na magbahagi ng isang bagay na natuklasan nila. Bigyan ng oras ang lahat na mag-isip ng isang taong mapaglilingkuran nila at kung paano nila tutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa kanilang paglilingkod.

  • Kung minsa’y iniisip natin na ang ibig sabihin ng paglilingkod ay paggawa ng isang bagay na malaki at pag-uukulan ng maraming oras. Maaaring isang dahilan iyan kaya hindi naglilingkod ang ilan sa atin sa abot-kaya natin. Maaari mong ituro na naglingkod nang madalas ang Tagapagligtas sa mga taong napansin Niya sa Kanyang araw-araw na buhay (tingnan, halimbawa, sa Mateo 12:9–13; Marcos 5:21–34; Lucas 19:1–10; Juan 4:3–26). Tulungan ang mga miyembro ng klase o korum na mag-isip ng mga simpleng paraan na makapaglilingkod sila sa iba sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hilingin sa mga kabataan na ibahagi ang kanilang mga iniisip. Anong maliliit na paglilingkod ang nakita nating ginagawa ng iba? Ano ang nahihikayat tayong gawin? Anyayahan ang bawat tao na sumulat ng mga paraan para makumpleto ang sumusunod na mga pahayag: “Mapaglilingkuran ko ang iba sa pamamagitan ng …” at “Hihingi ako ng tulong sa Panginoon sa aking mga pagsisikap na maglingkod sa pamamagitan ng …” Pagkatapos ay hilingin sa ilan na ibahagi ang isinulat nila.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Bukod sa pagtulong sa mga mag-aaral na madama at makilala ang Espiritu, tulungan silang kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016], 10).

Print