“Abril 23. Paano Ako Magpapakita ng Higit na Pagmamahal sa mga Taong Nasa Paligid Ko? Mateo 18; Lucas 10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Abril 23. Paano Ako Magpapakita ng Higit na Pagmamahal sa mga Taong Nasa Paligid Ko?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Abril 23
Paano Ako Magpapakita ng Higit na Pagmamahal sa mga Taong Nasa Paligid Ko?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang mas naglapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Mayroon bang isang taong lumipat sa ating ward o sumapi sa Simbahan kamakailan? Paano natin maipadarama na tanggap natin sila?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Anong mga paparating na aktibidad na maaanyayahan natin ang ating mga kaibigan na dumalo?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Anong mga pagsisikap ang magagawa natin para maitala ang ating personal na kasaysayan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Matapos ituro ni Jesus sa isang “dalubhasa sa kautusan” ang kahalagahan ng dalawang dakilang utos—ibigin ang Diyos at ang ating kapwa—itinanong ng dalubhasa sa kautusan, “Sino ang aking kapwa?” (tingnan sa Lucas 10:25–29; Mateo 22:35–40). Bilang tugon, nagbahagi ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa isang Samaritano na itinaya ang buhay para gamutin ang sugatang lalaking Judio, dinala ang lalaki sa isang bahay-panuluyan upang alagaan, at binayaran ang halaga ng kanyang paggaling. Ang Samaritano ay hindi nagtuon sa mga pagkakaiba niya sa lalaki, na itinuring na kaaway ng kanyang mga tao, o hinusgahan ito o naghanap ng mga dahilan para hindi tumulong. Pinaglingkuran niya ang lalaking nangangailangan, kahit maabala at magsakripisyo siya, sa gayon ay nagpapakita siya ng pagmamahal sa tao at sa Diyos. Habang pinagninilayan mo ang mga turo ng Tagapagligtas sa Lucas 10:25–37, isipin kung ano ang tunay na kahulugan ng “ibigin … ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (talata 27).
Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na maunawaan na kapag pinaglilingkuran nila ang mga nasa paligid nila, ipinapakita nila ang kanilang pagmamahal sa Diyos? Ano ang maaaring maghikayat sa kanila para mahalin at paglingkuran ang kanilang kapwa? Sa iyong paghahanda, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan” (Liahona, Nob. 2019, 96–100).
Magkakasamang Matuto
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa pagpapakita ng higit na pagmamahal sa mga nasa paligid natin, maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pagmamahal sa kapwa mula sa talinghaga ng mabuting Samaritano, na matatagpuan sa Lucas 10:25–37. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kaugnayan ng una at pangalawang dakilang utos mula sa Lucas 10:27 at sa pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Suportang Resources”? Ang sumusunod na mga ideya ay makatutulong sa iyo na magpatuloy sa talakayan tungkol sa pagpapakita ng higit na pagmamahal sa mga nasa paligid natin.
-
Si Jesucristo ang ating dakilang huwaran ng pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa, at ang mga miyembro ng klase o korum ay mabibigyang-inspirasyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang halimbawa. Anyayahan ang bawat tao na pagnilayan ang mortal na buhay ni Jesucristo at pumili ng isang karanasan mula sa Kanyang buhay na nagpapakita ng Kanyang malaking pagmamahal sa ibang tao. Sabihin sa bawat tao na ibahagi ang karanasang pinili niya, pati na ang dahilan kung bakit ito makabuluhan sa kanya. Sabihin sa mga tinuturuan mo na mag-isip ng isang paraan na gusto nila para matularan ang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas. Maaari din nilang ibahagi ang kanilang mga ideya tungkol sa isang taong kilala nila na tinutularan ang halimbawang ito.
-
Ibahagi at talakayin sa mga miyembro ng klase o korum ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na matatagpuan sa “Suportang Resources.” Maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na rebyuhin ang isa o mahigit pa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na binanggit sa outline na ito, at hanapin ang mga turo na gagabay sa atin sa ating mga pagsisikap na mahalin ang ating kapwa. Maaari nilang pagtuunan ang sumusunod: mga halimbawa kung paano tayo maglilingkod mula sa “Ang Ikalawang Dakilang Kautusan” ni Pangulong Nelson; mga bahagi I, II, at VI sa mensahe ni Pangulong Oaks na “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba”; at ang kuwento tungkol sa mga kuneho at ang mga payo sa mga kabataan mula sa “Mga Pusong Magkakasama” ni Elder Gary E. Stevenson. Maaari din ninyong sama-samang basahin ang Mosias 2:17 at Moroni 7:45–48. Maaaring makatulong na isulat sa pisara ang mga turong tinalakay ng mga kabataan. Pagkatapos ay maaaring magsanggunian ang klase o korum tungkol sa mga partikular na paraan na mas magagamit nila ang mga turong ito sa kanilang mga kapamilya, mga kaibigan, at sa kanilang komunidad, kahit tila mahirap mahalin ang mga tao.
-
Ang mga pagsisikap ng mga miyembro ng klase o korum sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ay magiging mas makabuluhan at masaya kapag pagmamahal ang naghihikayat sa kanila. Upang matulungan silang makita kung paanong pagmamahal ang dahilan para sa bawat aspekto ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 1.2), isulat ang apat na aspekto sa pisara. Pagkatapos ay ipatalakay sa mga kabataan kung paano mababago ng pagkakaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa kapwa ang pakikibahagi nila sa bawat aspekto. Maaaring may mga karanasan sila mula sa sarili nilang buhay o sa buhay ng iba na maibabahagi nila.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Liahona, Nob. 2014, 25–28
-
Gary E. Stevenson, “Mga Pusong Magkakasama,” Liahona, Mayo 2021, 19–23
-
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagsusumigasig nating sundin ang pangalawang utos na ito ay hindi dapat maging dahilan para malimutan ang una, ang mahalin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at isipan. … Dapat nating pagsikapang sundin ang dalawang dakilang utos. Para magawa ito, kailangan nating mabalanse ang batas at pagmamahal—sumusunod sa mga kautusan at tumatahak sa landas ng tipan, habang minamahal ang ating kapwa. Kailangan sa pagtahak na ito sa tipan ang paghingi natin ng banal na inspirasyon para malaman kung ano ang susuportahan at ano ang sasalungatin at paano magmamahal at makikinig nang may paggalang at makapagturo habang ginagawa ito. Kailangan sa pagtahak natin ang hindi pagkompromiso sa mga utos kundi ang pagpapakita ng buong pang-unawa at pagmamahal” (“Dalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 73–75).
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang mga Banal sa mga Huling Araw … [ay] tunay na [nagsisikap] na ipamuhay ang una at ikalawang dakilang mga kautusan. Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba sa isang maganda at banal na siklo. … Ang pagbibigay ng tulong sa iba—ang matapat na pagsisikap na pangalagaan ang iba tulad ng o higit pa sa pangangalaga natin sa ating sarili—ang ating kagalakan. Lalo na, kung maaari kong idagdag, kapag ito ay hindi [madali] at kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa. Ang pamumuhay [nang ayon sa] ikalawang dakilang kautusang iyon ang susi para maging tunay na disipulo ni Jesucristo” (“Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 97, 100).