Bagong Tipan 2023
Mayo 14. Paano Tinutulungan ng Panginoon ang Kalalakihan at Kababaihan na Gumawa nang Nagkakaisa Bilang Mag-asawa? Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18


“Mayo 14. Paano Tinutulungan ng Panginoon ang Kalalakihan at Kababaihan na Gumawa nang Nagkakaisa Bilang Mag-asawa? Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Mayo 14. Paano Tinutulungan ng Panginoon ang Kalalakihan at Kababaihan na Gumawa nang Nagkakaisa Bilang Mag-asawa?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

Larawan
mag-asawa sa labas ng templo

Mayo 14

Paano Tinutulungan ng Panginoon ang Kalalakihan at Kababaihan na Gumawa nang Nagkakaisa Bilang Mag-asawa?

Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.

  • Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano makatutulong sa atin ang pagbaling sa Panginoon upang makayanan ang mga hamon at pagsubok?

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang kilala natin na nangangailangan ng ating mga dalangin at pakikipagkaibigan?

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Anong mga plano sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang tinalakay na sa mga ward youth council meeting? Paano makikibahagi ang ating klase o korum?

  • Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano mapapatatag ng paggawa ng gawain sa family history ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Larawan
icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Simula kay Adan at Eva, ninais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na palakasin at pag-isahin ang mga mag-asawa. Itinuro ng Tagapagligtas, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?” (Mateo 19:5). Kasabay nito, ginagawa ni Satanas ang lahat ng kanyang makakaya para masira ang pagsasama ng mag-asawa at mawasak ang mga pamilya. Malamang na alam ng mga miyembro ng iyong klase o korum ang maraming hamon na kinakaharap ng mga mag-asawa ngayon. Marahil ay nakakita na rin sila ng mga mag-asawa na nagtutulungan at humihingi ng tulong sa langit para magkaisa. Pag-isipan kung paano maaaring makapagturo sa kanila ang mga karanasang ito tungkol sa mga kinakailangang gawin para magkaisa ang mag-asawa. Ano ang maaari mong gawin para maituro sa kanila ang kahalagahan ng paghahanda ngayon para sa pag-aasawa sa hinaharap?

Noong nakaraang linggo, nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase o korum na basahin ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa kasal sa Mateo 19:4–6. Para makapaghandang magturo, pag-aralan ang mga banal na kasulatang ito, pati ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas” (Liahona, Mayo 2016, 77–80) o ibang mga mensahe na iminumungkahi sa outline na ito.

Magkakasamang Matuto

Ang kasal o pag-aasawa ay maaaring wala pa sa isipan ng maraming kabataan. Gayunman, ang isang bagay na napakahalaga ay nararapat na paghandaang mabuti. Marahil ay maaari mong anyayahan ang mga kabataan na isipin na kunwari ay nakaluhod sila sa altar sa templo upang mabuklod at pinayuhan sila ng nagbubuklod na pag-aralan ang Mateo 19:4–6. Anong mga katotohanan ang makikita natin sa mga talatang ito na makatutulong sa isang bagong kasal na mag-asawa? Paano nagiging “isa” ang mag-asawa? Paano tumutulong ang Tagapagligtas? Ang mga aktibidad na tulad nito ay makatutulong sa iyong klase o korum na maunawaan kung paano matatamo ang pagkakaisa sa pagsasama ng mag-asawa.

  • Sina Adan at Eva ay nagbigay ng magandang halimbawa ng mag-asawa na nagtutulungan nang may pagkakaisa. Maaari kang magdispley ng larawan nila (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 5) at sabihin sa iyong klase o korum na basahin ang Moises 5:1–12, at hanapin kung paano nagtulungan nang may pagkakaisa sina Adan at Eva. Ano ang ginawa nila upang mapagpala ng Diyos ang kanilang pagsasama? Para matulungan ang mga kabataan na malaman ang iba pa tungkol sa pagkakaisa sa pagsasama ng mag-asawa, maaari nilang pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources.”

  • Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na sa maraming lipunan ngayon, “lahat ng bagay ay parang puwedeng itapon.” Ngunit ang ugaling ito ay hindi dapat gamitin sa mag-asawa at pamilya; sa halip, dapat nating “ilaan ang pinakamatitindi nating pagsisikap sa pagliligtas at [pagpapatatag sa kanila]” (“Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” 77). Para mailarawan ang puntong ito, maaari mong sabihin sa mga kabataan na mag-isip ng isang bagay na nabasag, nasira, o hindi na uso na pinalitan nila kamakailan. Bakit naiiba ang pagsasama ng mag-asawa sa mga bagay na napapalitan tulad nito? Pagkatapos ay maaaring basahin ng klase o korum ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf na may pamagat na “Pagliligtas sa Ating mga Pagsasama Bilang Mag-asawa” at ibahagi ang mga paraan kung paano magtutulungan ang mag-asawa at magtutulungan na kasama ang Tagapagligtas upang mapatatag ang kanilang pagsasama. Ano ang maaari nating gawin ngayon upang makapaghanda para sa matibay at nagkakaisang pagsasama ng mag-asawa?

  • Maaari mong isulat sa pisara ang Pagkakaisa ng Mag-asawa at magpalista sa mga kabataan ng mga bagay na magagawa ng mag-asawa para magkaisa. Pagkatapos ay sabihin sa mga kabataan na saliksikin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (SimbahanniJesucristo.org) para sa mga ideya na maidaragdag nila sa kanilang listahan. Anong mga katangian ang nakikita ng mga miyembro ng iyong klase o korum sa isa’t isa o sa mga mag-asawang kilala nila na mahalaga sa pagkakaisa ng mag-asawa? Bakit mahalagang pag-ibayuhin at ipamuhay ang mga alituntuning ito sa ating mga ugnayan ngayon?

  • Kung ang mga miyembro ng iyong klase o korum ay may mga tanong o alalahanin tungkol sa diborsyo, magkakasamang rebyuhin ang mga bahagi ng mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Diborsyo” (Liahona, Mayo 2007, 70–73).

Larawan
mag-asawang magkayakap

Simula kay Adan at Eva, ninais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na palakasin at pag-isahin ang mga mag-asawa.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang mga taos-pusong pagpapahayag ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo ay may malaking kapangyarihang palambutin ang puso ng mga miyembro ng klase na nahihirapan sa ebanghelyo. Upang matulungan ang mga miyembro ng klase na madama na kailangan at minamahal sila, maaari mong hilingin sa kanila na makibahagi sa darating na lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan o nadarama nila sa isang banal na kasulatan.

Print