“Abril 9. Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo? Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Abril 9. Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Abril 9
Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?
Pasko ng Pagkabuhay
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos, bukod sa pagsasanggunian tungkol sa partikular na mga gawain sa klase o korum, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.
-
Anong mga tema o mensahe ang tila pinakamahalaga sa atin? Ano ang nagpalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo?
-
Ano ang nagpalakas sa ating patotoo tungkol sa mga buhay na propeta? Ano ang nais nating gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?
-
Ano ang kailangan nating gawin bilang isang klase o korum upang maalala at masunod ang payong narinig natin sa pangkalahatang kumperensya?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Ang mga Apostol kapwa noon at ngayon ay nagpapatotoo na si Jesucristo ay buhay! Siya ay nagdusa at namatay sa krus, Siya ay inilibing sa isang libingan, at sa ikatlong araw ay muli Siyang nagbangon. Dahil nagtagumpay Siya laban sa kamatayan, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli. Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay naghatid ng pangako na kawalang-kamatayan at pag-asa sa buhay na walang hanggan. Ang pangakong ito ang sentro ng Pasko ng Pagkabuhay.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may espesyal tayong dahilan para maniwala na nabuhay na mag-uli si Jesucristo. Bukod pa sa mga taong nakasaksi mula sa panahon ng Bagong Tipan, mayroon tayong patotoo ng mga taong nabuhay noong panahon ng Aklat ni Mormon, si Propetang Joseph Smith, at ang ating mga buhay na propeta at apostol. Maaari din tayong tumanggap ng personal na patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Paano mo matutulungan ang mga kabataan na palakasin ang kanilang patotoo na si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli? Habang naghahanda ka, pag-aralan ang mensahe ni Sister Reyna I. Aburto na “Hindi Nagtagumpay ang Libingan” (Liahona, Mayo 2021, 85–86) at ang mensahe ni Elder S. Mark Palmer na “Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan” (Liahona, Mayo 2021, 88–89).
Magkakasamang Matuto
Maaari kang magsimula ng talakayan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga kabataan na ibahagi ang ginawa nila sa linggong ito upang ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Maaari mong itanong sa kanila kung ano ang napag-aralan o nagawa nila nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya upang mapalakas ang kanilang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Nasa ibaba ang mga aktibidad na tutulong sa mga miyembro ng iyong klase o korum para mapalakas ang kanilang patotoo.
-
Sama-samang talakayin kung bakit mahalaga ang mga saksi sa araw-araw na buhay. Pagkatapos ay gumawa ng listahan ng maraming saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus na maiisip ng iyong klase o korum. Pagkatapos ay maaaring pumili ang bawat tao ng isang talata mula sa mga nakalista sa “Suportang Resources” para malaman ang tungkol sa ilan sa mga saksing ito. Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na ibahagi ang nalaman nila. Hikayatin din silang ibahagi kung paano pinalalakas ng mga saksing ito ang kanilang patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.
-
Ano ang ilang sitwasyon na maaari nating ibahagi ang ating patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas? Kung may sinuman sa klase o korum na nagkaroon ng karanasan sa pakikipag-usap sa isang tao tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, maaari mo siyang anyayahang ibahagi ang karanasang iyon. Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na isipin kung paano nila tutulungan ang isang tao na maunawaan ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at magkaroon ng patotoo na dahil sa Kanya tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli. Ano ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng lahat ng tao na mahalagang ituro sa iba? Maaaring makahanap ang mga miyembro ng klase o korum ng mga sagot sa mga banal na kasulatan sa “Suportang Resources.”
-
Nang sabihin ng mga Apostol kay Tomas na nakita nila ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, sinabi ni Tomas na hindi siya maniniwala maliban kung makita niya ito mismo. Kalaunan ay sinabi ni Jesus kay Tomas, “Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya.” Magkakasamang rebyuhin ang karanasan ni Tomas na matatagpuan sa Juan 20:24–29. Paano tayo napagpala dahil nananampalataya tayo sa Tagapagligtas kahit hindi natin Siya nakikita? Paano natin mapalalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo? Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na saliksikin ang isa o mahigit pang mga mensahe mula sa “Suportang Resources” at ibahagi kung bakit nagpapasalamat sila sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Paano nakakaapekto ang ating kaalaman na tayo ay mabubuhay na mag-uli sa pananaw natin tungkol sa ating katawan at sa mga desisyong ginagawa natin?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Mateo 28:1–10; Lucas 24:13–35; Lucas 24:36–48; Juan 20:11–29; 1 Corinto 15:3–8; 3 Nephi 11:1–15; Eter 12:38–39; Doktrina at mga Tipan 76:19–24 (Mga Saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli)
-
2 Nephi 9:10–15; Mosias 16:8–11; Alma 11:42–45; Alma 40:23–25; Doktrina at mga Tipan 93:33–34 (Mga banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng lahat ng tao)
-
D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2014, 111–14
-
Gerrit W. Gong, “Hosana at Aleluia—Ang Buhay na Jesucristo: Ang Sentro ng Pagpapanumbalik at Pasko ng Pagkabuhay,” Liahona, Mayo 2020, 52–55
-
Reyna I. Aburto, “Hindi Nagtagumpay ang Libingan,” Liahona, Mayo 2021, 85–86
-
S. Mark Palmer, “Ang Ating Kalungkutan ay Magiging Kagalakan,” Liahona, Mayo 2021, 88–89
-
Ang mga easter video ay matatagpuan sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/video/easter-videos?lang=tgl.