“Agosto 13. Paano Ako Matutulungan ni Jesucristo na Magbago? Roma 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Agosto 13. Paano Ako Matutulungan ni Jesucristo na Magbago?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Agosto 13
Paano Ako Matutulungan ni Jesucristo na Magbago?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano tayo nakatatagpo ng kagalakan sa pagsunod kay Jesucristo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino sa ating ward o komunidad ang nangangailangan ng ating tulong? Paano natin sila matutulungan?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin matutulungan ang isa’t isa na maghandang maglingkod bilang missionary?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapag-aambag sa mga pagsisikap ng ating ward na magawa ang gawain sa family history at sa templo?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbabago!” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 108). Katulad niyon, ipinaliwanag ni Apostol Pablo na kapag tayo ay bininyagan, tayo ay “makakalakad sa panibagong buhay” (Roma 6:4). Dahil kay Jesucristo, araw-araw—hindi lamang sa araw na bininyagan tayo—magkakaroon ng “panibagong buhay” o pagkakataong lalo pang lumayo sa kasalanan at mas lumapit sa Diyos. Ang ibig sabihin ng ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo ay magsisi at mas lumapit sa Diyos—sa tuwina, kung minsan ay unti-unti—batid na ang ating mga pagsisikap ay aakay sa atin tungo sa ganap na kagalakan.
Pag-isipan kung paano ka binabago ng Tagapagligtas at ang mga tinuturuan mo. Paano mo mas lubos na matatanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na baguhin ka? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Roma 1–6 at habang naghahanda kang magturo. Maaari mo ring rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay” (Liahona, Mayo 2019, 67–69) o ang mensahe ni Sister Becky Craven na “Panatilihin ang Pagbabago” (Liahona, Nob. 2020, 58–60).
Magkakasamang Matuto
Para sa ilan sa atin, ang “panibagong buhay” na ibinibigay ni Cristo (Roma 6:4) ay mahirap mahiwatigan dahil nangyayari ito nang unti-unti, samantalang para sa iba, mas mabilis na nangyayari ang pagbabagong ito. Maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na ibahagi kung ano ang ibig sabihin sa kanila ng “makakalakad sa panibagong buhay.” Ano ang ilang salita at parirala mula sa Roma 6 na naglalarawan sa ating buhay kapag nadarama natin ang impluwensya ng Tagapagligtas at kapag hindi natin nadarama ito? (Kung kailangan ng tulong ng mga kabataan, maaari silang tumingin sa mga talata 6, 11:22–23.) Ano pang ibang mga salita at parirala ang maiisip natin? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na magbago? Ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod ay maaaring humantong sa mas malalim na talakayan tungkol sa paksang ito.
-
Para matulungan ang klase o korum na mag-isip ng mga pagbabago na matutulungan sila ng Tagapagligtas, ipabasa sa kanila ang kahulugan sa ilalim ng “Magsisi, Pagsisisi” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (SimbahanniJesucristo.org). Maaari din nilang talakayin ang kahulugan ng pagsisisi na inilahad ni Pangulong Russell M. Nelson sa unang pitong talata ng kanyang mensahe na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay.” Anong mahahalagang katotohanan ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi mula sa mga kahulugang ito? Maaari mo ring bigyan ng oras ang klase o korum na pagnilayan ang listahan ni Pangulong Nelson tungkol sa mga bagay na iniuutos sa atin ni Jesus na baguhin (sa ikalimang talata ng kanyang mensahe). Hikayatin sila na isulat ang isang partikular na bagay na nadama nila na baguhin. Magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na tulungan tayong magsisi at magbago.
-
Sinabi ni Sister Becky Craven na ang mga kaibigan niya noong bata pa siya ay nagsabing, “Wala ka talagang ipinagbago!” Maaari mong ibahagi ang mga sinabi ni Sister Craven tungkol dito (tingnan sa “Panatilihin ang Pagbabago” 59–60). Sabihin sa mga miyembro ng klase o korum na isipin kunwari na sa loob ng lima o sampung taon, nakasalubong nila ang isang kaibigan noong kabataan nila. Anong mga pagbabago ang maaaring makita sa atin ng ating mga kaibigan? Sa paanong paraan inaasahan natin na nagbago tayo? Paano makatutulong ang pananampalataya kay Jesucristo sa pagbabago natin? (tingnan ang Mosias 5:2–5, 7; Alma 5:11–13; Eter 12:27, o ang “di-nagbabagong huwaran para sa pagbabago” na inilarawan ni Sister Craven sa apat na talata ng kanyang mensahe simula sa “Noong bata pa ako”). Maaari mong hilingin sa mga kabataan na magbahagi ng anumang karanasan nang tulungan sila ni Jesucristo na magbago.
-
Kung minsan maaaring iniisip natin na inaasahan tayong gumawa ng mga pagbabago o pag-unlad sa ating buhay nang mag-isa. Paano ito naiiba sa tunay na pagsisisi? Para matulungan ang iyong klase o korum na matalakay ang tanong na ito, maaari ninyong sama-samang rebyuhin ang mga pahayag sa “Suportang Resources.” Ano ang magagawa natin ngayon para hingin ang tulong at kapangyarihan ng Tagapagligtas upang maging permanente at masaya ang ating pagbabago? Maaaring magandang pagkakataon ito para mapag-isipan ng mga kabataan ang kanilang mga personal na mithiin sa pag-unlad. Paano natin maisasama ang Tagapagligtas sa ating mga mithiin?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Mababago natin ang ating pag-uugali. Ang mga ninanais natin ay maaaring mabago. Paano? Isa lamang ang paraan. Ang totoong pagbabago—permanenteng pagbabago—ay magmumula lamang sa nagpapagaling, naglilinis, nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mahal Niya kayo—bawat isa sa inyo! Tutulutan Niya kayong magkaroon ng karapatan sa Kanyang kapangyarihan kung susundin ninyo ang Kanyang mga utos, nang may buong sigasig, katapatan, at ganap” (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” 108).
-
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang kapangyarihan na dahilan para maging posible ang pagsisisi [ay] ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Ang tunay na pagsisisi ay kailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pananampalataya na kaya Niya tayong baguhin, pananampalataya na kaya Niya tayong patawarin, at pananampalataya na tutulungan Niya tayo na makaiwas sa iba pang pagkakamali. Ginagawang mabisa sa ating buhay ng ganitong uri ng pananampalataya ang Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag tayo ay … ‘tumatalikod’ [nagsisisi] nang may tulong ng Tagapagligtas, makadarama tayo ng pag-asa sa Kanyang mga pangako at kagalakan sa Kanyang pagpapatawad. Kung wala ang Manunubos, ang likas na pagkakaroon ng pag-asa at kagalakan ay nawawala at ang pagsisisi ay nagiging kahabag-habag na pagbabago na lamang ng ugali. Ngunit sa pagsampalataya sa Kanya, nagbabalik-loob tayo sa Kanyang kakayahan at kahandaang magpatawad ng kasalanan” (Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 122).