“Agosto 27. Paano Ko Maipapakita na Alam Ko na ang Aking Katawan ay Sagradong Kaloob mula sa Diyos? 1 Corinto 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Agosto 27. Paano Ko Maipapakita na Alam Ko na ang Aking Katawan ay Sagradong Kaloob mula sa Diyos?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Agosto 27
Paano Ko Maipapakita na Alam Ko na ang Aking Katawan ay Sagradong Kaloob mula sa Diyos?
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang mas naglapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Mayroon bang isang taong lumipat sa ating ward o sumapi sa Simbahan kamakailan? Paano natin maipadarama na tanggap natin sila?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Anong mga paparating na aktibidad na maaanyayahan natin ang ating mga kaibigan na dumalo?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Anong mga pagsisikap ang magagawa natin para maitala ang ating personal na kasaysayan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Sa mabuti o masamang bagay man, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tila kilalang-kilala sa hindi natin ginagawa. Marami sa mga “hindi” na iyon ang may kinalaman sa pagtrato natin sa ating pisikal na katawan. Ang dahilan sa bawat pagpiling iyon tungkol sa dapat gawin ay ang ilang walang hanggang katotohanan—na alam natin. Kapag ginagabayan ng mga walang hanggang katotohanan ang ating mga pagpili, ang mga pagpiling iyon ay nagiging mas madaling gawin, mas masaya, at mas nagpapatuloy. Ang mga walang hanggang katotohanan ay tumutulong din sa atin na ipaliwanag ang ating mga pagpili sa ating mga kaibigan. Marahil bukod pa sa pagiging kilala sa hindi natin ginagawa, maaari tayong mas makilala sa alam natin.
Isipin ang mga walang hanggang katotohanan na alam mo tungkol sa ating pisikal na katawan—kung bakit mayroon tayo nito, ang nadarama ng Diyos tungkol sa mga ito, at kung ano ang nais Niyang madama natin tungkol sa mga ito. Paano ka napagpala at naimpluwensyahan sa iyong mga pagpili ng mga katotohanang ito na nalaman mo? Paano mapagpapala ng kaalamang ito ang mga miyembro ng iyong klase o korum? Habang pinag-iisipan ito, basahin ang Genesis 1:27; 1 Corinto 6:19–20; at ang artikulo ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan” (Liahona, Ago. 2019, 50–55).
Magkakasamang Matuto
Sa pag-aaral ng mga miyembro ng iyong klase o korum ng mga banal na kasulatan sa linggong ito, maaaring nagkaroon sila ng mga ideya sa mga turo ni Pablo tungkol sa ating katawan sa 1 Corinto 6. Ang isang paraan para maanyayahan silang ibahagi ang mga ideyang iyon ay bigyan ang bawat isa sa kanila ng isang papel at sabihin sa kanila na sumulat ng kahit tatlong posibleng sagot sa tanong na “Paano naging katulad ng mga templo ang ating katawan?” Hikayatin sila na basahin ang 1 Corinto 6:19–20 habang iniisip nila ang tanong na ito. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Paano naiimpluwensyahan ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa ating katawan ang mga pagpiling ginagawa natin? Narito ang ilang karagdagang ideya sa aktibidad tungkol sa paksang ito; pumili sa mga ito, o ikaw mismo ang magplano.
-
Kung gusto mong magkaroon ng karagdagang talakayan tungkol sa paghahambing ni Pablo ng katawan sa templo, maaari kang magpakita ng mga larawan ng ilang iba’t ibang templo. Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase o korum ang mga pagkakaibang nakikita nila sa mga templong ito, pati na ang mga pagkakatulad ng mga ito. Maaari din nilang pag-usapan ang nadarama nila kapag nasa templo sila. Bakit espirituwal at sagradong lugar ang templo? Pagkatapos ay maaari mong hikayatin ang klase o korum na iugnay ang mga bagay na tinalakay nila tungkol sa mga templo sa ating katawan. Paano nauugnay ang mga turo tungkol sa mga templo sa Doktrina at mga Tipan 97:15–16; 109:8, 12 sa ating pisikal na katawan?
-
Ang mga miyembro ng iyong klase o korum ay malamang na mayroon—o magkakaroon—ng mga pagkakataong ipaliwanag kung bakit nila sinusunod ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pangangalaga sa kanilang katawan. Maaari mong itanong sa ilan sa kanila kung ano ang maaari nilang sabihin kung, halimbawa, may nagtanong sa kanila kung bakit hindi sila umiinom ng alak, tsaa, o kape o bakit hindi sila nagsusuot ng ilang partikular na uri ng damit. Ano ang ilang katotohanan mula sa ebanghelyo ni Jesucristo na nakakaapekto sa pagtrato natin sa ating katawan? Maaaring hanapin ng mga miyembro ng klase o korum ang ilan sa mga katotohanang ito sa ilalim ng “Suportang Resources.”
-
(Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan,” 50–55). Ano ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na madama natin tungkol sa ating katawan? Maaari mo ring talakayin ang mga paraan na tinatangka ni Satanas na hikayatin tayong maliitin o kamuhian ang ating katawan. Ano ang magagawa natin para mapaglabanan ang kanyang mga kasinungalingan at mga tukso? Anong mga katotohanan ang makatutulong sa atin? Ang ilan sa resources sa ilalim ng “Suportang Resources” ay maaaring makatulong.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Genesis 1:27; 1 Corinto 6:19–20; Alma 11:42–44; 40:23; Doktrina at mga Tipan 89; 130:22
-
“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” lalo na ang unang tatlong talata
-
“Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 73
-
Mga artikulo tungkol sa ating pisikal na katawan sa Agosto 2019 New Era o Liahona
-
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa pagbibigay sa atin ng katawan, tinutulutan tayo ng Diyos na umunlad patungo sa pagiging higit na katulad Niya. Nalalaman ito ni Satanas. … Kaya marami, kung hindi man lahat, sa mga tuksong inilagay niya sa ating daraanan ay naging mga dahilan para abusuhin natin ang ating katawan o ang katawan ng iba. … Ang inyong katawan ay ang personal na templo ninyo, na nilikha para panahanan ng inyong walang hanggang espiritu [tingnan sa 1 Corinto 3:16–17; 6:18–20]. Ang pangangalaga ninyo sa templong iyan ay mahalaga. [Ngayon,] itatanong ko sa inyo, … mas interesado ba kayong bihisan at pangalagaan ang inyong katawan para magustuhan ng mundo kaysa kalugdan kayo ng Diyos? Ang sagot ninyo ay nagbibigay ng direktang mensahe sa Kanya tungkol sa inyong nadarama hinggil sa Kanyang pambihirang kaloob sa inyo” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68).
-
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Yaong mga naniniwala na nagkataon lang at sanhi ng ebolusyon ang pagkalikha ng ating katawan ay hindi makadaramang may pananagutan sila sa Diyos o sa sinuman sa kahit anong gawin nila sa kanilang katawan. Gayunpaman, tayo na may patotoo tungkol sa mas malawak na katotohanan ng buhay bago tayo isinilang, ng mortal na buhay at kabilang buhay ay dapat kilalaning may tungkulin tayo sa Diyos dahil sa lubos na tagumpay ng Kanyang pisikal na paglikha. … Dahil ito ang katawan ng ating espiritu, napakahalagang pangalagaan natin ito sa abot ng ating makakaya. Dapat nating ilaan ang lakas at mga kakayahan nito upang makapaglingkod at maipalaganap ang gawain ni Cristo” (“Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Liahona, Nob. 2010, 17).