“Nobyembre 26. Paano Ko Matutulungan ang Aking mga Ninuno na Mas Mapalapit kay Jesucristo? 1 at 2 Pedro,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Nobyembre 26. Paano Ko Matutulungan ang Aking mga Ninuno na Mas Mapalapit kay Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Nobyembre 26
Paano Ko Matutulungan ang Aking mga Ninuno na Mas Mapalapit kay Jesucristo?
1 at 2 Pedro
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga paksa ang natalakay ng bishopric sa ating mga ward youth council meeting? Ano ang magagawa natin bilang isang klase o korum batay sa mga talakayang iyon?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Paano tayo makatutulong sa mga tao sa mga paraang katulad ng kay Cristo kapag nakakakita tayo ng nangangailangan at hindi natin alam kung ano ang sasabihin?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang natagpuan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo na nagdudulot ng kagalakan sa atin? Paano natin maibabahagi sa iba ang kagalakang iyon?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin para mahanap ang mga pangalan ng ating mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mahanap ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Ano ang nangyayari sa bilyun-bilyong tao na namatay nang walang tunay na pagkakataong marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo o tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa? Makikita natin ang mga pahiwatig na sagot sa 1 Pedro 3:18–20; 4:6, kung saan nagsalita si Pedro tungkol sa ebanghelyo na ipinangangaral sa mga patay. Pagkatapos inilahad sa Doktrina at mga Tipan 138 ang buong katotohanan—ang ating mga ninuno ay maaaring lubos na mapalapit kay Cristo kung sila ay may pananampalataya sa Kanya at tatanggapin ang Kanyang ebanghelyo at kung magsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa kanila sa templo. Ang pagpapalang ito ay nangangailangan na tayo—ang kanilang mga inapo na may ebanghelyo—ang maghanap ng kanilang mga pangalan, pumunta sa templo, at tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila.
Ano ang mga naranasan mo sa pagtulong sa iyong mga ninuno na mas mapalapit kay Cristo? Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na maging mas interesado tungkol sa gawain sa family history at sa templo at mas kumpiyansa sa kakayahan nilang magawa ito? Sa iyong paghahanda, maaari mong basahin ang mensahe ni Elder Dale G. Renlund’ na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling” (Liahona, Mayo 2018, 46–49).
Magkakasamang Matuto
Paano tutugon ang mga miyembro ng iyong klase o korum sa isang taong nagtataka kung paano maliligtas ang mabubuting tao na hindi nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo? Ano ang nalaman nila sa 1 Pedro 3:18–20; 4:6 para makatulong sa pagsagot sa tanong na ito? Maaari mong ipagpatuloy ang inyong talakayan sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na aktibidad.
-
Ang doktrina ng pagtubos sa mga patay ay natatangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Anyayahan ang mga miyembro ng klase o korum na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 138:25–39 bilang mga indibiduwal o grupo at ibahagi ang natutuhan nila (tingnan sa “Suportang Resources” para sa karagdagang mga banal na kasulatan tungkol sa paksang ito). Ano ang ipinahihiwatig ng mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa lahat ng Kanyang anak? Paano nakatutulong ang binyag para sa mga patay sa ating mga ninuno para mas mapalapit sila kay Cristo? Paano tayo nito natutulungan na mas mapalapit kay Cristo at mapalakas ang ating pananampalataya sa Kanya?
-
Ano ang maaaring makahikayat sa mga kabataan na mas makibahagi sa gawain sa templo at family history? Maaari din nilang tingnan ang mga ipinangakong pagpapala sa bulleted list sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling.” Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung alin sa mga pagpapala ang mahalaga sa kanila at kung bakit. Maaari mo ring talakayin ang ilan sa mga balakid na maaaring makahadlang sa atin sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history. Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang mga balakid na ito?
-
Kung ang mga miyembro ng iyong klase o korum ay may access sa mga digital device, maaari kang maglaan ng ilang oras para maipakita sa kanila kung paano ginawang mas madali ngayon ng Panginoon ang paghahanap ng mga ninuno na nangangailangan ng nakapagliligtas na mga ordenansa (tingnan sa “Suportang Resources”). Maaari mong anyayahan ang ward temple and family history consultant na tulungan ang mga kabataan na maunawaan ang resources na ito. Maaari mo ring hikayatin ang mga kabataan na gumawa ng mga plano na saliksikin ang resources na ito sa tahanan at ibahagi ang nalaman nila sa susunod na miting.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Malakias 4:5–6; Mateo 16:18–19; Juan 5:25; 1 Corinto 15:29; Doktrina at mga Tipan 137:7–9 (Ang doktrina ng pagtubos para sa mga patay)
-
Family Tree app (kailangang mag-log in ng mga kabataan gamit ang kanilang Church account)
-
FamilySearch.org (Maaari mong bisitahin ang *FamilySearch.org/discovery at magkakasamang i-explore ang mga aktibidad na ito.)