Bagong Tipan 2023
Nobyembre 12. Paano Ako Mas Mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga Sagradong Ordenansa at Tipan? Mga Hebreo 7–13


“Nobyembre 12. Paano Ako Mas Mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga Sagradong Ordenansa at Tipan? Mga Hebreo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Nobyembre 12. Paano Ako Mas Mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga Sagradong Ordenansa at Tipan?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

Larawan
binatilyong nagpapasa ng sakramento

Nobyembre 12

Paano Ako Mas Mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga Sagradong Ordenansa at Tipan?

Mga Hebreo 7–13

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.

  • Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano tayo mas napapalapit sa Tagapagligtas? Paano tayo nagsisikap na maging higit na katulad Niya?

  • Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang naiisip natin nitong mga nakaraang araw? Paano natin matutulungan ang mga taong ito?

  • Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin masasagot ang mga tanong ng ating mga kaibigan tungkol sa Simbahan sa paraang mapapalakas ang kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas?

  • Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan para lalo nating makaugnayan ang ating mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Larawan
icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Sa loob ng maraming siglo, ang mga anak ni Israel, na kung minsan ay tinatawag na mga Hebreo, ay masigasig na nakikibahagi sa mga ordenansa na may kaugnayan sa tabernakulo at sa mga batas ni Moises. Subalit marami sa kanila ang hindi nakaunawa na ang mga bagay na ito ay “mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan”—“anino lamang ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:23; 10:1). Ang mga ordenansa ay nilayong lahat na ituro sa kanila ang tungkol kay Jesucristo. Ito ang ipinaliwanag ni Pablo sa kanyang Sulat sa mga Hebreo. Mahalaga rin sa atin ang Kanyang mensahe ngayon dahil mayroon din tayong mga sagradong ordenansa na may gayon ding layunin. Kaya marapat lang na itanong sa ating sarili ang mga ito: Tinutulungan ba tayo ng mga ordenansang ito na alalahanin si Jesucristo? May mga gagawin pa ba tayo para maranasan ang kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo? O tayo ba, tulad ng sinaunang mga Hebreo, ay hindi nauunawaan ang malalim na kahalagahan ng mga ito?

Isipin ang mga tanong na ito habang binabasa mo ang Mga Hebreo 7–13 at habang naghahanda kang ituro kung paano tayo mas inilalapit ng mga ordenansa at mga tipan kay Jesucristo. Maaari mo ring pag-aralan ang ilan sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya na binanggit sa outline na ito.

Magkakasamang Matuto

Para matulungan ang mga tinuturuan mo na makita kung paano sila mas mapapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga ordenansa at mga tipan ng Kanyang ebanghelyo, maaari mong sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang ilang ordenansa ng ebanghelyo at ang kaugnay na mga tipan ng mga ito (tingnan sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Tipan,” SimbahanniJesucristo.org). Ano ang itinuturo sa atin ng mga ordenansa at mga tipang ito tungkol kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala? Nakasaad sa pahayag ni Elder David A. Bednar na nasa “Suportang Resources” ang kahulugan ng mga ordenansa at ang iba pang mahahalagang ideya. Maaari ding makatulong ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod.

  • Maaari mong sabihin sa mga kabataan na basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:19–22 at talakayin ang mga tanong na tulad nito: Ano ang ibig sabihin ng “kapangyarihan ng kabanalan”? Paano nakatulong sa atin ang mga ordenansa at mga tipan na maranasan ang kapangyarihang iyon? Ano ang kaibhang nagagawa ng mga ordenansa at mga tipan sa ating buhay? Paano tayo tinutulungan ng mga ito na manatiling nakaugnay sa Tagapagligtas? Upang makatulong sa pagsagot sa mga tanong na ito, maaaring basahin ng mga kabataan ang unang apat na talata ng mensahe ni Elder Kent F. Richards “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan” (Liahona, Mayo 2016, 118) o ang mensahe ni Elder Bednar na “Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan” (Liahona, Mayo 2020, 84–87), lalo na ang bahaging “Mula sa Kaibuturan ng Puso.”

  • Isiping itanong sa mga tinuturuan mo kung paano nila ipaliliwanag ang ordenansa ng sakramento sa isang taong walang alam tungkol dito. Ang bahaging “Karanasan at Patotoo” sa mensahe ni Elder Taniela B. Wakolo na “Ang Nakapagliligtas na mga Ordenansa ay Magbibigay sa Atin ng Kagila-gilalas na Kaliwanagan” (Liahona, Mayo 2018, 39–41) ay nagbigay ng isang halimbawa. Paano tayo mas inilalapit ng sakramento kay Jesucristo? Ano ang mga pagkakataon na mayroon tayo para maituro sa iba ang tungkol dito?

  • Ang pagrerebyu ng limang mungkahi sa mensahe ni Elder Peter F. Meurs na “Matutulungan Tayo ng Sakramento na Maging Banal” (Liahona, Nob. 2016, 85–87) ay makatutulong sa mga kabataan na maunawaan kung paano mas maghahanda para sa sacrament. Talakayin kung paano makatutulong ang mga sagradong ordenansang ito at ang kaugnay na mga tipan ng mga ito para mas mapalapit tayo sa Tagapagligtas.

  • Maaari mong isulat sa pisara ang mga salitang Sacrament, Binyag, at Templo. Sa ilalim ng bawat isa, sabihin sa mga kabataan na ilista ang mga tipang ginagawa natin. Ang mga reperensyang matatagpuan sa “Suportang Resources” ay makatutulong. Magkakasamang talakayin kung paano tayo tinutulungan ng mga tipang ito na mas mapalapit kay Jesucristo.

  • Maaari mong hatiin ang iyong klase o korum sa mga grupo at atasan ang bawat grupo na rebyuhin ang isang bahagi ng mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan” (Liahona, Nob. 2019, 53–56) o ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Bakit Mahalagang Tahakin ang Landas ng Tipan” (Liahona, Mayo 2021, 116–19). Hikayatin sila na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa kung paano pinalalakas ng pagtupad nila sa kanilang mga tipan ang kanilang kaugnayan kay Jesucristo.

Larawan
mga kabataang babae na naglalakad sa labas ng templo

Ang mga sagradong ordenansa ng ebanghelyo ay naghahatid ng “kapangyarihan ng kabanalan” sa ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22).

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

  • Mosias 18:8–10 (Tipan sa binyag)

  • Moroni 4–5 (Tipan sa sacrament)

  • Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang mga banal na ordenansa ay napakahalaga sa ebanghelyo ng Tagapagligtas at sa paglapit sa Kanya at paghahangad na isilang na muli. Ang mga ordenansa ay mga sagradong gawain na may espirituwal na layunin, walang-hanggang kahalagahan, at nauugnay sa mga batas at utos ng Diyos. …

    “Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na pinangangasiwaan sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay higit pa sa mga ritwal o simbolikong gawain. Binubuo ng mga ito ang mga awtorisadong pamamaraan para dumaloy ang mga pagpapala at kapangyarihan ng langit sa ating sariling buhay. …

    “Ang mga ordenansang tinanggap at iginalang nang may dangal ay mahalaga sa pagtatamo ng kapangyarihan ng kabanalan at lahat ng pagpapalang ibinibigay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas” (“Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 59–60).

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Kapag inaanyayahan mo ang mga tinuturuan mo na kumilos ayon sa totoong doktrina, tinutulungan mo silang magamit ang natutuhan sa kanilang tahanan at araw-araw na buhay.

Print