“Oktubre 22. Paano Ako Mananatiling Matatag sa Aking Katapatan kay Jesucristo? 1 at 2 Tesalonica,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Oktubre 22. Paano Ako Mananatiling Matatag sa Aking Katapatan kay Jesucristo?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Oktubre 22
Paano Ako Mananatiling Matatag sa Aking Katapatan kay Jesucristo?
1 at 2 Tesalonica
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang nagpalakas sa ating patotoo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino ang nangangailangan ng ating tulong at mga dalangin? Ano ang naiisip nating gawin para tulungan sila?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano tayo magiging ilaw sa mga kapamilya o kaibigan na hindi natin kapareho ang mga paniniwala?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapagpapakita ng higit na pagmamahal at suporta sa ating pamilya at makagagawa ng positibong kaibhan sa ating tahanan?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Karamihan sa atin ay may kilalang tao na minsan ay naging tila lubos na tapat kay Jesucristo ngunit kalaunan ay tumalikod sa kanilang pananampalataya. Natural lang na isipin, “Puwede bang mangyari iyon sa akin?” Pinuri ni Pablo ang mga Banal sa Tesalonica dahil sa kanilang katapatan ngunit nadama niyang balaan sila tungkol sa mga maling turo at iba pang mga impluwensya na maaaring magpahina sa kanilang pananampalataya. Gaano man katibay ang ating katapatan sa Tagapagligtas ngayon, laging marami pa tayong magagawa para “maibalik ang anumang kulang sa [ating] pananampalataya” (1 Tesalonica 3:10).
Habang ipinagdarasal mo ang mga tao sa iyong klase o korum, pakinggan ang mga pahiwatig na ipinadadala sa iyo ng Panginoon. Ano ang iyong nadama na makatutulong sa kanila na manatiling tapat sa Tagapagligtas anumang oposisyon ang makaharap nila? Ano ang nakatulong sa iyo? Sa iyong paghahanda na magturo, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo” (Liahona, Nob. 2019, 22–25) bilang karagdagan sa 1 at 2 Tesalonica.
Magkakasamang Matuto
Upang matulungan ang mga kabataan na marebyu ang nabasa nila sa 1 at 2 Tesalonica at masimulan ang paksa tungkol sa pananatiling matatag sa ating katapatan sa Tagapagligtas, maaari ninyong magkakasamang basahin ang 2 Tesalonica 2:1–3. Talakayin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng salitang “pagtalikod.” Ano ang ibig sabihin ng tumalikod ang isang tao kay Jesucristo? Maaari mong ihambing ang salitang ito sa iba pang mga pariralang ginamit ni Pablo, tulad ng “maninindigang matibay sa Panginoon” (1 Tesalonica 3:8) at “huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti” (2 Tesalonica 3:13). Pagkatapos ay maaari mong rebyuhin ang 1 Tesalonica 5:15–23. Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa payo ni Pablo na nasa mga talatang ito para hindi tayo tumalikod sa ating pananampalataya kay Jesucristo—kahit nahaharap tayo sa oposisyon? Gamitin ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod para tulungan ang mga miyembro ng klase o korum na manatiling matatag sa kanilang katapatan sa Tagapagligtas.
-
Makapagbibigay ng inspirasyon ang matuto mula sa mga halimbawa ng iba na hindi natitinag sa kanilang katapatan kay Cristo. Halimbawa, maaari ninyong sama-samang pag-aralan ang halimbawa ng mga Anti-Nephi-Lehi, na dating “isang mababangis at matitigas at malulupit na tao” ngunit “kailanman ay hindi nagsitalikod” matapos silang “[m]agbalik-loob sa Panginoon” (Alma 17:14; 23:6–8). Ano ang nakatala sa Alma 24:8–18 kung bakit sila nanatiling tapat? Anong mahahalagang pagpili ang ginawa nila? Paano sila tinulungan ng Panginoon? Ang mga karagdagang halimbawa ay matatagpuan sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Hindi Natitinag na Katapatan kay Jesucristo.” Marahil ay maaaring basahin ng ilang kabataan ang ilan sa mga halimbawang ito at ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pananatiling tapat kay Cristo. Paano tayo nanatiling tapat sa Panginoon sa kabila ng ating mga pagkukulang?
-
Sa ating mga pagsisikap na palakasin ang ating pananampalataya, makatutulong na alam natin ang mga puwersa na naghahangad na pahinain ito. Ang pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay ay naglalarawan ng ilan sa mga puwersang ito. Maaari kang magpakita ng larawan ng pangitaing ito (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 69) at sama-samang rebyuhin ang mga detalye na matatagpuan sa 1 Nephi 8:10–34. Sa pangitain, ano ang humadlang sa mga tao sa pagkain ng bunga ng punungkahoy? Ano ang nakatulong sa mga tao na makarating sa punungkahoy at manatili roon? Ano ang sinisimbolo ng mga bagay na ito sa ating buhay?
-
Sa kanyang mensaheng “Kapangyarihang Madaig ang Kaaway” (Liahona, Nob. 2019, 110–12), naglista si Elder Peter M. Johnson ng tatlong paraan na tinatangka ni Satanas na pahinain tayo. Maaari mong atasan ang bawat kabataan na basahin ang tungkol sa isa sa mga ito at ibahagi sa klase o korum ang mga halimbawa kung paano ginagamit ni Satanas ang kasangkapang ito laban sa mga kabataan ngayon. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang isa sa apat na mungkahi ni Elder Johnson para madaig ang mga taktika ng kaaway at ibahagi ang natutuhan nila.
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Jeffrey R. Holland, ““Panginoon, Nananampalataya Ako”,” Liahona, Mayo 2013, 93–95
-
Neil L. Andersen, “Kailanma’y Huwag Siyang Iwan,” Liahona, Nob. 2010, 39–42
-
Becky Craven, “Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 9–11