Bagong Tipan 2023
Oktubre 8. Paano Ako Matutulungan ng Ebanghelyo ni Jesucristo na Mapalakas ang Aking Pamilya? Efeso


“Oktubre 8. Paano Ako Matutulungan ng Ebanghelyo ni Jesucristo na Mapalakas ang Aking Pamilya? Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)

“Oktubre 8. Paano Ako Matutulungan ng Ebanghelyo ni Jesucristo na Mapalakas ang Aking Pamilya?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023

mag-iina na nagluluto

Oktubre 8

Paano Ako Matutulungan ng Ebanghelyo ni Jesucristo na Mapalakas ang Aking Pamilya?

Efeso

icon ng sama-samang magpayuhan at magsanggunian

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos, bukod sa pagsasanggunian tungkol sa partikular na mga gawain sa klase o korum, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.

  • Anong mga tema o mensahe ang tila pinakamahalaga sa atin? Ano ang nagpalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang nagpalakas sa ating patotoo tungkol sa mga buhay na propeta? Ano ang nahikayat tayong gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?

  • Ano ang kailangan nating gawin bilang isang klase o korum upang maalala at masunod ang payong narinig natin sa pangkalahatang kumperensya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

icon ng ituro ang doktrina

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Ang ilang tao sa iyong klase o korum ay maaaring may matatag at mapagmahal na mga pamilya na nangangalaga sa pananampalataya at espirituwalidad. Ang iba ay maaaring mag-isa sa kanilang mga pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, at ang ilan ay maaaring nakakaranas ng pagtatalo at lungkot sa tahanan. Ngunit walang sinuman sa iyong klase o korum ang may perpektong pamilya, na walang mga hamon sa buhay. At lahat ay mapagpapala ng kapangyarihan ni Jesucristo, na makapagpapagaling at makapagpapalakas sa mga pamilya.

Nais ng Tagapagligtas na pagpalain ang mga pamilya. Kung minsan ang paraan ng paggawa Niya nito ay sa pamamagitan ng pagmamahal at halimbawa ng isang kabataan na nagsisikap na sundin Siya at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo. Habang naghahanda kang ituro sa mga kabataan ang tungkol sa kapangyarihang magagamit nila at ng kanilang pamilya sa pamamagitan ni Jesucristo, pagnilayan ang mga alituntunin sa Efeso na makatutulong sa atin na patibayin ang mga ugnayan ng pamilya. Maaari mo ring pag-aralan ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (SimbahanniJesucristo.org).

Magkakasamang Matuto

Matapos bigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase o korum na maibahagi ang itinuro sa kanila ng Espiritu sa linggong ito sa pag-aaral nila ng Efeso, maghanap ng mga paraan para masimulan ang paksa tungkol sa kung paano tayo matutulungan ni Jesucristo na mapalakas ang ating pamilya. Halimbawa, maaari mong sabihin sa mga kabataan na maghanap at magbahagi ng mga talata sa Efeso na naglalaman ng mga alituntunin na magagamit natin para mapatibay ang mga ugnayan ng pamilya. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang Efeso 2:19–22; 3:14–19; 4:1–3, 25–26, 29–32; 5:1–2; 6:1–4. Paano mapagpapala ng mga payo sa mga talatang ito ang isang pamilya? Paano naging pagpapala sa ating tahanan ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo? Narito ang ilang karagdagang ideya sa aktibidad na may kaugnayan sa paksang ito.

  • Kung gusto mong talakayin ang utos na “igalang mo ang iyong ama at ina” (Efeso 6:2), maaari kang magsimula sa pagtatanong sa mga miyembro ng klase o korum kung ano ang kahulugan sa kanila ng salitang igalang. Marahil ay maaaring ibahagi ng isang tao ang kahulugan nito mula sa isang diksyunaryo o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (SimbahanniJesucristo.org). Sabihin sa mga kabataan na pag-usapan kung paano nila susundin ang kautusang ito sa kanilang buhay. Maaari ding magkapabigay-inspirasyon kung aalamin nila kung paano iginalang ni Jesucristo ang Kanyang Ama sa Langit at ang Kanyang inang si Maria (para sa halimbawa, tingnan sa Lucas 2:41–52; Juan 8:29; 19:25–27). Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesus na magpapatibay sa ugnayan natin sa ating mga magulang?

  • Maaaring makatulong na pag-usapan kung anong mga materyal ang kailangan para makapagtayo ng matibay na bahay. Ano ang ilan sa mga bagay na kailangan para magkaroon ng matatag na pamilya? Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ibahagi ang pahayag na ito ni Elder L. Whitney Clayton: “Ang panloob na disenyo ng mga kaluluwa ng mga naninirahan ang mahalaga, at hindi ang mismong istruktura” (“Ang Pinakamatitibay na Tahanan,” Liahona, Mayo 2020, 107–9). Maaari mo ring talakayin ang apat na mungkahi ni Elder Clayton sa kanyang mensahe para sa paraan kung paano magkakaroon ng “pinakamatitibay na tahanan.”

  • Nakapaloob sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang pangakong ito: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.” Paano nakalilikha ng pundasyon ang mga turo ng Tagapagligtas para sa isang masayang pamilya? Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak at ang mga banal na kasulatan sa ilalim ng “Suportang Resources” ay nagbigay ng mga halimbawa. Paano matutulungan ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa para maipamuhay ang mga turong ito?

pamilya na magkakasamang nag-aaral

Ang mga turo ni Jesucristo ang pundasyon para sa masayang buhay ng pamilya.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Kung madarama ng mga kabataan na may tiwala ka sa kanila, lalago ang tiwala nila sa kanilang banal na potensyal, at magugulat ka sa magagawa nila. Tulungan silang makita kung ano ang alam ng Ama sa Langit sa maaari nilang maisakatuparan.