“Disyembre 24. Paano Ipinapakita ni Jesucristo ang Kanyang Pagmamahal sa Akin? Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023 (2022)
“Disyembre 24. Paano Ipinapakita ni Jesucristo ang Kanyang Pagmamahal sa Akin?,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2023
Disyembre 24
Paano Ipinapakita ni Jesucristo ang Kanyang Pagmamahal sa Akin?
Pasko
Sama-samang Magpayuhan at Magsanggunian
Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; mga 10–20 minuto
Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, SimbahanniJesucristo.org). Magplano ng mga paraan para magawa ang ayon sa tinalakay ninyo.
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo. Paano tayo nakatatagpo ng kagalakan sa pagsunod kay Jesucristo?
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan. Sino sa ating ward o komunidad ang nangangailangan ng ating tulong? Paano natin sila matutulungan?
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin matutulungan ang isa’t isa na maghandang maglingkod bilang missionary?
-
Pagbubuklod ng mga pamilya [para] sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapag-aambag sa mga pagsisikap ng ating ward na magawa ang gawain sa family history at sa templo?
Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:
-
Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.
-
Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.
Ituro ang Doktrina
Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; mga 25–35 minuto
Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili
Bago Siya isinilang, si Jesucristo ay kilala bilang dakilang Jehova. Siya ang “Minamahal at Pinili [ng Ama] mula pa sa simula” (Moises 4:2), Siya ay puspos ng kaluwalhatian, biyaya, at katotohanan (tingnan sa Juan 17:5; Doktrina at mga Tipan 93:11). Subalit nang Siya ay isilang, “inihiga [siya ni Maria] sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” (Lucas 2:7). Bakit handang tanggapin ni Jesucristo ang Kanyang tungkulin bilang Tagapagligtas kahit nangangahulugan ito ng pagparito sa mundo sa pinakaabang kalagayan? Ang simpleng sagot ay mahal Niya tayo. Nang makita ni Nephi sa pangitain ang pagsilang ng Tagapagligtas, pinatotohanan niya “ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” (1 Nephi 11:22).
Ang Pasko ay isang espesyal na panahon na pagnilayan kung paano ipinakita sa pagsilang ng Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang Kanyang pagmamahal sa iyo. Habang naghahanda kang tulungan ang mga kabataang tinuturuan mo na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas, isiping rebyuhin ang Lucas 4:16–21; Juan 3:16–17; 3 Nephi 27:13–16; at ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Pagmamahal ng Diyos” (Liahona, Nob. 2021, 16–19).
Magkakasamang Matuto
Sa pagtatapos ng iyong klase o korum sa pag-aaral ninyo ng Bagong Tipan sa taong ito, maaari mong sabihin sa mga kabataan na magbahagi ng ilang paboritong kuwento nila sa Bagong Tipan kung saan ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa mga tao sa paligid Niya. Maaari din ninyong magkakasamang basahin ang ilan sa mga kuwentong ito. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagmamahal ng Tagapagligtas sa atin? Para matulungan ka na mas matalakay ang pagmamahal ng Tagapagligtas, gamitin ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod.
-
Sabihin sa mga miyembro ng iyong klase o korum na isipin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin bilang isang magandang palumpon o bouquet ng mga bulaklak (tingnan sa Russell M. Nelson, “Banal na Pag-ibig,” Liahona, Peb. 2003 12). Maaari mong bigyan ang bawat tao ng isang bulaklak na ginupit mula sa papel at ipabasa sa bawat isa sa kanila ang isa sa mga scripture passage sa “Suportang Resources.” Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang mga bulaklak ang natutuhan nila tungkol sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesus para sa atin. Habang ibinabahagi nila ang natutuhan nila, maaari nilang pagsamahin ang kanilang mga bulaklak para maging isang bouquet. Paano natin mas mahihiwatigan ang mga paraan kung paano ipinapakita ng Ama sa Langit at ni Jesus ang Kanilang pagmamahal sa atin?
-
Inilarawan sa ilang himno ang mga paraan na ipinapakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa atin (para sa halimbawa, tingnan sa “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78). Maaaring pumili ng himno ang mga miyembro ng klase o korum at magbahagi ng mga karanasan kung kailan nadama nila ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa mga paraang katulad ng mga inilarawan sa himno. Ano ang ilang iba pang paraan na ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang pagmamahal sa atin? Bilang mga tagasunod ni Cristo, paano natin matutulungan ang iba na madama ang Kanyang pagmamahal?
-
Maraming maling ideya sa mundo tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa atin. Halimbawa, maaaring isipin ng ilan na kapag ang mga tao ay mayaman o maunlad, nangangahulugan ito na mas mahal sila ng Diyos kaysa sa iba. Maaaring madama ng ilan na kung talagang mahal tayo ng Diyos, tatanggapin Niya tayo kung sino tayo at hindi Niya tayo hihilingang magbago. Anong mga maling mensahe tungkol sa pagmamahal ng Diyos ang narinig natin? Upang mapaglabanan ang mga maling mensaheng ito, maaari mong iparebyu sa mga kabataan ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson” na ““Ang Pagmamahal ng Diyos” o ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Pag-ibig at Batas” (Liahona, Nob. 2009, 26–29). Anong mga katotohanan ang nakita natin sa mga mensaheng ito na tumutulong sa atin na maunawaan ang pagmamahal ng Diyos sa atin?
Kumilos nang May Pananampalataya
Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala ang gagawin nila ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano titibay ang ugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag ginawa nila ang mga impresyong natanggap nila.
Suportang Resources
-
Juan 3:16–17; 15:9–13; Roma 8:35–39; Mga Hebreo 12:5–6, 9–11; 1 Nephi 11:21–23; Alma 7:11–12; 3 Nephi 11:13–17; Moroni 7:45–48
-
Michael John U. Teh, “Ang Ating Personal na Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2021, 99–101
-
Taniela B. Wakolo, “Mahal ng Diyos ang Kanyang mga Anak,” Liahona, Mayo 2021, 94–96