Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 5–11: “Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan.” Alma 39–42


“Agosto 5–11: ‘Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan.’ Alma 39–42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Agosto 5–11. Alma 39-42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

si Jesus na papalabas ng libingan

He Is Risen [Siya ay Nagbangon], ni Del Parson

Agosto 5–11: “Ang Dakilang Plano ng Kaligayahan”

Alma 39–42

Kapag nakagawa ng malaking pagkakamali ang isang taong mahal natin, maaaring mahirap malaman kung paano tutugon. Bahagi ng dahilan kaya napakahalaga ng Alma 39–42 ay dahil inihahayag nito kung paano hinarap ni Alma—isang disipulo ni Cristo na minsa’y nagkaroon ng sarili niyang mabibigat na kasalanan na dapat pagsisihan—ang gayong sitwasyon. Ang anak ni Alma na si Corianton ay nakagawa ng seksuwal na kasalanan, at nagtiwala si Alma, tulad ng natutuhan niyang gawin sa kanyang ministeryo, na ang kapangyarihan ng tunay na doktrina ay magbibigay sa kanyang anak ng walang-hanggang pananaw at hihikayat dito na magsisi (tingnan sa Alma 4:19; 31:5). Sa mga kabanatang ito, mapapansin natin ang katapangan ni Alma sa pagsumpa sa kasalanan at ang kanyang pagkagiliw at pagmamahal kay Corianton. At sa huli, madarama natin ang tiwala ni Alma na ang Tagapagligtas “ay paparito upang ipahayag ang masayang balita ng kaligtasan sa kanyang mga tao” (Alma 39:15). Ang katotohanan na nagsisi si Corianton at kalauna’y nagbalik sa gawain ng ministeryo (tingnan sa Alma 49:30) ay maaaring magbigay sa atin ng pag-asang mapatawad at matubos kapag tayo ay nababagabag tungkol sa sarili nating mga kasalanan o sa mga kasalanan ng isang taong mahal natin (tingnan sa Alma 42:29).

Tingnan din sa “Pinayuhan ni Alma ang Kanyang mga Anak” (video), Gospel Library.

17:5

Pinayuhan ni Alma ang Kanyang mga Anak | Alma 36–42

Pinayuhan ng Nakababatang Alma ang kanyang mga anak. Pinayuhan niya si Helaman na mag-ingat ng isang talaan ng mga tao. Pinuri niya si Siblon para sa kabutihan nito. Inutusan niya si Corianton na magsisi.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Alma 39

seminary icon
Maaari kong iwasan ang kasalanang seksuwal.

Ang payo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton sa Alma 39 ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para malaman ang nakapipinsalang mga epekto ng kasalanang seksuwal, kabilang na ang pornograpiya. Ang mas mahalaga marahil ay ipinauunawa rin nito sa iyo ang alok ng Tagapagligtas na pagpapatawad at pagpapagaling sa mga taong nagsisisi. Maaaring makatulong ang mga tanong at aktibidad na ito:

  • Anong mga pagkakamali ang nag-akay kay Corianton na labagin ang batas ng kalinisang-puri? (tingnan sa Alma 39:2–4, 8–9). Ano ang mga ibinunga ng kanyang mga kilos? (tingnan sa mga talata 5–13). Ano ang katibayan natin na nagsisi si Corianton? (tingnan sa Alma 42:31; 49:30; 48:18). Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa karanasang ito?

  • Basahin ang mga pahina 19–20 ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili. Pagkatapos ay isulat ang sarili mong paliwanag kung ano ang pornograpiya, bakit mapanganib ito, at ano ang gagawin mo kapag nakita mo ito. (Tingnan din sa Mateo 5:27–28 at Doktrina at mga Tipan 63:16.)

  • Paano mo ipaliliwanag sa isang kaibigan kung bakit mo pinipiling iwasan ang pornograpiya at ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri? Anong mga kabatiran ang maibabahagi mo mula sa “Ang Inyong Katawan ay Sagrado” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (mga pahina 22–29)?

Tingnan din sa Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 61–67; “Pornograpiya” sa koleksyong “Tulong sa Buhay” ng Gospel Library.

Alma 40–41

Ano ang mangyayari sa akin pagkamatay ko?

May ilang tanong si Corianton tungkol sa mangyayari pagkatapos ng kamatayan. Ang kanyang mga alalahanin ay naghikayat kay Alma na ituro ang mga alituntuning matatagpuan sa Alma 40–41. Habang nag-aaral ka, gumawa ng listahan ng mga katotohanang nakita mo tungkol sa mga bagay na tulad ng daigdig ng mga espiritu, pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom. Isiping basahin ang mga kabanatang ito mula sa pananaw ng isang taong kailangang magsisi, tulad ni Corianton—tutal, totoo naman iyan para sa ating lahat.

Alma 40

Maaari akong maghanap ng mga sagot sa aking mga tanong nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Maaari nating isipin kung minsan na alam ng mga propeta ang sagot sa bawat tanong tungkol sa ebanghelyo. Pero pansinin ang mga tanong ni Alma na hindi nasagot sa kabanata 40. Ano ang ginawa niya para makahanap ng mga sagot? Ano ang ginawa niya nang wala siyang mga sagot? Paano maaaring makatulong sa iyo ang halimbawa ni Alma?

babaeng nagdarasal

Ang panalangin ay isang paraan para mahanap natin ang mga sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo

Alma 42

Nagiging posible ang pagtubos dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Naniwala si Corianton na hindi makatarungan ang parusa para sa mga kasalanan (tingnan sa Alma 42:1). Sa Alma 42, paano nilutas ni Alma ang kanyang alalahanin? Maaari mong isaayos ang mga sipi sa kabanatang ito sa dalawang grupo: “Ang Diyos ay makatarungan” at “Ang Diyos ay maawain.” Paano ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kapwa ang katarungan at ang awa?

Tingnan din sa “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, 116.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Alma 39:1, 10–11

Ang aking mabuting halimbawa ay maaaring umakay sa iba patungo kay Cristo.

  • Ang payo ni Alma kay Corianton ay maaaring magpaunawa sa iyong mga anak tungkol sa kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa. Isiping sama-samang basahin ang Abraham 39:1. Paano naging mabuting halimbawa ang kapatid ni Corianton na si Siblon? Maaaring maghanap ang iyong mga anak ng mga karagdagang sagot sa tanong na ito sa Alma 38:2–4.

  • Maaari rin kayong maglaro ng isang game kung saan maghahalinhinan kayo ng inyong mga anak sa pagsunod o paggaya sa isa’t isa. Gamitin ang game na ito para ilarawan kung paano matutulungan ng ating mga kilos ang iba na gumawa ng mabubuting pasiya. Sama-samang kantahin ang “Tila ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 84), at tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging mabuting halimbawa.

  • Dala ang flashlight o isang larawan ng araw, maaari mong ikumpara ang ilaw sa bisa ng isang mabuting halimbawa. Maaari din ninyong tingnan ng inyong mga anak ang mga larawan ni Jesus na gumagawa ng mabubuting bagay at pag-usapan ang halimbawang ipinakita Niya sa atin.

Alma 39:9–13

Dahil kay Jesucristo, maaari akong magsisi kapag nagkakamali ako.

  • Ipaliwanag na si Corianton ay nakagawa ng maling pagpapasiya nang hindi nagbibigay ng mga detalye tungkol sa katangian ng kanyang mga kasalanan. Ano ang maaari nating sabihin para matulungan siya? Isiping basahin ang Alma 39:9 sa iyong mga anak, at ipaunawa sa kanila ang kahulugan ng magsisi at talikuran. Magpatotoo na ang pagsisisi ay posible sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Narito ang isang object lesson para ilarawan ang galak ng pagsisisi: Bigyan ng hahawakang mabigat na bagay ang isang bata habang nagkukuwento ka tungkol sa isang taong nakagawa ng mali at nalungkot. Sabihin sa iyong mga anak na ang mabigat na bagay ay katulad ng lungkot na nadarama natin kapag nakakagawa tayo ng mali. Kunin ang mabigat na bagay sa bata habang pinatototohanan mo na kayang alisin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang bigat at lungkot na nadarama natin at matutulungan tayong magpakabuti kapag tayo ay nagsisisi.

Alma 40:6–7, 11–14, 21–23

Pagkamatay natin, napupunta ang ating espiritu sa daigdig ng mga espiritu hanggang sa sumapit ang Pagkabuhay na Mag-uli at Paghuhukom.

  • Natural lang na isipin kung ano ang nangyayari sa atin pagkamatay natin. Ano ang magagawa mo para matulungan ang iyong mga anak na makahanap ng inspiradong mga sagot? Maaari mong isulat ang kamatayan, daigdig ng mga espiritu (paraiso at bilangguan ng mga espiritu), pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Ipaunawa sa iyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga salitang ito. Habang sama-sama ninyong binabasa ang Alma 40:6–7, 11–14, 21–23, maaaring ayusin ng iyong mga anak ang pagkakasunud-sunod ng mga salita sa mga talatang ito.

  • Maaaring makinabang ang nakatatandang mga bata sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa Alma 40:6–7, 11–14, 21–23. Isiping tanungin ang iyong mga anak ng mga bagay na maaaring masagot sa mga talatang ito, tulad ng “Ano ang magiging hitsura ng katawan ko kapag ako ay nabuhay na mag-uli?” Anyayahan silang hanapin ang mga sagot sa angkop na mga talata.

    Maria at Jesus

    Mary and the Resurrected Lord [Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon], ni Harry Anderson

  • May kilala ba ang inyong mga anak na isang taong namatay na? Maaari siguro kayong mag-usap-usap sandali tungkol sa taong iyon. Magpatotoo na siya—at lahat ng iba pa—ay mabubuhay na mag-uli dahil kay Jesucristo. Kung kinakailangan, gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Alma at Corianton

This My Son [Ito Aking Anak], ni Elspeth Caitlin Young