Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 12–18: “Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo.” Alma 43–52


“Agosto 12–18: ‘Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo.’ Alma 43–52,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Agosto 12–18. Alma 43–52,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

si Moroni at ang bandila ng kalayaan

For the Blessings of Liberty [Para sa mga Pagpapala ng Kalayaan], ni Scott M. Snow

Agosto 12–18: “Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo”

Alma 43–52

Kapag binasa natin ang mga salitang ito sa simula ng Alma kabanata 43—“At ngayon magbabalik ako sa ulat ng mga digmaang namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita”—natural lang na magtaka kung bakit isinama ni Mormon ang mga kuwentong ito ng digmaan samantalang limitado ang espasyo sa mga lamina (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:5). Totoo na mayroon din tayong mga digmaan sa mga huling araw, pero may halaga sa kanyang mga salita na higit pa sa mga paglalarawan ng estratehiya at trahedya ng digmaan. Inihahanda rin tayo ng kanyang mga salita para sa digmaan kung saan “tayo ay kasapi” (Mga Himno, blg. 152), ang pakikidigma natin araw-araw laban sa mga puwersa ng kasamaan. Ang digmaang ito ay tunay na tunay, at ang kahihinatnan nito ay nakakaapekto sa ating buhay na walang hanggan. Tulad ng mga Nephita, tayo ay hinihikayat ng isang banal na adhikain—“ang ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak”—na tinawag ni Moroni na “[adhikain] ng mga [K]ristiyano” (Alma 46:12, 16).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Alma 43–52

Matutulungan ako ni Jesucristo sa aking mga espirituwal na pakikibaka.

Habang binabasa mo ang Alma 43–52, pansinin kung ano ang ginawa ng mga Nephita kaya sila nagtagumpay (o hindi nagtagumpay). Pagkatapos ay pagnilayan kung paano mo magagamit ang natututuhan mo para matulungan kang magwagi sa iyong mga espirituwal na pakikibaka. Itala sa ibaba ang iyong mga naiisip:

Tingnan din kung ano ang matututuhan mo mula sa mga pagsisikap ng mga kaaway ng mga Nephita. Pagnilayan kung paano ka maaaring salakayin ni Satanas sa gayon ding mga paraan:

  • Alma 43:8: Hinangad ni Zerahemnas na galitin ang kanyang mga tao upang maipailalim sila sa kanyang kapangyarihan. (Maaari akong tuksuhin ni Satanas na kumilos nang may galit.)

  • Alma 43:29:

  • Alma 46:10:

  • Alma 47:10–19:

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 73–76; “Diyos Natin ay Moog na Matibay,” Mga Himno, blg. 36.

mga Nephitang nakikipaglaban sa mga Lamanita

Minerva Teichert (1888–1976), Defense of a Nephite City [Pagtatanggol sa Isang Lungsod ng mga Nephita], 1949–1951, oil sa masonite, 36 × 48 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, 1969.

Alma 46:11–28; 48:7–17

icon ng seminary
“Matatag na [manindigan] sa pananampalataya kay Cristo.”

Gusto mo bang mabawasan ang kapangyarihan ng kalaban sa buhay mo? Ang isang paraan ay sundin ang payo sa Alma 48:17 na maging “katulad ni Moroni.” Isiping gumawa ng listahan ng mga salitang naglalarawan kay Moroni habang binabasa mo ang Alma 46:11–28; 48:7–17. Ano ang matututuhan mo mula kay Moroni tungkol sa “matatag na [paninindigan] sa pananampalataya kay Cristo”? (Alma 46:27).

Maaari mo ring pag-aralan kung paano nabigyang-inspirasyon ni Moroni ang iba sa “[adhikain] ng mga [K]ristiyano” (tingnan sa Alma 46:11–22). Paano mo ilalarawan ang adhikaing iyan? Ano ang magagawa mo para makilahok dito? Paano mo mahihikayat ang iba na makilahok din?

Ang isang bagay na ginawa ni Moroni para mabigyang-inspirasyon ang iba ay lumikha siya ng bandila ng kalayaan, na nagbigay-diin sa mga alituntunin para mabigyang-inspirasyon ang mga Nephita (tingnan sa talata 12). Anong mga alituntunin ang binibigyang-diin ng mga pinuno ng ating Simbahan sa ating panahon? Maaari mong hanapin ang mga iyon sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (buklet, 2022), “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” sa mga tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum, o sa mga mensahe sa huling pangkalahatang kumperensya. Maaari mong ibuod ang itinuturo nila sa ilang simpleng pahayag para lumikha ng sarili mong bandila ng kalayaan—isang bagay na magpapaalala sa iyo na maging tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” Gospel Library.

11:41

Itinaas ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan | Alma 46

Hinikayat ni Kapitan Moroni ang mga Nephita na sundin ang kanilang mga kautusan at ipaglaban ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng pagtataas ng Bandila ng Kalayaan.

Alma 47

Tinutukso at nililinlang tayo ni Satanas nang paunti-unti.

Alam ni Satanas na malamang na hindi ka gumawa ng mabibigat na kasalanan o maniwala sa malilinaw na kasinungalingan. Kaya gumagamit siya ng mga hindi halatang kasinungalingan at maliliit na tukso—kasindami ng inaakala niyang tatanggapin mo—para akayin ka palayo sa kaligtasan ng matwid na pamumuhay.

Hanapin ang pattern na ito sa Alma 47, at pagnilayan kung paano ka sinusubukang linlangin ni Satanas. Isipin ang mga kabatirang ito mula kay Elder Robert D. Hales:

“Hinikayat ng taksil na si Amalikeo si Lehonti na ‘bumaba’ at makipagkita sa kanya sa lambak. Ngunit nang lisanin ni Lehonti ang mataas na lugar, siya ay ‘unti-unting’ nilason hanggang sa mamatay, at bumagsak ang kanyang [hukbo] sa mga kamay ni Amalikeo (tingnan sa Alma 47). Sa mga pakikipagtalo at pagpaparatang, pinapainan tayo ng ilang tao na lisanin ang ligtas na lugar. Nasa mataas na lugar ang liwanag. … Iyon ang ligtas na lugar” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 74).

Paano ninyo mapaglalabanan ang mga tukso?

Tingnan din sa Nehemias 6:3; 2 Nephi 26:22; 28:21–22.

Alma 50–51

Ang pagkakaisa ay naghahatid ng kaligtasan.

Sa kabila ng baluti at mga muog ng mga Nephita, hindi nagtagal ay nabihag ng mga Lamanita ang marami sa kanilang mga lungsod (tingnan sa Alma 51:26–27). Paano nangyari iyon? Hanapin ang mga sagot habang binabasa mo ang mga kabanatang ito (tingnan lalo na sa Alma 51:1–12). Pagnilayan kung ano ang mga babala sa salaysay na ito para sa iyo at sa iyong pamilya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Alma 43:17–21; 48:7–8; 49:1–5; 50:1–6

Maaari akong makasumpong ng espirituwal na proteksyon sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Isiping gamitin ang “Kabanata 31: Tinalo ni Kapitan Moroni si Zerahemnas” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 85–88) sa pagkukuwento sa iyong mga anak tungkol sa digmaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Habang nagbabasa ka tungkol sa baluti ng mga Nephita sa Alma 43:19, maaari mong ikumpara ang baluting nagpoprotekta sa ating katawan sa mga bagay na naibigay sa atin ng Diyos para protektahan ang ating espiritu. Maaari kayo sigurong magdrowing ng iyong mga anak ng isang bata at magdagdag ng isang piraso ng baluti sa larawan para sa lahat ng mapapangalanan ng iyong mga anak na espirituwal na pumoprotekta sa atin.

  • Inilarawan sa mga talatang ito ang mga muog na itinayo ng mga Nephita: Alma 48:7–9; 49:1–9; 50:1–6. Matapos ninyong sama-samang basahin ang mga talatang ito, maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magtayo ng isang kuta gamit ang mga bagay na tulad ng mga silya at kumot. Pag-usapan kung paano espirituwal na mapapatatag ang inyong tahanan.

Alma 46:11–16; 48:11–13, 16–17

Maaari akong maging “matatag sa pananampalataya kay Cristo” tulad ni Kapitan Moroni.

  • Maaaring tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan sa outline na ito habang ikinukuwento niya ang tungkol sa bandila ng kalayaan (tingnan sa Alma 46:11–16; “Kabanata 32: Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 89–90). Ano ang ninais ni Moroni na maalala ng mga tao (tingnan sa talata 12)? Ano ang nais ng Ama sa Langit na maalala natin? Marahil ay maaaring magdisenyo ang iyong mga anak ng sarili nilang mga “bandila ng kalayaan” na may mga kataga o larawang tutulong sa kanila na maalala ang mga bagay na ito.

  • Para maituro sa inyong mga anak ang tungkol sa pagiging “[matatag] sa pananampalataya kay Cristo” na tulad ni Moroni (tingnan sa Alma 48:13), maaari mo silang tulungang mahanap at mahipo ang isang bagay na matigas. Ano ang ibig sabihin ng maging “matatag” ang pananampalataya? Sama-samang basahin ang Alma 48:11–12 para malaman kung ano ang nagpatatag sa pananampalataya ni Moroni kay Cristo. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Ako’y Magiging Magiting” (Aklat ng mga Awit Pambata, 85). Ano ang magagawa natin para maging “matatag sa pananampalataya kay Cristo”?

Alma 47:4–19

Tinutukso at nililinlang tayo ni Satanas nang paunti-unti.

Sama-samang basahin ang mga piling talata mula sa Alma 47:4–19. Ano kaya ang maaaring nangyari kung nasabi ni Amalikeo kay Lehonti ang plano niyang gawin sa simula pa lang? Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito kung paano sinisikap ni Satanas na linlangin tayo?

Tulungan ang inyong mga anak na magkaroon ng tiwala sa sarili. Maaaring nadarama ng ilang bata na hindi nila kayang pag-aralang mag-isa ang ebanghelyo. Ang isang paraan para magkaroon sila ng tiwala sa sarili ay purihin sila kapag nakikilahok sila sa pag-aaral. Saan mo maaaring gamitin ang mungkahing ito sa mga aktibidad sa outline na ito?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Moroni na hawak ang bandila ng kalayaan

Title of Liberty [Bandila ng Kalayaan], ni Larry Conrad Winborg.

© 2018 ni Larry Conrad Winborg