“Agosto 19–25: ‘Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan.’ Alma 53–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Agosto 19–25. Alma 53–63,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Agosto 19–25: “Pinangalagaan ng Kanyang Kagila-gilalas na Kapangyarihan”
Alma 53–63
Kapag ikinumpara sa mga hukbo ng mga Lamanita, walang tiyansang manalo ang “maliit [na] hukbo” (Alma 56:33) ng mga kabataan ni Helaman. Maliban sa kakaunti sila, “lahat [ng kawal ni Helaman] ay … napakabata pa,” at “hindi pa sila [kailanman nakipaglaban]” (Alma 56:46–47). Sa ilang paraan, maaaring tila pamilyar ang kanilang sitwasyon sa atin na ang pakiramdam kung minsan ay mas marami ang kalaban at nahihirapan sa ating pakikibaka sa mga pakikipaglaban kay Satanas at sa mga puwersa ng kasamaan sa mundo sa mga huling araw.
Pero may ilang kalamangan ang hukbo ni Helaman laban sa mga Lamanita na walang kinalaman sa dami o kasanayang militar. Pinili nila si Helaman, isang propeta, na mamuno sa kanila (tingnan sa Alma 53:19); “sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47); at nagkaroon sila ng “labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila.” Dahil dito, prinotektahan sila ng “mahimalang kapangyarihan ng Diyos” (Alma 57:26). Kaya kapag nahaharap sa mga pakikibaka sa buhay, maaari tayong maging matapang. Itinuturo sa atin ng hukbo ni Helaman na “may makatarungang Diyos, at sinuman ang hindi [n]ag-aalinlangan, sila ay pangangalagaan ng kanyang kagila-gilalas na kapangyarihan” (Alma 57:26).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Alma 53:10–22; 56:43–49, 55–56; 57:20–27; 58:39–40
Ang pagsampalataya sa Diyos ay tumutulong sa akin na madaig ang takot.
Kung hindi dahil sa kanilang pananampalataya, nagkaroon sana ng magandang dahilan ang mga batang kawal ni Helaman para matakot. Pero dahil sa kanilang pananampalataya, mas marami pa silang dahilan para maging matapang. Habang nagbabasa ka tungkol sa kanila sa Alma 53–58, maghanap ng mga bagay na tutulong sa iyo na harapin ang iyong mga pangamba nang may pananampalataya kay Cristo. Isiping magtuon sa sumusunod na mga talata: Alma 53:10–22; 56:43–49, 55–56; 57:20–27; at 58:39–40. Ang table na ito ay maaaring makatulong sa iyo na itala ang makikita mo.
Mga katangian ng mga batang kawal ni Helaman: | |
Mga posibleng dahilan kaya napakalakas ng kanilang pananampalataya kay Cristo: | |
Ang ginawa nila para manampalataya kay Cristo: | |
Paano sila pinagpala ng Diyos: |
Para manalo sa ating mga espirituwal na pakikibaka, kailangan din natin ang kapangyarihan ni Jesucristo. Paano mo magagamit ang Kanyang kapangyarihan? Maghanap ng mga sagot sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2017, 39–42). Maaari mong ikumpara ang kanyang payo sa mga bagay na ginawa ng mga kawal ni Helaman.
Matapos pag-aralan ang mga bagay na ito, pag-isipan ang sarili mong mga espirituwal na pakikipaglaban. Isulat kung ano ang nahihikayat kang gawin para maipakita ang iyong pananampalataya kay Jesucristo?
Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 83–86; “Tapat sa Pananampalataya,” Mga Himno, blg. 156; “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” Gospel Library.
Ang mga alagad ni Jesucristo ay hindi madaling magdamdam.
May mga dahilan sina Helaman at Pahoran para masaktan. Hindi nakatanggap ng suporta si Helaman para sa kanyang mga hukbo, at pinaratangan ng mali ni Moroni si Pahoran na ipinagkait ni Pahoran ang tulong na iyon (tingnan sa Alma 58:4–9, 31–32; 60). Ano ang natanim sa isipan mo tungkol sa kanilang mga reaksyon sa Alma 58:1–12, 31–37 at Alma 61? Sa palagay mo, bakit ganito ang tugon nila?
Itinuro ni Elder David A. Bednar si Pahoran bilang halimbawa ng kaamuan at itinuro na “ang pinakamaganda at makahulugang halimbawa ng pagiging maamo ay makikita sa mismong buhay ng Tagapagligtas” (Maamo at Mapagpakumbabang Puso,” Liahona, Mayo 2018, 32). Pagnilayan kung paano nagpakita ng kaamuan ang Tagapagligtas. Tingnan, halimbawa, sa Mateo 27:11–26; Lucas 22:41–42; Juan 13:4–17. Paano mo matutularan ang Kanyang halimbawa?
Responsibilidad kong tulungan ang mga tao sa paligid ko.
Isinulat ni Moroni na pananagutin ng Diyos si Pahoran kung sadya niyang kinaligtaan ang mga pangangailangan ng mga hukbong Nephita. Ano ang matututuhan mo mula sa Alma 60:7–14 tungkol sa pangangalaga sa mga taong nangangailangan? Ano ang magagawa mo para malaman at matugunan ang mga pangangailangan ng iba?
Kung ako ay mapagpakumbaba, maibabaling ng mga hamon sa buhay ang puso ko sa Diyos.
Maglagay ng isang hilaw na itlog at isang patatas sa kumukulong tubig para matulungan kang pag-isipan kung paano mo mapipiling “mapalambot” o “mapatigas” ng iyong mga pagsubok. Habang naluluto ang itlog at patatas mo, pag-aralan ang Alma 62:39–51, at pansinin kung ano ang reaksyon ng mga tao sa ministeryo ni Helaman matapos ang kanilang mahabang pakikidigma sa mga Lamanita. Pagkatapos ay maaari mo itong ikumpara sa reaksyon nila sa kanyang pangangaral 13 taon bago ito naganap (tingnan sa Alma 45:20–24). Paano naiba ang epekto sa mga Nephita ng mga paghihirap ding iyon? Kapag lutung-luto na ang itlog at patatas, basagin ang itlog at hiwain ang patatas. Paano naiba ang epekto sa kanila ng kumukulong tubig? Ano ang natututuhan mo kung paano natin mapipiling tumugon sa paghihirap? Paano ka makakabaling sa Diyos sa iyong mga paghihirap?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong maging tapat sa Diyos na gaya ng mga batang kawal ni Helaman.
-
Maaari kang gumamit ng maraming resource para maibahagi ang kuwento ng mga kawal ni Helaman, kabilang na ang mga larawan sa outline na ito at ang “Kabanata 34: Si Helaman at ang 2,000 Kabataang Mandirigma” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 93–94). Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging katulad ng hukbo ni Helaman. Isiping ibahagi ang ilan sa mga katangian ng mga batang kawal mula sa Alma 53:20–21 para makapagsimula sila. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Katotohanan N’ya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 92–93).
Maaari akong maging tapat sa itinuturo nang matwid ng aking mga magulang.
-
Umasa ang mga batang kawal ni Helaman sa pananampalataya ng kanilang mga ina nang maharap sila sa isang malaking hamon. Marahil ay maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang Alma 56:46–48 at anyayahan silang pakinggan kung ano ang itinuro ng mga ina ng mga kabataang lalaking ito sa kanila tungkol sa pananampalataya. Maaari mong itanong sa kanila kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang mga magulang—o sa iba pang matatapat na adult—tungkol sa Tagapagligtas. Bakit mahalagang sumunod “nang may kahustuhan”? (Alma 57:21).
-
Paano mo matitiyak—tulad ng mga ina ng mga kabataang kawal—na alam ng iyong mga anak ang iyong pananampalataya sa Diyos? Ang isang paraan ay ibahagi kung paano naaapektuhan ng iyong pananampalataya ang buhay mo. Halimbawa, paano ka Niya “nailigtas” nang “hindi [ka] nag-alinlangan”?
Maaari kong tuparin ang aking mga tipan sa Ama sa Langit.
-
Maaaring makapagkuwento ang iyong mga anak tungkol sa isang pagkakataon na may isang taong gumawa at tumupad ng pangako sa kanila. Ano ang pakiramdam nila nang matupad ang pangako? Maaari mong basahin ang Alma 53:10–18 at anyayahan ang iyong mga anak na alamin kung paano ginawa at tinupad ni Helaman, ng mga tao ni Ammon, at ng mga anak ng mga tao ni Ammon ang kanilang mga pangako, o mga tipan. Maaari mo ring ibahagi kung paano ka pinagpapala ng Ama sa Langit kapag tinutupad mo ang iyong mga tipan.
Maaari kong piliing hindi magalit.
Isiping anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang pagkakataon na pinaratangan silang gumawa ng isang bagay na hindi nila ginawa. Ikuwento sa kanila kung paano ito nangyari kay Pahoran (tingnan sa Alma 60–61; tingnan din sa “Kabanata 35: Si Kapitan Moroni at si Pahoran,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 95–97). Para malaman kung ano ang naging reaksyon ni Pahoran, maghalinhinan sa pagbasa sa mga talata mula sa Alma 61:3–14. Ano ang ginawa ni Pahoran nang paratangan siya ni Moroni? (tingnan sa Alma 61:2–3, 8–9). Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ng Tagapagligtas? (tingnan sa Lucas 23:34).