“Sina Kapitan Moroni at Pahoran,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Sina Kapitan Moroni at Pahoran
Lakas mula sa Diyos
Ang mga Nephita at Lamanita ay nagdigmaan. Si Moroni ang kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita. Ang mga lider ng mga Nephita ay hindi nagpadala ng sapat na mga sundalo o pagkain. Nagalit si Moroni at sumulat kay Pahoran, ang pinuno ng mga Nephita.
Sa kanyang liham, tinanong ni Moroni si Pahoran kung bakit hindi siya nagpadala ng tulong. Inisip ni Moroni na walang pakialam si Pahoran sa mga tao at gusto lang niya ng kapangyarihan. Gusto ni Moroni na maging malaya ang kanyang mga tao.
Nalungkot si Pahoran na walang tulong na natanggap ang mga hukbo. Gusto niyang tulungan si Moroni, pero hindi niya ito magawa. Nilabanan siya ng ilan sa mga Nephita.
Ang mga Nephita na iyon ay tinawag na mga maka-hari. Gusto nilang magkaroon ng kapangyarihan para sa kanilang sarili at mamahala sa mga tao. Inagaw nila ang gobyerno mula kay Pahoran.
Gusto ni Pahoran na patuloy na pamunuan ang mga Nephita upang matulungan niya sila. Tulad ni Moroni, nais niyang sundin ng mga Nephita ang Diyos at panatilihin ang kanilang kalayaan. Ang nais niya sana ay hindi na sila lumaban kaninuman. Pero handa siyang lumaban kung makatutulong ito para mapanatiling ligtas ang kanyang mga tao.
Hiniling ni Pahoran sa mga Nephita na tulungan siyang lumaban upang maprotektahan ang kanilang mga pamilya, ang kanilang kalayaan, at ang kanilang karapatang sambahin ang Diyos. Alam niya na ang Espiritu ng Diyos ay mapapasakanila kapag pinili nilang ipaglaban ang tama. Maraming Nephita ang dumating para tulungan si Pahoran na ipagtanggol ang kanilang bansa.
Sumulat si Pahoran kay Moroni. Hindi siya galit kay Moroni. Sinabi niya kay Moroni ang lahat ng nangyayari. Pinakiusapan niya si Moroni na puntahan sila at tulungan siyang labanan ang mga maka-hari. Alam ni Pahoran na kung susundin nila ang Diyos, hindi nila kailangang matakot. Poprotektahan at tutulungan sila ng Diyos.
Si Moroni ay napuspos ng pag-asa dahil sa pananampalataya ni Pahoran. Pero nalungkot siya dahil ang ilang Nephita ay nakikipaglaban sa kanilang sariling mga tao at hindi sumusunod sa Diyos. Si Moroni ay kumuha ng isang hukbo at tinulungan si Pahoran. Itinaas niya ang bandila ng kalayaan saanman siya magpunta. Libu-libong Nephita ang nagpasiyang lumaban upang ipagtanggol ang kanilang kalayaan.
Tinalo nina Moroni at Pahoran ang mga maka-hari sa pamamagitan ng kanilang mga hukbo. Si Pahoran ay naging pinunong muli ng mga Nephita. Nagpadala si Moroni ng maraming kalalakihan para tulungan ang mga hukbo ng mga Nephita. Nagpadala rin siya ng pagkain sa mga hukbo. Ngayong nagkakaisa na ang mga Nephita, nanalo sila sa maraming digmaan. Nabawi nila ang maraming lungsod ng mga Nephita mula sa mga Lamanita.