“Si Haring Benjamin,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Haring Benjamin
Paglilingkod sa mga tao at Diyos
Si Haring Benjamin ay isang propeta ng Diyos na namuno sa lupain ng Zarahemla. Nagsikap siyang paglingkuran ang kanyang mga tao at tinuruan sila tungkol sa Diyos. Sa tulong ng iba pang mga propeta ng Diyos, ginawa ni Benjamin ang Zarahemla na isang payapa at ligtas na lugar para mabuhay.
Mga Salita ni Mormon 1:17–18; Mosias 1:1–7
Tumanda na si Benjamin. Hiniling niya sa kanyang anak na si Mosias na tipunin ang mga tao. Gustong sabihin ni Benjamin sa kanila na si Mosias na ang magiging bagong hari nila.
Maraming tao ang dumating mula sa iba’t ibang dako ng lupain. Nagtayo sila ng kanilang mga tolda malapit sa templo upang makinig kay Benjamin.
Nagsalita si Benjamin mula sa isang tore para marinig siya ng maraming tao. Sinabi ni Benjamin na tinulungan siya ng Diyos na pamunuan sila. Bilang hari, itinuro niya sa kanila na sundin ang mga utos ng Diyos. Hindi siya nanguha ng pera mula sa kanila o nagpasilbi sa kanila. Sa halip, nagsikap siyang maglingkod sa kanyang mga tao at sa Diyos.
Sinabi ni Benjamin sa mga tao na kapag pinaglilingkuran nila ang isa’t isa, pinaglilingkuran din nila ang Diyos. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila na ang lahat ng mayroon sila ay nagmula sa Diyos. Bilang kapalit, nais ng Diyos na sundin nila ang Kanyang mga kautusan. Kapag susunod sila, bibigyan sila ng Diyos ng mas maraming pagpapala.
Sinabi sa kanila ni Benjamin na hindi na niya kayang maging hari o guro nila. Ang kanyang anak na si Mosias ang magiging bagong hari nila.
Pagkatapos ay sinabi ni Benjamin sa kanyang mga tao na isang anghel ang bumisita sa kanya. Sinabi ng anghel na ang Anak ng Diyos na si Jesucristo ay paparito sa lupa. Gagawa siya ng mga himala at pagagalingin ang mga tao. Daranas Siya ng sakit at mamamatay upang iligtas ang lahat ng tao. Itinuro ni Benjamin na patatawarin ni Jesus ang lahat ng may pananampalataya sa Kanya at nagsisisi.
Naniwala ang mga tao sa itinuro sa kanila ni Benjamin tungkol kay Jesus. Alam nila na kailangan nilang magsisi. Lahat ng tao ay nanalangin at humiling sa Diyos na patawarin sila. Matapos silang manalangin, napasakanila ang Espiritu ng Diyos. Naging masaya sila at nalaman nila na pinatawad sila ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus.
Nadama ng mga tao ang kakaiba at bagong kalooban dahil nanampalataya sila kay Jesus. Ngayon ay gusto na nilang gumawa ng mabubuting bagay sa lahat ng oras. Nangako silang susundin ang mga utos ng Diyos habambuhay. Dahil naniwala sila kay Jesus at ginawa ang pangakong ito, tinawag silang mga tao ni Jesus.