“Ang Hari ng Lahat ng mga Lamanita,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
“Ang Hari ng Lahat ng mga Lamanita,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon
Ang Hari ng Lahat ng mga Lamanita
Pagnanais na matuto tungkol sa Panginoon
Ang mga Lamanita ay may isang hari na namuno sa lahat ng iba pa nilang hari. Siya ang ama ni Haring Lamoni. Inakala niyang ang mga Nephita ay mga kaaway. Isang araw, nakita niya si Lamoni na kasama si Ammon. Tinanong ng hari si Lamoni kung ano ang ginagawa niya’t kasama siya ng isang Nephita. Sinabi ni Lamoni sa hari na palalayain nila ang mga kapatid ni Ammon mula sa bilangguan.
Nagalit ang hari. Inakala niya na nagsisinungaling ang mga Nephita upang makapagnakaw sa mga Lamanita. Sinabi niya kay Lamoni na patayin si Ammon at sumama sa kanya.
Ayaw patayin ni Lamoni si Ammon. Sinabi niya sa hari na si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay mga propeta ng Diyos. Sinabi niya na tutulungan niya ang mga kapatid ni Ammon.
Kinuha ng hari ang kanyang espada upang saktan si Lamoni, pero pinigilan siya ni Ammon. Inatake naman ng hari si Ammon. Ipinagtanggol ni Ammon ang kanyang sarili. Nasaktan niya ang bisig ng hari para hindi makalaban ang hari. Natakot ang hari dahil napakalakas ni Ammon. Nangako siyang ibibigay kay Ammon ang kalahati ng kanyang kaharian kung hahayaan siya ni Ammon na mabuhay.
Ayaw ni Ammon ng kaharian. Sa halip, hiniling niya sa hari na palayain ang kanyang mga kapatid mula sa bilangguan. Hiniling din niya sa hari na wakasan na ang galit nito kay Lamoni. Sinabi ni Ammon na dapat hayaan ng hari si Lamoni na mamuno sa paraan na sa tingin niya ay pinakamabuti.
Nagulat ang hari kung gaano kamahal ni Ammon si Lamoni. Pumayag siyang gawin ang lahat ng ipinagagawa ni Ammon.
Gustong malaman ng hari ang iba pa tungkol sa sinabi sa kanya nina Ammon at Lamoni tungkol sa Diyos. Hiniling niya kay Ammon at sa kanyang mga kapatid na puntahan at turuan siya.
Nagpunta sina Ammon at Lamoni sa lupain ng Midoni. Nakabilanggo roon ang mga kapatid ni Ammon. Iginapos sila ng mga lubid at hindi binigyan ng pagkain o tubig. Nakumbinsi ni Lamoni ang pinuno ng Midoni na palayain ang mga kapatid ni Ammon.
Nang makalaya na sila, nagpunta ang mga kapatid ni Ammon sa ama ni Lamoni. Yumuko sila sa hari at hiniling na maging kanyang mga tagapagsilbi. Hindi pumayag ang hari. Sa halip, nais niyang ituro nila sa kanya ang tungkol sa ebanghelyo. Aaron ang pangalan ng isa sa magkakapatid. Binasa niya ang mga banal na kasulatan sa hari at itinuro sa kanya ang tungkol sa Diyos at kay Jesucristo.
Naniwala ang hari kay Aaron. Sinabi niya na isusuko niya ang kanyang buong kaharian upang makilala ang Diyos. Itinanong niya kay Aaron kung ano ang dapat niyang gawin. Sinabi ni Aaron sa hari na magsisi at manalangin sa Diyos nang may pananampalataya. Ang hari ay nagsisi sa lahat ng kanyang kasalanan at nanalangin.
Bumagsak ang hari sa lupa. Tumakbo ang mga tagapagsilbi ng hari para sabihin ito sa reyna.
Dumating ang reyna at nakita ang hari sa lupa. Inakala niyang pinatay ni Aaron at ng kanyang mga kapatid ang hari. Nagalit ang reyna.
Sinabi ng reyna sa mga tagapagsilbi na patayin si Aaron at ang kanyang mga kapatid. Pero natakot ang mga tagapagsilbi. Sinabi nila na napakalakas ni Aaron at ng kanyang mga kapatid. Natakot ngayon ang reyna. Pinapunta niya ang mga tagapagsilbi para sabihin sa mga tao sa lungsod ang nangyari. Umasa siya na papatayin ng mga tao sina Aaron at ang kanyang mga kapatid.
Alam ni Aaron na magagalit ang mga tao. Alam din niya na ang hari ay hindi patay. Tinulungan niya ang hari na tumayo. Nanumbalik ang lakas ng hari at tumayo ito. Nagulat ang reyna at mga tagapagsilbi.
Itinuro ng hari sa reyna at sa mga tagapagsilbi ang tungkol kay Jesus. Silang lahat ay naniwala kay Jesus. Nais ng hari na malaman ng lahat ng kanyang mga tao ang tungkol kay Jesus. Gumawa siya ng batas na makapagtuturo sina Aaron at ang kanyang mga kapatid ng ebanghelyo saanman sa kanyang kaharian. Tinuruan nila ang mga tao at tumawag sila ng mga saserdote at guro sa lupain.