“Nagturo si Jesus sa mga Tao,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Nagturo si Jesus sa mga Tao
Pagtulong sa kanila na matutuhan ang Kanyang ebanghelyo
Masaya ang mga tao sa Amerika na makita si Jesucristo at marinig Siyang nagtuturo. Maraming taon nilang hinintay ang pagdating ng Tagapagligtas.
Itinuro ni Jesus ang marami sa mga bagay na itinuro Niya sa mga taong malapit sa Jerusalem. Itinuro Niya sa kanila na manampalataya, magsisi, at magpabinyag. Kapag ginawa ng mga tao ang mga bagay na ito, ipadadala sa kanila ng Diyos ang Espiritu Santo. Tinuruan sila ni Jesus kung paano manalangin. Iniutos Niya sa kanila na patawarin ang iba. Gusto Niyang maging halimbawa sila sa iba.
3 Nephi 11:31–39; 12:22–24, 44; 13:5–14; 17:8; 18:15–24
Sinabi ni Jesus sa mga tao na umuwi at manalangin sa Diyos na tulungan silang maunawaan ang itinuro Niya sa kanila. Sinabi Niya na babalik Siya kinabukasan.
Nang gabing iyon, sinabi ng mga tao sa iba na nakita nila si Jesus. Pinag-usapan nila ang Kanyang sinabi at ginawa. Maraming tao ang naglakbay buong gabi upang makita si Jesus.
Kinabukasan, nagtipon ang mga tao kasama ang labindalawang disipulo ni Jesus. Itinuro ng mga disipulo sa mga tao ang lahat ng itinuro ni Jesus. Lumuhod sila sa lupa at nanalangin.
Pagkatapos ay dumating si Jesus. Ipinagdasal Niya ang Kanyang mga disipulo at ang mga tao. Nagdasal din ang mga disipulo. Nagsimula silang magliwanag na kasing liwanag ng Tagapagligtas. Naging masaya si Jesus. Ang mga disipulo ay naging dalisay dahil sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Muling nanalangin si Jesus, at narinig Siya ng mga tao na nagsabi ng mga kamangha-manghang bagay.
Nang sumunod na ilang araw, itinuro ni Jesus sa mga tao ang maraming bagay tungkol sa plano ng Ama sa Langit. Ibinahagi rin Niya ang sakramento sa kanila. Lahat ng mga tao sa lupain ay naniwala kay Jesucristo at nagpabinyag. Tinanggap nila ang kaloob na Espiritu Santo.
Nagtulungan ang mga tao at ibinahagi ang lahat ng mayroon sila. Ginawa nila ang lahat ng iniutos ni Jesus sa kanila. Tinawag sila na Simbahan ni Cristo. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay lubos na natuwa sa mga tao.