Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Mga Palatandaan ng Pagsilang ni Jesus


“Mga Palatandaan ng Pagsilang ni Jesus,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

3 Nephi 1

Mga Palatandaan ng Pagsilang ni Jesus

Pananampalataya sa mga turo ng propeta

naglakad sa lungsod ang ina at ama na may kasamang sanggol at mga bata

Mga limang taon na ang nakalipas mula nang magturo si Samuel, ang propeta, tungkol sa mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo. Maraming tao ang naniwala at nag-abang sa mga palatandaan. Sinabi ng iba na mali si Samuel at lumipas na ang panahon para sa mga palatandaan. Pinagtawanan nila ang mga naniniwala at sinabing hindi darating si Jesus.

Helaman 14:2–7; 3 Nephi 1:4–6

umupo ang pamilya sa bahay, at nagsalita ang ama

Nag-alala ang mga naniniwala, ngunit may pananampalataya sila. Patuloy nilang inabangan ang mga palatandaan. Ang isang palatandaan ay isang gabi na hindi magdidilim. Magiging maliwanag ito na tila walang gabi, kahit lumubog na ang araw. Ang gabi na walang kadiliman ay magiging palatandaan na isisilang si Jesus kinabukasan sa ibang lupain.

Helaman 14:2–4; 3 Nephi 1:7–8

natakot ang pamilya habang sinisigawan

Bumuo ng isang plano ang mga taong hindi naniniwala. Pumili sila ng isang araw at sinabing kung hindi mangyayari ang palatandaan sa araw na iyon, papatayin ang mga naniniwala.

3 Nephi 1:9

Nakita ni Nephi na nagiging malupit ang mga tao sa pamilya

Isang lalaking nagngangalang Nephi ang propeta sa panahong ito. Napakalungkot niya dahil nais ng ilang tao na patayin ang mga naniniwala.

3 Nephi 1:10

Lumuhod si Nephi upang manalangin.

Si Nephi ay yumukod sa lupa at nanalangin sa Diyos para sa mga naniniwala na malapit nang mamatay dahil sa kanilang pananampalataya. Buong araw siyang nanalangin.

3 Nephi 1:11–12

Pinagdaop ni Nephi ang kanyang mga kamay at nanalangin siya

Bilang sagot sa kanyang panalangin, narinig ni Nephi ang tinig ni Jesus. Sinabi ni Jesus na mangyayari ang palatandaan sa gabing iyon at pagkatapos ay isisilang Siya kinabukasan.

3 Nephi 1:12–14

namamanghang tumingin ang mga tao sa langit

Nang gabing iyon ay hindi nagkaroon ng kadiliman kahit lumubog na ang araw. Ang mga taong hindi naniwala sa mga salita ni Samuel ay lubhang nagulat kung kaya nangabuwal sila sa lupa. Natakot sila dahil hindi sila naniwala. Hindi pinatay ang mga taong naniwala.

3 Nephi 1:15–19

namamanghang tumingin ang mga pamilya sa bughaw at maaliwalas na langit

Kinabukasan, sumikat muli ang araw at nanatiling maliwanag ang kalangitan. Alam ng lahat ng tao na ito na ang araw na isisilang si Jesus.

3 Nephi 1:19

tumingin ang mga tao sa langit at nakakita sila ng bagong bituin

Nakakita ang mga tao ng isa pang palatandaan. Isang bagong bituin ang lumitaw sa kalangitan. Ang lahat ng palatandaan na binanggit ni Samuel ay nagkatotoo. Marami pang tao ang naniwala kay Jesus at nabinyagan.

Helaman 14:2–7; 3 Nephi 1:20–23