Mga Kuwento sa mga Banal na Kasulatan
Ang Punongkahoy ng Buhay


“Ang Punongkahoy ng Buhay,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)

“Ang Punongkahoy ng Buhay,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon

1 Nephi 8

Ang Punongkahoy ng Buhay

Ang inspiradong panaginip ni Lehi

kinakausap ni Lehi ang kanyang pamilya

Isang gabi, nagkaroon ng panaginip si Lehi na mula sa Panginoon. Sinabi niya sa kanyang pamilya ang tungkol sa panaginip.

1 Nephi 8:2–4

anghel na nakikipag-usap kay Lehi

Sa kanyang panaginip, nakakita si Lehi ng isang lalaking nakasuot ng puting bata. Sinabi ng lalaki kay Lehi na sumunod sa kanya.

1 Nephi 8:5–6

si Lehi sa kadiliman

Nakita ni Lehi na siya ay nasa madilim at mapanglaw na lugar. Naglakad siya nang maraming oras. Pero hindi nawala ang kadiliman. Sa huli ay nanalangin si Lehi para humingi ng tulong.

1 Nephi 8:7–8

si Lehi na nakatingin sa punongkahoy na may bunga

Nang matapos magdasal si Lehi, nakakita siya ng malawak na parang. Sa parang na iyon ay may isang puno na may puting bunga. Naisip ni Lehi na magpapasaya sa kanya ang bunga, kaya kinain niya ito. Napuno ang kanyang kaluluwa ng kagalakan.

1 Nephi 8:9–12

si Lehi na kumakain ng bunga habang nakatayo sina Saria, Sam, at Nephi malapit sa ilog

Mas kanais-nais ang lasa ng bunga kaysa sa iba pang bunga. Ito ay matamis at masarap. Gusto itong ibahagi ni Lehi sa kanyang pamilya. Alam niya na magpapasaya rin ito sa kanila. Nakita ni Lehi sina Saria, Sam, at Nephi na nakatayo sa tabi ng ilog. Mukhang naliligaw sila. Tinawag sila ni Lehi nang may malakas na tinig. Hiniling niya sa kanila na lumapit at kumain ng bunga.

1 Nephi 8:11–15

sina Laman at Lemuel na naglalakad palayo

Pumunta sina Saria, Sam, at Nephi sa punongkahoy at kumain ng bunga. Hinanap ni Lehi sina Laman at Lemuel. Gusto rin niyang masiyahan sila sa bunga. Pero ayaw nilang kumain ng bunga.

1 Nephi 8:16–18

mga taong nagpupunta sa puno

Pagkatapos ay nakita ni Lehi ang isang landas na may gabay na bakal na papunta sa punongkahoy. Nakita niya ang maraming taong naglalakad sa landas. Biglang dumating ang makapal na kadiliman. Mahirap makakita dahil sa kadiliman. Ang tanging paraan para makarating sa puno ay kumapit sa gabay na bakal.

1 Nephi 8:19–24

kamay na nakahawak sa gabay na bakal

May mga taong umalis sa landas at naligaw. Ang iba naman ay kumapit sa gabay na bakal at sumulong.

1 Nephi 8:23–24

babaeng kumakain ng prutas

Pagdating nila sa puno, kinain nila ang bunga.

1 Nephi 8:24

puno, ilog, at malaking gusali

Tumingala si Lehi at nakita ang isang malaking gusali na puno ng maraming tao. Pinagtatawanan nila ang mga taong kumakain ng bunga. Sumama ang pakiramdam ng ilang kumain ng bunga nang pagtawanan sila ng iba, kaya iniwan nila ang punongkahoy. Napalayo sila at naligaw.

1 Nephi 8:25–28, 31–32

mga tao sa may punongkahoy

Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang mas maraming tao na mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal. Paunti-unti silang sumulong hanggang sa makarating sila sa punongkahoy. Pagkatapos ay lumuhod sila sa punongkahoy at kinain ang bunga. Hindi sila nakinig sa mga tao sa gusali. Pinili nilang manatili sa tabi ng punongkahoy.

1 Nephi 8:30, 33

kinakausap ni Lehi ang kanyang pamilya

Nang magising si Lehi, nag-alala siya kina Laman at Lemuel. Hindi nila kinain ang bunga sa kanyang panaginip. Mahal ni Lehi sina Laman at Lemuel. Umasa siya na mananatili silang malapit sa Panginoon. Inanyayahan niya silang sundin ang mga utos ng Diyos.

1 Nephi 8:36–38