“Si Alma sa Mga Tubig ng Mormon,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Si Alma sa Mga Tubig ng Mormon
Pagiging mga tao ng Diyos
Si Alma ay dating saserdote para sa isang haring nagngangalang Noe. Sinubukan ni Alma na iligtas si Abinadi, isang propeta ng Diyos, upang hindi mapatay ni Noe. Ngunit si Noe ay nagalit kay Alma at nagnais ring patayin si Alma. Tumakas si Alma mula kay Noe upang manatiling ligtas. Sa maghapon, nagtago si Alma malapit sa isang lugar na tinatawag na Mga Tubig ng Mormon.
Naniwala si Alma sa itinuro ni Abinadi tungkol kay Jesucristo. Hiniling niya sa Diyos na patawarin siya sa kanyang mga kasalanan at pagkakamali.
Nakipagpulong nang pribado si Alma sa mga tao at itinuro niya sa kanila ang tungkol kay Jesus. Tinuruan Niya ang lahat ng nais makinig.
Maraming tao ang naniwala kay Alma. Nagtungo sila sa Mga Tubig ng Mormon upang pakinggan ang pagtuturo ni Alma.
Nagnais ang mga mananampalataya na matawag na mga tao ng Diyos, tulungan ang iba na nangangailangan, at sabihin sa mga tao ang tungkol sa Diyos. Kaya nga inanyayahan sila ni Alma na magpabinyag. Sa pagpapabinyag, sila ay gagawa ng tipan, o pangako, sa Diyos na paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan. Bilang kapalit, pagpapalain sila ng Diyos ng Kanyang Espiritu.
Masayang-masaya ang mga tao. Sila ay pumalakpak at nagpahayag na nais nilang magpabinyag. Isa-isa silang bininyagan ni Alma sa Mga Tubig ng Mormon. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu ng Diyos at nadama nila ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila. Naging mga miyembro sila ng Simbahan ni Cristo.
Nakita ni Noe na ang ilan sa kanyang mga tao ay umaalis sa kanyang lupain. Nagpadala siya ng mga tagapagsilbi upang bantayan sila. Nakita ng mga tagapagsilbi na pumupunta ang mga tao sa lupain ng Mormon upang pakinggan ang mga turo ni Alma. Galit na galit si Noe. Ipinadala niya ang kanyang hukbo upang patayin si Alma at ang mga taong tinuturuan nito.
Binalaan ng Diyos si Alma tungkol sa hukbo. Sa tulong ng Diyos, si Alma at ang kanyang mga tao ay ligtas na nakaalis sa lupain. Hindi sila naabutan ng hukbo. Sila ay naglakad nang walong araw sa ilang at nakarating sa isang magandang lupain. Nagtayo sila ng mga bagong bahay roon. Tinuruan ni Alma ang mga tao, at tinupad nila ang kanilang pangako sa Diyos.