“Si Ismael at ang Kanyang Pamilya,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Si Ismael at ang Kanyang Pamilya
Pagsama sa paglalakbay papunta sa lupang pangako
Ang pamilya nina Lehi at Saria ay nanirahan nang mag-isa sa ilang. Isang araw, sinabihan ng Panginoon si Lehi na isugo ang kanyang mga anak, sina Laman, Lemuel, Sam, at Nephi, sa Jerusalem. Ipinadala sila upang hilingin kay Ismael at sa kanyang pamilya na sumama sa kanila. Ang kanilang mga pamilya ay magkasamang makapagpapalaki ng mga anak sa lupang pangako.
Nais ni Ismael at ng kanyang pamilya na sundin ang Panginoon. Naniwala sila na nais ng Panginoon na sumama sila sa pamilya nina Lehi at Saria. Pinili nilang umalis sa Jerusalem at makipagkita kay Lehi sa ilang.
Sa kanilang paglalakbay, may mga taong ayaw nang sumunod. Gusto nilang umuwi. Hiniling ni Nephi sa kanila na manampalataya sa Panginoon.
Sinabi ni Nephi na magagawa ng Panginoon ang anumang bagay kung may pananampalataya sila. Pero nagalit sina Laman at Lemuel. Itinali nila si Nephi at gusto nilang iwan ito sa ilang.
Nanalangin si Nephi para humingi ng tulong. Nakalag ang mga lubid, at tumayo si Nephi. Pero gusto pa rin siyang saktan nina Laman at Lemuel. Ipinagtanggol si Nephi ng isa sa mga anak na babae ni Ismael. Ipinagtanggol din siya ng kanyang ina at ng isa sa kanyang mga kapatid. Nakinig naman sina Laman at Lemuel sa kanila at tumigil sa pagtatangkang saktan si Nephi.
Nalungkot sina Laman at Lemuel sa ginawa nila. Hiniling nila kay Nephi na patawarin sila. Pinatawad ni Nephi ang kanyang mga kapatid. Pagkatapos ay nanalangin sina Laman at Lemuel at hiniling sa Panginoon na patawarin sila.
Silang lahat ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay at nakarating sa tolda nina Lehi at Saria. Sa wakas, magkasama na ang dalawang pamilya. Pinasalamatan nila ang Panginoon at sinamba Siya.