“Ang Propetang si Moroni,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon (2023)
Ang Propetang si Moroni
Pagkakaroon ng dalisay na pag-ibig ni Jesucristo
Si Moroni ang huling propetang Nephita. Nakipaglaban siya sa isang malaking digmaan sa pagitan ng mga Nephita at Lamanita. Namatay sa digmaan ang kanyang pamilya at ang lahat ng kakilala niya. Ang mga tao sa lupain ay masasama. Pinatay nila ang sinumang naniniwala kay Jesucristo. Si Moroni ay naniwala kay Jesus. Hindi niya ikakaila na si Jesus ang Tagapagligtas.
Ang ama ni Moroni na si Mormon ay nagsulat ng kasaysayan ng kanilang mga tao sa mga laminang metal. Bago namatay si Mormon, ibinigay niya ang mga lamina kay Moroni. Kinailangan ni Moroni na magtago para protektahan ang sarili niyang buhay at ang mga lamina.
Mormon 6:6; 8:1–5, 13; Moroni 1:1–3
Mahirap ang buhay ni Moroni, pero nanatili siyang tapat. Isinulat niya ang itinuro ni Mormon tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Sinabi ni Mormon na ang mga tao ay dapat manalangin sa Diyos nang buong lakas ng kanilang puso upang magkaroon ng pagmamahal na ito. Sinabi niya na ang Diyos ay nagbibigay ng pag-ibig sa kapwa-tao sa mga tunay na sumusunod kay Jesus.
Moroni 7:32–33, 40–48; 10:20–21, 23
Mahal ni Moroni ang mga Lamanita kahit na pinatay ng ilan sa kanila ang lahat ng kakilala niya at gusto nilang patayin siya. Maraming bagay ang isinulat niya sa mga laminang metal para tulungan ang mga Lamanita sa hinaharap. Umasa siyang babasahin nila ang talaan balang-araw at maniniwala silang muli kay Jesus.
Mormon 8:1–3; Moroni 1:1–4; 10:1
Inanyayahan ni Moroni ang lahat ng taong nagbabasa ng talaan na isipin kung gaano kamapagmahal na inaalagaan ng Diyos ang Kanyang mga anak. Inanyayahan niya silang manalangin at tanungin ang Diyos kung totoo ang talaan. Sinabi niya na kung may pananampalataya sila kay Jesus at kung talagang gusto nilang malaman, ipaaalam sa kanila ng Diyos ang katotohanan. Malalaman nila ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Pambungad sa Aklat ni Mormon; Moroni 10:1–5
Natapos ni Moroni ang pagsusulat ng talaan. Pagkatapos ay ibinaon niya sa lupa ang mga laminang metal. Sinabi ni Jesus kay Moroni na balang-araw ay pagpapalain ng kasaysayan na nakasulat sa mga lamina ang buhay ng mga anak ng Diyos sa buong mundo.
Makalipas ang maraming taon, isinugo ng Diyos si Moroni, bilang isang anghel, upang ipakita sa isang batang lalaki na nagngangalang Joseph Smith kung saan ibinaon ang mga laminang metal. Si Joseph ay tinawag ng Diyos na maging isang propeta. Tinulungan ng Diyos si Joseph na isalin ang mga lamina upang mabasa ng mga tao ang nakasulat sa mga ito. Tinatawag ngayon ang talaan na Aklat ni Mormon.