Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 26–Setyembre 1: “Ang Bato na Ating Manunubos.” Helaman 1–6


“Agosto 26–Setyembre 1: ‘Ang Bato na Ating Manunubos.’ Helaman 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)

“Agosto 26–Setyembre 1. Helaman 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)

mga alon na humahampas sa batuhan

Agosto 26–Setyembre 1: “Ang Bato na Ating Manunubos”

Helaman 1–6

Nakatala sa aklat ni Helaman kapwa ang mga tagumpay at trahedya sa buhay ng mga Nephita at Lamanita. Nagsisimula ito sa “malubhang suliranin sa mga tao ng mga Nephita” (Helaman 1:1), at patuloy na dumarating ang mga paghihirap sa buong talaan. Dito ay mababasa natin ang intriga sa pulitika, mga pangkat ng mga tulisan, pagtanggi sa mga propeta, at kapalaluan at kawalan ng paniniwala sa buong lupain. Ngunit makikita rin natin ang mga halimbawang gaya nina Nephi at Lehi at “ang higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao,” na hindi lamang nakaligtas kundi nagkaroon ng espirituwal na pag-unlad (Helaman 3:34). Paano nila ginawa iyon? Paano sila nanatiling matatag samantalang nagsimula nang manghina at magkawatak-watak ang kanilang sibilisasyon? Katulad ng pananatiling matatag ng sinuman sa atin sa “malakas na bagyo” na ipinadadala ng diyablo para “humampas sa [atin]”—sa pagsandig ng ating buhay “sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang anak ng Diyos, … isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

13:30

Nagpatotoo sina Nephi at Lehi tungkol kay Jesucristo | Helaman 5-7

Sina Nephi at Lehi ay dinakip ng mga Lamanita dahil sa pagtuturo tungkol sa Panginoon. Nang tangkain silang patayin, pinrotektahan sila ng Panginoon gamit ang apoy at bumaba ang mga anghel. Ang mga Lamanita ay nabago at nagpatotoo tungkol kay Cristo.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Helaman 1–6

Ang kapalaluan ay naglalayo sa akin mula sa Espiritu at sa lakas ng Panginoon.

Habang binabasa mo ang Helaman 1–6, maaari mong mapansin ang isang pattern sa pag-uugali ng mga Nephita. Kapag sila ay mabubuti, pinagpapala sila ng Diyos, at sila ay umuunlad. Makalipas ang ilang panahon, sila ay nagiging palalo at masama, gumagawa ng mga pagpapasiyang humahantong sa pagkawasak at pagdurusa. Pagkatapos ay nagpapakumbaba sila at nahihikayat na magsisi, at muli silang pinagpapala ng Diyos. Napakadalas maulit ng pattern na ito kaya tinatawag ito ng ilan na “siklo (o paulit-ulit na) kapalaluan.”

ang siklo ng kapalaluan

Ang “siklo ng kapalaluan”

Maghanap ng mga halimbawa ng siklo na ito habang binabasa mo ang Helaman 1–6. Narito ang ilang tanong na magpapaunawa sa iyo sa pattern na ito:

  • Anong katibayan ng kapalaluan ang nakikita mo sa mga Nephita? (tingnan, halimbawa, sa Helaman 3:33–34; 4:11–13). May nakikita ka bang katulad na katibayan ng kapalaluan sa sarili mo?

  • Ano ang mga bunga ng kapalaluan at kasamaan? (tingnan sa Helaman 4:23–26). Ano ang mga bunga ng pagpapakumbaba at pagsisisi? (tingnan sa Helaman 3:27–30, 35; 4:14–16).

  • Anong mga bagay ang ninais ni Helaman na tandaan ng kanyang mga anak? (tingnan sa Helaman 5:4–12). Sa anong mga paraan ka matutulungan ng pag-alaala sa mga katotohanang ito para maiwasan mong maging palalo?

Tingnan din sa “Kabanata 18: Mag-ingat sa Kapalaluan,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson (2014), 269–82; “Kailangan Ko Kayo,” Mga Himno, blg. 54.

Helaman 3:24–35

Ang pananampalataya kay Cristo ay naghahatid ng puspos na kagalakan sa aking kaluluwa.

Sa Helaman 3, inilarawan ni Mormon ang isang panahon ng kagalakan nang labis na pinagpala ang Simbahan kaya maging ang mga pinuno ay nagulat. Batay sa nabasa mo sa mga talata 24–32, ano sa palagay mo ang nagdulot ng masayang kalagayang iyon? Kaya lamang, hindi lahat ng miyembro ay nagpatuloy sa kagalakan. Pansinin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga taong inilarawan sa mga talata 33–35. Ano ang matututuhan mo mula sa kanilang halimbawa?

Maghanap ng personal na aplikasyon o pagsasabuhay. Ginamit ni propetang Mormon ang pariralang “sa gayon makikita natin” upang bigyang-diin ang mahahalagang katotohanan nang pinaikli niya ang Aklat ni Mormon. Halimbawa, ano ang gusto niyang makita natin sa Helaman 3:27–30? Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, maaari kang huminto paminsan-minsan para kumpletuhin ang pariralang “at sa gayon makikita natin” mula sa binasa mo.

Helaman 5:6–7

Maaari kong igalang ang pangalan ng Tagapagligtas.

Ang pagbasa sa Helaman 5:6–7 ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin ang mga pangalang naibigay sa iyo, pati na ang mga apelyido ng iyong mga kapamilya. Ano ang kahulugan ng mga pangalang ito sa iyo? Paano mo maaaring igalang ang mga ito? Ang mas mahalaga pa, isipin kung ano ang ibig sabihin ng taglayin ang pangalan ng Tagapagligtas (tingnan sa Moroni 4:3). Paano mo iginagalang ang sagradong pangalang iyon?

Helaman 5:12–52

seminary icon
Kung gagawin kong saligan si Jesucristo, hindi ako maaaring bumagsak.

Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “itayo ang inyong saligan” sa “bato na ating Manunubos”? (Helaman 5:12). Paano ka nakahanap ng kaligtasan kay Jesucristo mula sa mga unos ng buhay? Habang binabasa mo ang Helaman 52:12–52, tukuyin kung paano pinagpala sina Nephi at Lehi dahil sa pagpapalakas ng kanilang pananampalataya sa bato na kanilang Manunubos.

Nakakatulong sa ilang tao na ilarawan sa isipan ang pinag-aaralan nila. Para mailarawan ang Helaman 5:12, maaari kang magtayo ng isang maliit na istruktura sa iba’t ibang uri ng pundasyon. Pagkatapos ay maaari kang lumikha ng “malakas na bagyo” sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig dito at paggamit ng electric fan para lumikha ng hangin. Anong mga kabatiran ang ibinibigay nito sa iyo tungkol sa pagtatayo ng iyong saligan kay Jesucristo?

Binanggit sa talata 50 ang “dami ng katibayan” na natanggap ng mga Lamanita. Ang pagbasa sa Helaman 5:12–52 ay maaaring magpaisip sa iyo ng mga katibayang naibigay sa iyo ng Diyos. Halimbawa, napalakas siguro ng “isang bulong” mula sa Espiritu ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas (Helaman 5:30; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:66). O marahil ay matagal ka nang nasa kadiliman at nagsumamo ka sa Diyos na magkaroon ng mas malakas na pananampalataya (tingnan sa Helaman 5:40–47). Anong iba pang mga karanasan ang nakatulong sa iyo na maitayo ang iyong saligan kay Jesucristo?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–96; Sean Douglas, “Pagharap sa Ating mga Espirituwal na Bagyo sa Pamamagitan ng Paniniwala kay Cristo,” Liahona, Nob. 2021, 109–11; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pananampalataya kay Jesucristo,” Gospel Library.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para a Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Idea para sa Pagtuturo sa mga Bata

Helaman 3:24, 33–34; 4:11–15

Nais ng Ama sa Langit na magpakumbaba ako.

  • Isiping anyayahan ang iyong mga anak na idrowing ang sarili nilang bersyon ng “siklo o paulit-ulit na kapalaluan,” batay sa diagram sa itaas. Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang Helaman 3:24, 33–34 at 4:11–15, maaari nilang ituro ang mga bahagi ng siklo na inilalarawan sa mga talatang ito. Paano natin mapipiling magpakumbaba—at manatiling gayon?

Helaman 5:12

Itatayo ko ang aking pundasyon kay Jesucristo.

  • Isiping gumamit ng larawan ng templo para magpasimula ng pag-uusap kung bakit kailangan ng mga gusali ang matitibay na pundasyon. O maaari ninyong tingnan ang pundasyon ng inyong tahanan o gusali ng Simbahan. Para mabigyang-diin ang lakas ng isang pundasyon na kasintibay ng bato, maaaring subukan ng iyong mga anak na pagalawin ang isang bato sa pamamagitan ng pag-ihip dito. Habang sama-samang ninyong binabasa ang Helaman 5:12, tanungin ang iyong mga anak kung bakit si Jesucristo ang “tunay na saligan” para sa ating buhay. Paano natin maisasalig ang ating buhay sa Kanya? (tingnan sa Helaman 3:27–29, 35 at sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).

  • Anyayahan ang iyong mga anak na magtayo ng isang tore gamit ang blocks o iba pang mga materyal sa iba’t ibang uri ng pundasyon (tulad ng mga cotton ball o isang flat na bato). Paano katulad ni Jesucristo ang matibay na pundasyon? Maaari silang magdagdag ng isang block sa istruktura para sa bawat ideyang ibinabahagi nila kung ano ang magagawa nila para masunod Siya.

Helaman 5:21–52

Bumubulong ang Espiritu Santo sa marahan at banayad na tinig.

  • Ang tinig na inilarawan sa Helaman 5:29–30, 45–47 ay nagtuturo sa atin ng isang paraan na nangungusap sa atin ang Espiritu Santo. Para maipaunawa sa iyong mga anak ang katotohanang ito, isiping basahin ang “Kabanata 37: Sina Nephi at Lehi sa Bilangguan” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 99–102). Kapag pinag-usapan ninyo ang tinig na narinig ng mga tao, magsalita sa mahinang tinig. Ulitin ang kuwento nang ilang beses, at anyayahan ang mga bata na sabayan kang bumulong. Tulungan silang mag-isip ng iba pang mga paraan na maaaring mangusap sa atin ang Espiritu Santo. Para mapatibay ang alituntuning ito, maaari ninyong sama-samang kantahin ang “Ang Marahan at Banayad na Tinig” (Liahona, Abril 2006, K13).

Helaman 5:20–52

Pinapalitan ng pagsisisi ng liwanag ang espirituwal na kadiliman.

  • Para mabigyang-diin ang itinuturo ng Helaman 5:20–41 tungkol sa kadiliman at liwanag, subukang basahin o ibuod ang mga talatang ito sa dilim, gamit lamang ang isang flashlight para sa liwanag. Maaaring pakinggan ng iyong mga anak kung ano ang kinailangang gawin ng mga tao para mawala ang kadiliman. Pagkatapos ay sindihan ang mga ilaw, at sama-samang basahin ang mga talata 42–48. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagsisisi?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

sina Nephi at Lehi sa bilangguan

Maging sa bilangguan, sina Nephi at Lehi ay pinrotektahan ng kapangyarihan ng Diyos.

© The Book of Mormon for Young Readers, Nephi and Lehi Encircled by a Pillar of Fire [Sina Nephi at Lehi na Napapaligiran ng Haliging Apoy], ni Briana Shawcroft; hindi maaaring kopyahin