“Setyembre 16–22: ‘Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak.’ 3 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Setyembre 16–22. 3 Nephi 1–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Setyembre 16–22: “Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magalak”
3 Nephi 1–7
Sa ilang paraan, isang kapana-panabik na panahon iyon para manampalataya kay Jesucristo. Natutupad noon ang mga propesiya—ipinahiwatig ng mga dakilang palatandaan at himala sa mga tao na malapit nang isilang ang Tagapagligtas. Sa kabilang dako, nakakapag-alala rin ang panahong iyon para sa mga mananampalataya dahil, sa kabila ng lahat ng himala, iginiit ng mga hindi nananalig na “ang panahon ay nakalipas na” para isilang ang Tagapagligtas (3 Nephi 1:5). Lumikha ng “malaking pagkakaingay sa buong lupain” ang mga tao (3 Nephi 1:7) at nagtakda pa ng petsa para patayin ang mga mananampalataya kung ang palatandaang iprinopesiya ni Samuel na Lamanita—isang gabi na walang kadiliman—ay hindi lilitaw.
Sa mahihirap na sitwasyong ito, ang propetang si Nephi ay “nagsumamo nang buong taimtim sa kanyang Diyos para sa kapakanan ng kanyang mga tao” (3 Nephi 1:11). Ang sagot ng Panginoon ay nagpapasigla sa sinumang dumaranas ng pag-uusig o pag-aalinlangan at kailangang malaman na madaraig ng liwanag ang kadiliman: “Itaas mo ang iyong ulo at magalak; … tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta” (3 Nephi 1:13).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Ang pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nangangailangan ng tiyaga at pagsisikap.
Inilalarawan sa 3 Nephi 1–7 ang mga taong nagbalik-loob sa Panginoon at ang iba na hindi. Ano ang nakagawa ng kaibhan sa pagitan ng mga grupong ito? Maaaring makatulong sa iyo ang tsart na tulad ng sumusunod para maiorganisa ang mga iniisip mo:
Mga bagay na nagpapahina sa pagbabalik-loob |
Mga bagay na nagpapalakas sa pagbabalik-loob | |
---|---|---|
Hindi pinaniniwalaan ang mga salita ng propeta at pinagtatawanan ang mabubuting tao |
Pagkakaroon ng pananampalataya sa mga salita ng propeta at paghingi ng tulong sa panalangin | |
Dahil kay Jesucristo, maaari akong “magalak.”
Alam ng iyong Ama sa Langit na kasama sa buhay mo ang mga sandaling mahirap, at nakakatakot pa nga. Pero nais din Niyang maranasan mo ang kagalakan. Basahin ang 3 Nephi 1:1–23 para malaman kung bakit kinailangang matakot ang matatapat na Nephita. Anong dahilan ang ibinigay sa kanila ng Panginoon para “magalak”?
Ginamit ng Tagapagligtas ang salitang “magalak” sa ilang pagkakataon—halimbawa, sa Mateo 14:24–27; Juan 16:33; Doktrina at mga Tipan 61:36; 78:17–19. Ano ang hinahangaan mo sa mga paanyayang ito? Maaari mong basahin ang nakapaligid na mga talata para maunawaan ang mga sitwasyon kung saan sinabi ng Tagapagligtas ang mga salitang ito. Sa bawat pagkakataon, anong mga dahilan ang ibinigay Niya para tulungan ang mga tao na harapin ang kanilang mga pangamba? Paano Niya nagawa ito para sa iyo?
Isiping pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan” (Liahona, Nob. 2016, 81–84). Ano ang itinuturo sa iyo ni Pangulong Nelson tungkol sa pagkakaroon ng kagalakan sa anumang sitwasyon? Pansinin kung ilang beses ginagamit ni Pangulong Nelson ang salitang pokus o tuon. Maaari mo sigurong ikumpara ang pagtutuon ng isang kamera o iba pang lente sa pagtutuon kay Jesucristo. Paano ka mas magtutuon sa Kanya?
Tingnan din sa “Pighati,” “Pag-asa,” “Kalusugan ng Pag-iisip,” o iba pang mga paksa sa bahaging “Tulong sa Buhay” ng Gospel Library.
Tutuparin ng Panginoon ang lahat ng sinabi Niya sa Kanyang takdang panahon.
Basahin ang 3 Nephi 1:4–7 at pag-isipan kung ano kaya ang madarama mo kung naging isa ka sa mga mananampalataya. Ano ang ginawa nila para mapanatiling malakas ang kanilang pananampalataya? (tingnan sa 3 Nephi 1:4–21 at 5:1–3). Paano natupad ang mga salita ni Samuel? (tingnan sa 3 Nephi 1:19–21). Paano natupad ng Panginoon ang Kanyang mga salita sa buhay mo?
3 Nephi 1:4–15; 5:12–26; 6:10–15; 7:15–26
Ako ay isang disipulo ni Jesucristo.
Ipinahayag ni Mormon, “Masdan, ako ay disipulo ni Jesucristo” (3 Nephi 5:13). Ano ang kahulugan sa iyo ng katagang ito? Isiping saliksikin ang 3 Nephi 1:4–15; 5:12–26; 6:10–15; at 7:15–26, na hinahanap ang mga katangian, paniniwala, at kilos ng mga disipulo ni Cristo.
Tingnan din sa “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40.
Kapag nananampalataya ako kay Jesucristo, hindi ako kailangang mangamba.
Ang karanasan ng mga Nephita sa mga pangkat ng mga tulisan ay maaaring may mga aral na makakatulong sa iyo sa mga espirituwal na panganib na kinakaharap mo. Hanapin ang mga aral na ito sa 3 Nephi 2:11–12 at 3:1–26. Halimbawa, maaari mong saliksikin ang mga salita ni Giddianhi sa 3 Nephi 3:2–10 at ikumpara ang mga ito sa mga paraan na maaaring subukan ni Satanas na linlangin ka. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Laconeo?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Isang bagong bituin ang lumitaw nang isilang si Jesucristo.
-
Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay makakatulong sa iyong mga anak na malaman ang tungkol sa mga himalang nasaksihan ng mga Nephita nang isilang si Jesus. Maaari mo ring gamitin ang “Kabanata 41: Ang mga Palatandaan ng Pagsilang ni Cristo” (Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 114–16) para ituro sa kanila ang kuwentong ito—o tulungan silang ikuwento iyon sa iyo.
Laging natutupad ang mga salita ng mga propeta.
-
Habang binabasa ninyo ng inyong mga anak ang 3 Nephi 1:4–10, anyayahan silang pag-usapan kung ano kaya ang pakiramdam ng maging isa sa mga mananampalatayang nabuhay sa panahong iyon. Pagkatapos, habang binabasa nila ang natitirang bahagi ng salaysay sa mga talata 11–15, maaari silang magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap na ito: “Ang aral ng kuwentong ito para sa akin ay …”
-
Matutulungan ka siguro ng iyong mga anak na mag-isip ng iba pang mga pagkakataon na tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangakong ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Baka gusto nilang maghanap ng mga larawan ng mga kuwentong ito sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (tingnan, halimbawa, sa blg. 7–8 at 81). Hayaang ibahagi nila ang nalalaman nila tungkol sa mga kuwentong ito, pati na kung paano natupad ang mga pangako ng Diyos. Sama-samang basahin ang 3 Nephi 1:20, at ibahagi ang sarili mong patotoo tungkol sa mga katotohanang ito.
3 Nephi 2:11–12; 3:13–14, 24–26
Mas malakas tayo kapag nagkakatipun-tipon tayo.
-
Tulungan ang iyong mga anak na tuklasin kung bakit nagtipun-tipon ang mga Nephita at ano ang mga pagpapalang dumating sa kanila sa 3 Nephi 2:11–12 at 3:13–14, 24–26. Bakit mahalaga para sa atin na magtipun-tipon ngayon sa ating pamilya at sa simbahan?
-
May alam ka bang isang object lesson na nagtuturo tungkol sa lakas ng pagkakaisa? Maaari sigurong subukan ng iyong mga anak na baliin ang isang patpat at pagkatapos ay ang isang bungkos ng mga patpat o punitin ang isang piraso ng papel at pagkatapos ay ang isang bungkos ng mga papel. Paano tayo katulad ng mga patpat o papel?
3 Nephi 5:12–26; 6:14; 7:15–26
Ako ay disipulo ni Jesucristo.
-
Matapos basahin nang sama-sama ang 3 Nephi 5:13, anyayahan ang iyong mga anak na ulitin ang pariralang “Ako ay disipulo ni Jesucristo.” Para malaman kung ano ang ibig sabihin ng maging disipulo ni Jesucristo, sama-samang basahin ang ilan sa mga halimbawang ito: ang mga Lamanitang nagbalik-loob (tingnan sa 3 Nephi 6:14), si Mormon (tingnan sa 3 Nephi 5:12–26), at si Nephi (tingnan sa 3 Nephi 7:15–26). Maaari ka ring makahanap ng mga ideya sa isang awitin tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41).
-
Sa isang piraso ng papel, tulungan ang iyong mga anak na bakatin ang kanilang kamay at gupitin ito. Isulat ang “Ako ay disipulo ni Jesucristo” sa harap, at anyayahan silang idrowing sa likod ang isang bagay na magagawa nila para maging disipulo.