“Setyembre 23–29: ‘Bumangon at Lumapit sa Akin.’ 3 Nephi 8–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Setyembre 23–29. 3 Nephi 8–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Setyembre 23–29: “Bumangon at Lumapit sa Akin”
3 Nephi 8–11
“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig” (3 Nephi 11:10). Sa mga salitang ito, ipinakilala ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang Kanyang sarili, na tumutupad sa mahigit 600 taon ng mga propesiya sa Aklat ni Mormon. “Ang pagpapakita at pahayag na iyon,” pagsulat ni Elder Jeffrey R. Holland, “ang pinakamahalaga, ang pinakadakilang sandali, sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Iyon ang pagpapakita at kautusan na nagpaalam at nagpasigla sa bawat propetang Nephita. … Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, nangarap sa kanya, at ipinagdasal na magpakita siya—ngunit narito siya talaga. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinagliliwanag na parang umaga ang bawat gabing madilim ay narito na” (Christ and the New Covenant [1997], 250–51).
Tingnan din sa “Nagpakita si Jesucristo sa Lumang Amerika” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan.
Maaari mong mapansin na ang mga temang may kaugnayan sa kadiliman at liwanag ay inulit-ulit sa buong 3 Nephi 8–11. Ano ang matututuhan mo mula sa mga kabanatang ito tungkol sa espirituwal na kadiliman at liwanag? (tingnan, halimbawa, sa 3 Nephi 8:19–23; 9:18; 10:9–13). Ano ang naghahatid ng kadiliman sa buhay mo? Ano ang naghahatid ng liwanag? Sa palagay mo, bakit ipinakilala ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan”? (3 Nephi 9:18; 11:11).
Ang mga pangyayaring nakalarawan sa 3 Nephi 11:9–11 ay kabilang sa pinakasagrado sa Aklat ni Mormon. Basahin nang dahan-dahan ang mga ito, at pagnilayang mabuti. Narito ang ilang tanong na makakatulong sa iyo. Isiping itala ang mga impresyong dumarating sa iyo.
-
Ano kaya ang madarama ko kung kasama ako ng mga taong ito?
-
Ano ang hinahangaan ko tungkol sa Tagapagligtas sa mga kabanatang ito?
-
Paano ko malalaman na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas?
-
Paano Siya naging ilaw sa buhay ko?
Tingnan din sa Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 73–76.
Sabik si Jesucristo na magpatawad.
Ipinahayag ni Elder Neil L. Andersen, “Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Liahona, Nob. 2009, 40). Saliksikin ang 3 Nephi 9–10 para sa katibayan na sabik si Cristo na magpatawad. Ano ang nakikita mo sa 3 Nephi 9:13–22; 10:1–6 na nagpapadama sa iyo ng Kanyang pagmamahal at awa? Kailan mo nadama na “tini[ti]pon” at “in[a]alagaan” ka Niya (tingnan sa 3 Nephi 10:4).
Humihiling ang Panginoon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu.”
Bago dumating ang Tagapagligtas, pag-aalay ng mga hayop ang simbolo ng sakripisyo ni Jesucristo (tingnan sa Moises 5:5–8). Anong bagong kautusan ang ibinigay ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 9:20–22? Paano tayo nito itinuturo sa Kanya at sa Kanyang sakripisyo?
Ano ang ibig sabihin ng mag-alay ng sakripisyo na bagbag na puso at nagsisising espiritu? Sa palagay mo, bakit nais ng Tagapagligtas ang sakripisyong ito mula sa iyo?
Maaari kong matutuhang pakinggan at unawain ang tinig ng Diyos.
Paano mo malalaman na nangungusap ang Diyos sa iyo? Marahil ay maipauunawa sa iyo ng karanasan ng mga tao sa 3 Nephi 11:1–8 ang ilang alituntunin ng pakikinig at pag-unawa sa tinig ng Diyos. Maaari mong mapansin ang mga katangian ng tinig ng Diyos na narinig ng mga tao at kung ano ang ginawa nila para mas maunawaan ito.
Maaari ding makatulong na saliksikin ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa tinig ng Diyos o sa impluwensya ng Kanyang Espiritu. Narito ang ilan. Marahil, matapos basahin ang mga ito, maaari mong isulat ang ilang patnubay sa pagkilala sa paghahayag: 1 Mga Hari 19:11–12; Galacia 5:22–23; Alma 32:27–28, 35; Helaman 10:2–4; Eter 4:11–12; Doktrina at mga Tipan 9:7–9; 11:11–14.
Maaari ka ring makinabang sa pakikinig sa mga propeta, apostol, at iba pang mga lider ng Simbahan ngayon na may karanasan sa pakikinig at pagsunod sa tinig ng Diyos. Ang ilan sa kanila ay nagbahagi ng kanilang mga karanasan sa koleksyon ng mga video na “Pakinggan Siya!” sa Gospel Library. Isiping panoorin ang isa o mahigit pa sa mga ito.
Paano mo magagamit ang natutuhan mo para marinig at makilala nang mas malinaw ang tinig ng Diyos?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Personal Revelation,” Gospel Library.
Inaanyayahan ako ni Jesucristo na magkaroon ng personal na patotoo tungkol sa Kanya.
Mga 2,500 katao ang nakatipon sa templo sa Masagana nang magpakita si Jesucristo (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Sa kabila ng malaking bilang na ito, “isa-isa” silang inanyayahan ng Tagapagligtas na damhin ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa (3 Nephi 11:14–15). Habang nagbabasa ka, isipin kung ano kaya ang pakiramdam nang makasama roon. Sa anong mga paraan ka inaanyayahan ng Tagapagligtas na “bumangon at lumapit sa” Kanya? (3 Nephi 11:14).
Habang iniisip ninyo ang maaaring pakiramdam ng matuto mula sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas nang magturo Siya sa Amerika, isiping siyasatin ang interactive na karanasang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendiks B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Kapag ako ay nasa kadiliman, maaari kong maging ilaw si Jesucristo.
-
Para makaugnay ang iyong mga anak sa mga karanasang inilarawan sa 3 Nephi 8–9, maaari mong ikuwentong muli o pakinggan ang isang recording ng mga bahagi ng mga kabanatang ito sa isang madilim na silid. Talakayin kung ano ang pakiramdam ng mapunta sa kadiliman sa loob ng tatlong araw. Pagkatapos ay maaari mong talakayin kung bakit tinawag ni Jesucristo ang Kanyang Sarili na Ilaw ng Sanlibutan (tingnan sa 3 Nephi 9:18). Ano ang ipinagawa ni Jesus sa mga tao, at sa atin, upang maaari natin Siyang maging ilaw? (tingnan sa 3 Nephi 9:20–22).
Pinoprotektahan ni Jesus ang Kanyang mga tao tulad ng pagprotekta ng inahing manok sa kanyang mga sisiw.
-
Ang matalinghagang paglalarawan sa isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa pagtuturo para maipaunawa sa mga bata ang katangian at misyon ng Tagapagligtas. Maaari mong basahin ang 3 Nephi 10:4–6 habang tinitingnan ng pamilya mo ang isang larawan ng inahing manok at mga sisiw. Bakit kakailanganin ng isang inahing manok na tipunin ang kanyang mga sisiw? Bakit nais ng Tagapagligtas na tipunin tayo nang malapit sa Kanya? Paano tayo lalapit sa Kanya para sa kaligtasan?
Inaanyayahan ako ni Jesucristo na lumapit sa Kanya.
-
Paano mo maipadarama sa iyong mga anak ang Espiritu habang binabasa ninyo ang 3 Nephi 11:1–15 nang magkakasama? Marahil ay maaari mong hilingin sa kanila na sabihin sa iyo kapag may nakita sila sa mga talatang ito na nagpapadama sa kanila ng pagmamahal ng Diyos. Maaari mo ring gawin iyon sa mga larawan sa outline na ito o sa video na “Nagpakita si Jesucristo sa Templo” (Gospel Library). Sabihin sa iyong mga anak kung ano ang nadarama mo kapag binabasa at pinagninilayan mo ang mga pangyayaring ito. Hayaan din silang ibahagi ang kanilang mga damdamin.
Nangungusap ang Diyos sa akin sa mahina at banayad na tinig.
-
Marahil ay maaari mong basahin ang ilan sa mga talatang ito sa mahina at “banayad na tinig” (3 Nephi 11:3). O maaari kang magpatugtog ng isang awitin, nang mahina lang para mahirap itong marinig. Ano ang kinailangang gawin ng mga tao para maunawaan ang tinig mula sa langit? (tingnan sa mga talata 5–7). Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang karanasan?
Nais ni Jesucristo na mabinyagan ako.
-
Habang binabasa mo ang 3 Nephi 11:21–26, maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na tumayo tuwing maririnig nila ang salitang magbinyag o mabinyagan. Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa binyag? Kung nakakita na dati ng binyag ang iyong mga anak, hilingan silang ilarawan ang nakita nila. Bakit nais ni Jesus na mabinyagan tayo?