“Setyembre 30–Oktubre 6: ‘Ako ang Batas, at ang Ilaw.’ 3 Nephi 12–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Setyembre 30–Oktubre 6. 3 Nephi 12–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Setyembre 30–Oktubre 6: “Ako ang Batas, at ang Ilaw”
3 Nephi 12–16
Gaya ng mga disipulo ni Jesus na nagtipon para marinig ang Sermon sa Bundok sa Galilea, naipamuhay ng mga taong nagtipon sa templo sa Masagana (Bountiful) ang batas ni Moises. Nasunod nila iyon dahil itinuro niyon ang kanilang kaluluwa kay Cristo (tingnan sa Jacob 4:5), at ngayon ay nakatayo si Cristo sa kanilang harapan, at nagpapahayag ng mas mataas na batas. Ngunit mapapansin kahit ng mga kasama natin na hindi naipamuhay kailanman ang batas ni Moises na mataas ang pamantayang itinakda ni Jesus para sa Kanyang mga disipulo. “Nais ko na kayo ay maging [sakdal],” pahayag Niya (3 Nephi 12:48). Kung ipinadarama nito sa iyo na may kakulangan ka, alalahanin na sinabi rin ni Jesus, “Mapapalad ang mga aba sa espiritu na lumalapit sa akin, sapagkat sa kanila ang kaharian ng langit” (3 Nephi 12:3). Ang mas mataas na batas na ito ay isang paanyaya—isa pang paraan ng pagsasabing “magsilapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas” (3 Nephi 12:20). Gaya ng batas ni Moises, ang batas na ito ay itinuturo tayo kay Cristo—Siya na tanging makapagliligtas sa atin at magagawa tayong sakdal. “Masdan,” wika Niya, “ako ang batas, at ang ilaw. Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay” (3 Nephi 15:9).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Maaari akong maging tunay na disipulo ni Jesucristo.
Narito ang isang paraan para pag-aralan at ipamuhay ang itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 12–14: Pumili ng isang grupo ng mga talata, at tingnan kung maibubuod mo ang mga iyon sa isang pangungusap na nagsisimula sa “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo …” Halimbawa, ang buod ng 3 Nephi 13:1–8 ay maaaring “Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo ay hindi naghahangad ng papuri ng publiko para sa paggawa ng mabuti.” Subukan iyon sa mga siping ito:
Matapos basahin ang mga talatang ito, ano ang nahihikayat kang gawin para masunod si Jesucristo?
Ang kautusan sa 3 Nephi 12:48 ay tila napakabigat—imposible pa nga. Ano ang natututuhan mo sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas” (Liahona, Nob. 2017, 40–42) na nagpapaunawa sa iyo sa mga salita ng Tagapagligtas sa talatang ito? Sang-ayon sa Moroni 10:32–33, paano nagiging posible na maging sakdal na tulad ng Tagapagligtas?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Hamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 32–34;“Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164; “Itinuro ni Jesucristo Kung Paano Ipamuhay ang Mas Mataas na Batas” (video), Gospel Library.
3 Nephi 12:1–2; 15:23–24; 16:1–6
Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nakikita.
Iilan lamang sa mga anak ng Diyos ang nakakita sa Tagapagligtas at nakarinig sa Kanyang tinig, tulad ng mga tao sa Masagana. Karamihan sa atin ay mas katulad ng mga taong inilarawan sa 3 Nephi 12:2; 15:23; at 16:4–6. Ano ang mga ipinangako sa gayong mga tao sa mga talatang ito? Paano natupad ang mga pangakong ito sa buhay mo?
Tingnan din sa Juan 20:26–29; 2 Nephi 26:12–13; Alma 32:16–18.
3 Nephi 12:21–30; 13:1–8, 16–18; 14:21–23
Maaari kong sikaping dalisayin ang mga hangarin ng puso ko.
Ang isang temang maaari mong mapansin sa mga kabanatang ito ay ang paanyaya ng Tagapagligtas na ipamuhay ang mas mataas na batas—na maging matwid hindi lamang sa ating mga kilos kundi gayundin sa ating puso. Hanapin ang temang ito nang kung kailan tinatalakay ng Tagapagligtas ang pagtatalo (3 Nephi 12:21–26), imoralidad (3 Nephi 12:27–30), panalangin (3 Nephi 13:5–8), at pag-aayuno (3 Nephi 13:16–18). Anong iba pang mga halimbawa ang makikita mo? Ano ang magagawa mo para mapadalisay ang mga hangarin ng iyong puso?
Bibigyan ako ng Ama sa Langit ng mabubuting bagay kapag ako ay humingi, naghanap, at kumatok.
Habang binabasa mo ang paanyaya ng Panginoon sa 3 Nephi 14:7–11 na humingi, maghanap, at kumatok, pagnilayan kung anong “mabubuting bagay” ang maaaring nais Niyang hingin mo. Ang sumusunod na karagdagang mga talata ay maaaring magpaunawa sa iyo kung paano humingi, maghanap, at kumatok. Maaari ding maipaliwanag ng mga ito kung bakit hindi sinasagot ang ilang panalangin sa paraang inaasahan mo: Isaias 55:8–9; Helaman 10:4–5; Moroni 7:26–27, 33, 37; at Doktrina at mga Tipan 9:7–9; 88:64. Paano maaaring makaapekto ang mga siping ito sa paraan ng iyong paghingi, paghahanap, at pagkatok?
Tingnan din sa Milton Camargo, “Humingi, Maghanap, at Kumatok,” Liahona, Nob. 2020, 106–8.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari akong maging mabuting halimbawa sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus.
-
Kung minsan ay maaaring hindi matanto ng mga bata kung gaano mapagpapala ng kanilang mga halimbawa ang iba. Gamitin ang 3 Nephi 12:14–16 para hikayatin silang paningningin ang kanilang ilaw. Halimbawa, kapag binasa mo ang “ikaw” o “iyong” sa mga talatang ito, hilingin sa iyong mga anak na ituro ang kanilang sarili. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa liwanag na nakikita mo sa kanila kapag sinusunod nila si Jesucristo at kung paano ka nahihikayat nito na sumunod din sa Kanya. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awiting naghihikayat sa mga bata na magningning na parang tala, tulad ng “Tila Ba Ako’y Isang Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 84).
-
Para mahikayat ang iyong mga anak na huwag itago ang kanilang ilaw (tingnan sa 3 Nephi 12:15), hayaan silang maghalinhinan sa pagtatago o pagtatakip sa isang lampara o iba pang ilaw. Maaari nilang alisan ng takip ang ilaw tuwing magbabanggit sila ng isang bagay na magagawa nila para maging mabuting halimbawa sa iba.
“Mag-ipon para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.”
-
Ang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring maghikayat ng isang talakayan tungkol sa mga bagay na pinahahalagahan natin. Maaari mo sigurong pamunuan ang iyong mga anak sa isang treasure hunt para maghanap ng mga bagay na nagpapaalala sa kanila ng mga kayamanan na may walang-hanggang kahalagahan.
Sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.
-
Habang binabasa mo ang 3 Nephi 14:7, anyayahan ang iyong mga anak na gumawa ng mga aksyon na kumakatawan sa bawat paanyaya ng Tagapagligtas sa talatang ito. Halimbawa, maaari nilang itaas ang kanilang kamay (magtanong), maglargabista kunwari gamit ang kanilang mga kamay (maghanap), o magkunwaring kumakatok sa isang pinto (kumatok). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na maaari nilang sabihin at hilingin sa kanilang mga dalangin.
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa isang laro kung saan hihingi sila ng isang bagay at tatanggap ng isang bagay na ibang-iba. Sa 3 Nephi 14:7–11, ano ang nais ng Tagapagligtas na malaman natin tungkol sa ating Ama sa Langit?
Nais ng Tagapagligtas na dinggin at gawin ko ang Kanyang itinuturo.
-
Mag-isip ng mga paraan na matutulungan mo ang iyong mga anak na ilarawan sa isipan ang talinghaga sa mga talatang ito. Marahil ay maaari silang magdrowing ng mga larawan, gumawa ng mga aksyon, o bumuo ng mga bagay sa matatag at sa mabuhanging mga pundasyon. Maaari din nilang ipalit ang kanilang mga pangalan para sa “matalinong tao” habang binabasa nila ang 3 Nephi 14:24–27 o kantahin ang “Ang Matalino at ang Hangal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 132). O maaari silang tumayo sa tuwing maririnig nila ang salitang “gumagawa” sa 3 Nephi 14:21–27 at 15:1.
-
Narito ang isang object lesson na maaari mong subukan: hilingin sa inyong mga anak na isipin na kunwari ay kumakatawan ang isa sa kanilang mga binti sa pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas at ang isa naman ay kumakatawan sa paggawa ng itinuro ng Tagapagligtas. Anyayahan ang inyong mga anak na subukang bumalanse sa iisang binti nilang “nakikinig.” Ano ang mangyayari kung iihip ang malakas na hangin sa silid? Pagkatapos ay maaari kayong maghanap ng inyong mga anak ng mga partikular na bagay na itinuro sa atin ng Tagapagligtas na gawin: tingnan sa 3 Nephi 12:3–12, 21–26; 13:5–8.