“Oktubre 21–27: ‘Wala nang Mas Maliligayang Tao.’ 3 Nephi 27–4 Nephi,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Oktubre 21–27. 3 Nephi 27–4 Nephi,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Oktubre 21–27: “Wala nang Mas Maliligayang Tao”
3 Nephi 27–4 Nephi
Ang mga turo ni Jesucristo ay higit pa sa isang magandang pilosopiyang pagninilayan. Nilayon ang mga ito para bigyan tayo ng inspirasyon na maging katulad Niya. Ipinapakita sa aklat ng 4 Nephi kung paano lubos na mababago ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ang mga tao. Kasunod ng maikling ministeryo ni Jesus, nagwakas ang ilang siglo ng alitan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Dalawang bansang kilala sa pag-aaway at kapalaluan ang naging “iisa, ang mga anak ni Cristo” (4 Nephi 1:17), at nagsimula silang magkaroon ng “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila” (4 Nephi 1:3). Ang “pag-ibig sa Diyos [ay nanahan] sa puso ng mga tao,” at “wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:15–16). Ganito binago ng mga turo ng Tagapagligtas ang mga Nephita at ang mga Lamanita. Paano ka binabago ng mga ito?
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Ang Simbahan ni Jesucristo ay tinatawag sa Kanyang pangalan.
Nang simulang itatag ng mga disipulo ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa buong lupain, may lumitaw na isang tanong, na maaaring tila maliit na bagay lang para sa ilang tao—ano ang dapat ipangalan sa Simbahan? (tingnan sa 3 Nephi 27:1–3). Ano ang natututuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pangalang ito mula sa sagot ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 27:4–12?
Inihayag ng Tagapagligtas ang pangalan ng Kanyang Simbahan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 115:4. Pagnilayan ang bawat salita sa pangalang iyan. Paano ipinapaalam sa atin ng mga salitang ito kung sino tayo, ano ang ating pinaniniwalaan, at paano tayo dapat kumilos?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 87–89; “Ipinahayag ni Jesucristo ang Pangalan ng Kanyang Simbahan at ang Kanyang Doktrina” (video), Gospel Library.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakatayo sa Kanyang ebanghelyo.
Matapos ipaliwanag na ang Kanyang Simbahan ay kailangang “nakatayo sa [Kanyang] ebanghelyo” (3 Nephi 27:10), inilarawan ng Tagapagligtas kung ano ang Kanyang ebanghelyo. Paano mo ibubuod ang sinabi Niya sa 3 Nephi 27:13–22? Batay sa kahulugang ito, ano ang ibig sabihin para sa Simbahan—at para sa inyo—ng maitayo sa Kanyang ebanghelyo?
“Ano ang nais ninyo?”
Ano ang sasabihin mo kung tatanungin ka ng Tagapagligtas nang ganito, tulad ng itinanong Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ano ang nais ninyong gawin ko para sa inyo?” (3 Nephi 28:1). Pag-isipan ito habang binabasa mo ang 3 Nephi 1–11. Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga hangarin ng puso ng mga disipulo mula sa mga sagot nila sa Kanyang tanong? Paano nagbabago ang iyong mga hangarin habang ipinamumuhay mo ang ebanghelyo ni Jesucristo?
Ang mga himno ay kadalasang nagpapahayag ng taos-pusong mga hangarin—ang “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” ay isang mabuting halimbawa (Mga Himno, blg. 80). Isiping maghanap ng isang himno na sumasalamin sa iyong mga hangarin.
Ang Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay natutupad na.
Mag-isip ng mga palatandaan na ipinapaalam sa iyo ang isang bagay na mangyayari. Halimbawa, paano mo malalaman na parating ang ulan o nagbabago ang mga panahon? Ayon sa 3 Nephi 29:1–3, paano mo malalaman na ang gawain ng Diyos na tipunin ang Kanyang mga tao “ay nagsisimula nang matupad”? (tingnan din sa 3 Nephi 21:1–7). Maaari mo ring pansinin, sa 3 Nephi 29:4–9, ang mga bagay na itatatwa ng mga tao sa ating panahon. Paano pinalalakas ng Aklat ni Mormon ang iyong pananampalataya sa mga bagay na ito?
Ang pagsunod sa mga turo ni Jesucristo ay humahantong sa pagkakaisa at kaligayahan.
Ano kaya ang pakiramdam ng mabuhay sa mga taon kasunod ng pagdalaw ng Tagapagligtas? Habang pinag-aaralan mo ang 4 Nephi 1:1–18, isiping ilista ang mga pagpapalang natanggap ng mga tao. Maaari mo ring markahan o pansinin ang mga pagpapasiyang ginawa nila na nakatulong na humantong sa pinagpalang buhay na ito. Ano ang itinuro ni Jesus sa kanila na maaaring nagbigay-inspirasyon sa kanilang mabubuting pasiya? Narito ang ilang halimbawa, ngunit baka makahanap ka pa ng iba: 3 Nephi 11:28–30; 12:8–9, 21–24, 40–44; 13:19–21, 28–33; 14:12; 18:22–25.
Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para matulungan ang inyong pamilya, ward, o komunidad na mamuhay nang may higit na pagkakaisa at kaligayahan. Ano ang magagawa mo para makatulong na madaig ang mga pagkakawatak-watak at tunay na maging “kaisa” sa iba pang mga anak ng Diyos? Anong mga turo ni Jesucristo ang tumutulong sa iyo na maisakatuparan ang mithiing ito?
Ang malungkot, ang lipunan ng Sion na inilarawan sa 4 Nephi ay naging masama kalaunan. Habang binabasa mo ang 4 Nephi 1:19–49, hanapin ang mga saloobin at pag-uugaling naging dahilan para magwakas ang kanilang kaligayahan at pagkakaisa. Ano ang magagawa mo para maiwasan ang mga saloobin o pag-uugaling ito?
Tingnan din ang Moises 7:18; D. Todd Christofferson, “Mga Lipunang Nakatutugon,” Liahona, Nob. 2020, 32–35; Reyna I. Aburto, “Matibay na Nangagkakaisa,” Liahona, Mayo 2018, 78–80.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Kabilang ako sa Simbahan ni Jesucristo.
-
Para ipakilala ang kahalagahan ng pangalan ng Simbahan ni Jesus, kausapin ang iyong mga anak tungkol sa sarili nilang pangalan. Bakit mahalaga ang ating pangalan? Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang 3 Nephi 27:3 nang sama-sama, na hinahanap ang naging tanong ng mga disipulo ni Jesus. Tulungan ang iyong mga anak na hanapin ang sagot sa 3 Nephi 27:5–8. Bakit mahalaga ang pangalan ng Simbahan?
-
Maaari mo ring tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng iba’t ibang grupong kinabibilangan nila, tulad ng pamilya o klase sa Primary. Tanungin sila kung ano ang gusto nila sa pagiging kabilang sa bawat grupo. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang kantahin ang “Ang Simbahan ni Jesucristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 48) at pag-usapan kung bakit kayo nagpapasalamat na mapabilang sa Simbahan ng Tagapagligtas.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay nakatayo sa Kanyang ebanghelyo.
-
Ibinuod ng Tagapagligtas ang Kanyang ebanghelyo sa 3 Nephi 27. Maaari mong ipaliwanag sa iyong mga anak na ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay “mabuting balita.” Anong mabuting balita ang matatagpuan natin sa 3 Nephi 27:13–16? Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para ituro na ang Simbahan ng Tagapagligtas ay nakatayo sa Kanyang ebanghelyo.
Nagagalak ang Ama sa Langit kapag bumabalik ang Kanyang mga anak sa Kanya.
-
Isiping maglaro ng isang game kung saan magtatago ang isang tao at susubukan siyang hanapin ng iba. Maaari itong humantong sa isang pag-uusap tungkol sa kagalakang nadarama natin kapag natagpuan ang isang taong nawala. Matapos basahin ang 3 Nephi 27:30–31, maaari ninyong pag-usapan kung paano tutulungan ang isa’t isa na manatiling malapit sa Ama sa Langit upang “wala[ng] naliligaw.”
Ang pagsunod kay Jesucristo ay naghahatid sa akin ng kagalakan.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matuto tungkol sa kaligayahan ng mga taong inilarawan sa 4 Nephi, maaari mo silang pakitaan ng mga larawan ng masasayang tao. Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang mga talata 2–3 at 15–17 (o ang “Kabanata 48: Kapayapaan sa Amerika,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 136–37), maaari nilang ituro ang mga larawan kapag nakarating ka sa isang bagay sa kuwento na naghahatid ng kaligayahan.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na isagawa ang itinuturo sa 4 Nephi 1:15–16, maaari mo silang bigyan ng mga sitwasyon kung saan galit ang mga tao sa isa’t isa. Anyayahan silang isadula kung ano sa pakiramdam nila ang sitwasyon kung mayroon tayong “pag-ibig sa Diyos” sa ating puso.