“Oktubre 7–13: ‘Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos.’ 3 Nephi 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Oktubre 7–13. 3 Nephi 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Oktubre 7–13: “Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”
3 Nephi 17–19
Katatapos lamang ni Jesucristo na magministeryo maghapon sa lupain ng Masagana, na nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo, hinahayaang makita at madama ng mga tao ang mga marka ng pako sa Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, at nagpapatotoo na Siya ang ipinangakong Tagapagligtas. Ngayo’y oras na para umalis. “Ang oras ko ay nalalapit na,” wika Niya (3 Nephi 17:1). Pabalik na Siya sa Kanyang Ama, at alam Niya na kailangan ng panahon ng mga tao para pagnilayan ang Kanyang itinuro. Kaya, matapos mangakong babalik kinabukasan, pinauwi na Niya ang maraming tao sa kani-kanilang tahanan. Ngunit walang umalis. Hindi nila sinabi kung ano ang nadarama nila, ngunit naramdaman iyon ni Jesus: umasa sila na Siya ay “mag[ta]tagal pa nang kaunti sa kanila” (3 Nephi 17:5). May iba pa Siyang mahahalagang bagay na gagawin, ngunit palaging mataas ang pagbibigay Niya ng prayoridad sa pagpapakita ng habag sa mga anak ng Diyos. Kaya medyo nagtagal-tagal pa si Jesus. Ang sumunod na nangyari marahil ang pinakamagiliw na halimbawa ng pagmiministeryo na nakatala sa banal na kasulatan. Ang nasabi lang ng mga naroon ay hindi nila iyon maipaliwanag (tingnan sa 3 Nephi 17:16–17). Ibinuod ni Jesus mismo ang biglaang pagbuhos ng Espiritu sa simple at makapangyarihang mga salitang ito: “Ngayon masdan, ang aking kagalakan ay lubos” (3 Nephi 17:20).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Ang Tagapagligtas ang aking perpektong halimbawa ng ministering.
Mga 2,500 katao ang naroon nang magpakita ang Tagapagligtas, subalit naghanap Siya ng paraan para mag-minister sa kanila nang isa-isa. Ano ang napapansin mo tungkol sa paraan ng pag-minister Niya sa 3 Nephi 17; 18:24–25, 28–32? Sa anong mga pangangailangan Siya nag-minister? Anong mga katangian ang naging epektibo sa Kanyang pagmi-minister? Maaari mo ring isipin kung paano Siya nagmi-minister sa iyo. Paano mo matutularan ang Kanyang halimbawa? (Tingnan din sa 3 Nephi 18:24–25 at 28–32.)
Tingnan din ang “Nahabag si Jesucristo at Pinagaling ang mga Tao” (video), Gospel Library.
3 Nephi 17:13–22; 18:15–25; 19:6–9, 15–36
Tinuruan ako ng Tagapagligtas kung paano manalangin.
Isipin kung ano ang pakiramdam ng marinig ang Tagapagligtas na ipinagdarasal ka. Paano makakaapekto ang gayong karanasan sa pagdarasal mo? Pagnilayan ito habang pinag-aaralan mo ang 3 Nephi 17:13–22; 18:15–25; at 19:6–9, 15–36. Ano ang natututuhan mo mula sa halimbawa at mga turo ni Jesucristo tungkol sa panalangin? Isiping maghanap ng mga ideya kung paano, kailan, saan, para kanino, at bakit dapat manalangin. Anong iba pang mga kabatiran ang natamo mo mula sa mga talatang ito?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 10:5.
Maaari akong mapuspos ng Espiritu habang tumatanggap ako ng sakramento.
Kapag madalas nating ginagawa ang isang bagay, maaari itong makaugalian o makasanayan. Kung minsa’y nauuwi tayo sa paggawa niyon nang hindi nag-iisip. Paano mo maiiwasang mangyari iyan sa lingguhang ordenansa ng sakramento? Habang binabasa mo ang 3 Nephi 18:1–12, pagnilayan kung paano ka espirituwal na “mapupuspos” tuwing tumatanggap ka ng sakramento (tingnan din sa 3 Nephi 20:1–9). Ayon sa mga talata 5–7, 11, ano ang ilang bagay na dapat ay “lagi” mong gawin? Maaari mo ring pagnilayan kung bakit ibinigay sa atin ni Jesus ang ordenansa ng sakramento—at kung isinasakatuparan ba ng sakramento ang Kanyang mga layunin sa buhay mo. Bakit mahalaga sa iyo ang sakramento?
Sa kanyang mensaheng “Lagi Siyang Alalahanin” (Liahona, Peb. 2018, 4–6), nagbigay si Pangulong Henry B. Eyring ng “tatlong mungkahi kung ano ang maaari ninyong alalahanin tuwing linggo kapag nakikibahagi kayo sa mga sagradong sagisag ng sakramento.” Ano ang natanim sa iyong isipan tungkol sa kanyang mga mungkahi? Ano ang magagawa mo para mapagbuti ang iyong pagsamba sa oras ng sakramento at sa buong linggo?
Ano pa ang magagawa mo para sumamba nang mas makahulugan? Maaari mong itanong sa iyong sarili ang tulad nito: “Paano iniimpluwensyahan ng sakripisyo ng Tagapagligtas ang aking pang-araw-araw na buhay?” “Ano ang ginagawa ko nang maayos bilang Kanyang disipulo, at ano ang maaari kong pagbutihin?”
Tingnan din sa Mateo 26:26–28; Jeffrey R. Holland, “Narito, ang Cordero ng Dios,” Liahona, Mayo 2019, 44–46; “Habang Aming Tinatanggap,” Mga Himno, blg. 99; “Pinasimulan ni Jesucristo ang Sakramento” (video), Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sacrament,” Gospel Library.
Maaari kong “itaas” ang liwanag ni Jesucristo.
Ipagpalagay nang may kaibigan ka na walang alam tungkol kay Jesucristo maliban sa isa ka sa Kanyang mga tagasunod. Ano ang maiisip ng kaibigan mo tungkol sa Kanya, batay sa iyong mga kilos? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan”? (3 Nephi 18:24). Anong iba pang mga paanyaya ang ibinigay ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 18:22–25 na tumutulong sa iyo na itaas ang liwanag na iyon?
Tingnan din sa Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Liahona, Mayo 2020, 78–80.
Hinahangad ng mga disipulo ni Jesucristo ang kaloob na Espiritu Santo.
Pag-isipan ang iyong mga panalangin kamakailan. Ano ang itinuturo sa iyo ng iyong mga panalangin tungkol sa pinakataimtim mong mga naisin? Matapos gumugol ng isang araw sa piling ng Tagapagligtas, maraming tao ang “nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais”—ang kaloob na Espiritu Santo (3 Nephi 19:9). Bakit lubhang kanais-nais ang kaloob na Espiritu Santo? Habang binabasa mo ang mga siping ito, pagnilayan ang sarili mong pagnanais para sa patnubay ng Espiritu Santo. Paano mo masigasig na hahangarin ang patnubay na iyon?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Mahal ng Tagapagligtas ang bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit.
-
Maaari kang gumamit ng isang larawan na tulad ng nasa outline na ito o ng video na “Nagdasal si Jesucristo at Naglingkod ang mga Anghel sa mga Bata” (Gospel Library) para tulungan ang iyong mga anak na mailarawan sa kanilang isipan ang salaysay sa 3 Nephi 17. Isiping basahin ang mga parirala o talata mula sa 3 Nephi 17 na may diin sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa mga tao (tulad ng mga talata 7 at 20–25). Pagkatapos ay maaaring idrowing ng iyong mga anak ang kanilang sarili na kasama si Jesus. Habang ginagawa nila ito, tulungan silang mag-isip ng mga paraan na naipakita ni Jesus ang Kanyang pagmamahal para sa kanila.
Maaari kong isipin si Jesus habang tumatanggap ako ng sakramento.
-
Marahil ay maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na sabihin sa iyo ang nangyayari sa oras ng sakramento. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang 3 Nephi 18:1–12 at hilingin sa iyong mga anak na magtaas ng kamay kapag narinig nila ang isang bagay na kahalintulad ng ginagawa natin ngayon. Ano ang nais ni Jesucristo na alalahanin o isipin natin sa oras ng sakramento? (tingnan sa 3 Nephi 18:7, 11).
3 Nephi 18:15–24; 19:6–9, 15–36
Tinuruan ako ni Jesus kung paano manalangin.
-
Ang sama-samang pagkanta ng isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7), ay magandang paraan para matulungan ang iyong mga anak na pag-isipan kung bakit tayo nagdarasal. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang 3 Nephi 18:18–21 at pag-usapan ang itinuro ni Jesus tungkol sa panalangin. Ang pag-anyaya sa iyong mga anak na sabihin sa iyo kung ano ang nadarama nila kapag nagdarasal sila ay makakatulong sa kanila para maibahagi nila ang kanilang patotoo tungkol sa panalangin.
-
Maaaring masaya para sa mga bata na maghanap ng ilan sa mahahalagang pagpapala ng panalangin. Maaari mong isulat ang sumusunod na mga scripture reference sa mga piraso ng papel at itago ang mga ito: 3 Nephi 18:15; 3 Nephi 18:20; 3 Nephi 18:21; 3 Nephi 19:9; at 3 Nephi 19:23. Pagkatapos ay maaaring hanapin ng iyong mga anak ang mga papel at basahin ang mga talata, na hinahanap ang mga bagay na itinuro ni Jesucristo o ng Kanyang mga disipulo tungkol sa panalangin.